Ano ang ninanais ng ating Panginoon mula doon sa mga deboto sa kanya? Ang magpapala at makalulugod sa kanya? Kailangan bang magtatag tayo ng marami pang sambahan? Marami pang paaralan ng Bibliya? Marami pang tahanan at intitusyon para sa mga nagdurusang mga tao? Ang mga ito ay kapakipakinabang at kinakailangan, ngunit siya na hindi nananahan sa mga gusali na itinatag ng mga kamay ay naghahanap ng higit pa doon! Akala ni Solomon ay nakapagtatag siya ng isang walang-hanggang templo para sa Diyos, ngunit sa paglipas ng mga taon, ito ay narupok din, at wala pang apat na raang taon, ito ay tuluyan nang nawasak.
Ang isang bagay na hinahanap ng ating Panginoon mula sa kanyang mga tao, mga ministro, at mga pastol ay pakikipag-isa sa kanyang mesa! Nagkakaisa sa paligid ng kanyang makalangit na mesa! Isang lugar at sandali ng pagpapalagayang-loob! Ang patuloy na paglapit sa kanya para sa pagkain, kalakasan, karunungan at pakikipag-isa.
Ang salinlahing ito ay may kakulangang pagpapahayag ng Panginoong Jesus sapagkat marami ay nawawala sa pistahan-ang pistahan ng pakikipag-isa kasama ang Panginoon. Ang kanilang mga upuan ay bakante! Ilan lamang ang nakaalam ng kadakilaan at karangalan ng isang mataas na pagtawag kay Cristo Jesus.
Napagkakamalan natin na ang ating kagalakang espirituwal ay galing sa paglilingkod at hindi sa pakikipag-isa. Patuloy tayong gumagawa para sa Panginoon na hindi natin ganap na kilala! Isinasagad natin ang ating mga sarili, nagtutungo kung saan-saan sa mundong ito at ibinibigay ang ating katawan para sa kanyang gawain—ngunit madalang nating ginagawang magpista! Sadya tayong kampante sa mesa ng Panginoon, hindi ganap na inaalam at mapag-aralan siya!
Si Pablo ay nagpahayag tungkol sa magkakabukod na tatlong taon sa desyerto ng Arabia. Ito ay tatlong maluwalhating taon, nakaupo sa malalangit na mesa ng Panginoon. At doon tinuruan ni Cristo si Pablo ng lahat ng alam niya at ang karunungan ng Diyos na nakita sa kanya. Ang pagbabagong-loob ay hindi sapat para kay Pablo! Ang minsang may sobrenatural na larawan ni Cristo, ang minsang may mahima-himalang pagkarinig ng kanyang tinig mula sa langit, ay hindi sapat! Nagkaroon siya ng minsang panandaliang makita ang Panginoon at naghahanap pa siya ng higit dito!
Mayroong bagay sa espiritu ni Pablo na dumadaing ng, “O sana ay makilala ko siya!” Hindi kataka-taka na masabi niya sa kabuuan ng sistema ng Kristiyanismo, “Sapagka't aking pinasiyahang walang maalaman anoman sa gitna ninyo, maliban na si Jesucristo, at siya na napako sa krus”(1 Corinto 2:2). Sinasabi niya, “Hayaan ang mga Judanismo ng Jerusalem ay manatili sa kanilang pagiging legalista. Hayaan ang iba na magtalo sa punto ng kanilang mga doktrina. Hayaan ang mga naghahanap na maging matuwid sa pamamagitan ng gawa ay manawa. Ngunit para sa akin, nais ko pang makilala si Cristo!”