Huwebes, Nobyembre 25, 2010

TUMAYO AT LUMAKAD

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka” (Juan 5:8). Itong lalaking lumpo na nasa Sapa ng Betesda ay maaring nasabik sa salaysay tungkol kay Jesus na gumagala sa bayan at nanggagamot. Maaring nakarinig siya ng ibang salaysay tungkol Jesus, ngunit hindi siya kilala ng personal. Siya ay nakulong ng kanyang kahinaan at hindi niya nakilala ang Panginoon. Ngunit alam ni Jesus ang lahat tungkol sa kanya! Lumapit si Jesus sa kanya sa kanyang paghihirap at kalungkutan, at habag ay ipagkakaloob na! Ang Panginoon ay naawa sa pakiramdam ng lalaking dukha sa kanyang paghihirap at ang hiniling niya lamang sa kanya ay maniwala sa kanyang Salita at kumilos tungkol dito. “Tumindig ka! Kunin mo ang iyong hinihigaan! At lumakad kang palayo mula dito!”

Pagkatapos ng pagpapagaling sa lalaking ito, makikita siya ni Jesus sa templo at kakausapin siya. Makikilala niyang mabuti si Jesus at magtitiwala sa kanya. Ngunit ngayon, nakahiga sa sapa na kaawa-awa at nawalan ng pag-asa, humaharap siya sa pinakamabigat na pagpapasiya sa kanyang mga taon ng paghihirap. Isang salita ng pag-asa ng pagmumuling buhay ay dumating sa kanya at siya ay hinahamon: Tumayo sa pananampalataya at maging buo, o mahiga sa awa sa sarili at mamatay mag-isa!

Ang lalaki ay maaring patuloy na nakahiga sa sapa sa kawalan ng paniniwala, ayaw kumilos, iniisip sa sarili niya, “Hindi makakatulong ito. Bakit ako pipiliin ng Diyos mula sa dami ng mga tao na itayo para pagalingin? Ako ay nakalaan na mamatay sa ganitong kalagayan.“ Hindi siya sana pinatayo ni Jesus laban sa kanyang kalooban. Kailangan paniwalaan ng lalaking ito na ang kanyang mga daing ay narinig na at ang sandali ng kanyang pagliligtas ay dumating na. ito ay ngayon na o hindi na kailanman!

“Sumagot nga si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama; sapagka't ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa, ay ang mga ito rin naman ang ginagawa ng Anak sa gayon ding paraan. Sapagka't sinisinta ng Ama ang Anak, at sa kaniya'y ipinakikita ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa: at lalong dakilang mga gawa kay sa mga ito ang sa kaniya'y ipakikita niya, upang kayo'y magsipanggilalas” (Juan 5:19-20).

May kakanyahan, sinasabi ni Jesus sa mga nagdududa, “Nais ng aking Ama na pagalingin siya, kaya pinagaling ko siya. Ginagawa ko lamang ang kalooban ng aking Ama.” Iyon ay kalooban ng Diyos, pag-ibig ng Diyos, nais ng Diyos, na gawing buo ang lalaking ito.

Mahirap paniwalaan na iniibig ka pa rin ng Diyos kung ikaw bagsak at nanghihina! Kung marami ng taon ang nasayang; kung nilumpo na ng kasalanan ang iyong katawan at kaluluwa; kung pakiramdam mo ay wala ka nang silbi at halaga pa, at hindi nakakalugod sa Diyos at pagtatakahan kung bakit pa siya mag-aalala. Kinakailangan ang pananampalataya na tulad ng isang bata para matanggap ang pag-ibig na iyon, lumabas sa pananampalataya at sabihing, “Panginoon sa isang salita mo lamang tatayo ako at lalakad—kasama ka!

Hindi mo na kailangang maunawaan ang lahat ng doktrina tungkol sa pagsisisi, kasalanan at katuwiran. Maaring hindi mo kilala si Jesus sa malalim at mahalagang paraan! Ngunit may panahon para diyan; malalaman lahat iyon kung gagawin mo ang unang hakbang ng pagsunod, tumayo ka, at lumapit sa Panginoon. “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili” (Juan 7:17).