Biyernes, Oktubre 30, 2009

MAGALAK SA PANGINOON

“Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko: magalak kayo” (Filipos 4:4). Ito ang pagtatapos na pananalita ni Pablo sa mga taga Filipos. Hindi niya sinasabi, “Ako’y nasa piitan at ang mga kadenang ito ay mga pagpapala. Maligaya ako sa mga kirot na ito.” Naniniwala ako na si Pablo ay araw-araw na nananalangin para sa kanyang paglaya at sa ibang pagkakataon ay dumadaing ng lakas na makayanan niya ito. Maging si Hesus sa sandali ng kanyang pagsubok at kirot, dumaing sa Ama, “Bakit mo ako pinabayaan?” Iyan ang una nating simbuyo sa ating mga kagipitan, ang dumaing, “Bakit?” At ang Panginoon ay matiisin sa daing na iyan.


Ngunit ang Diyos ay naghanda upang ang ating mga “paano kung” at “bakit” ay matugunan ng kanyang Salita. Isinulat ni Pablo, “Sapagkat hangad nilang pasakitan ako samantalang nakabilanggo…Ang mahalaga’y naipangangaral si Kristo kahit sa anong paraan, tapat man o hindi ang hangarin ng nangangaral” (Filipos 1:17-18). Sinasabi niya sa atin, sa ibang salita, “Ako ay nakatitiyak na ang Salita ng Diyos ay mapatututnayan sa aking pagtugon sa aking mga kagipitan. Itinalaga ko ang aking isipan na hindi ko ikahihiya ang ebanghelyo o gawin itong magmukha na parang walang kapangyarihan.


“Ang katotohanan ay, si Kristo ay ipinangangaral sa pamamagitan ng aking mahinahong pagmumukha, sa aking kapahingahan sa gitna ng lahat ng ito. Ang lahat ng nakakakita sa akin ay alam na ang ebanghelyo na ipinangangaral ko ang nagdadala sa akin sa lahat ng mga kagipitang ito. Pinatunayan nito na ang Panginoon ay kayang dalhin kahit sino sa anumang kalagayan, anumag sunog, o baha, at ang kanyang ebanghelyo ay ipangangaral sa pamamagitan ng karanasan.


Narito ang mensahe na narinig ko sa pamamagitan ni Pablo at Abram: Hindi natin kailangan gumawa ng kadakilaan para sa Panginoon. Kailangan lamang natin na manalig sa kanya. Ang ating gagampanan ay ilagay ang ating buhay sa kamay ng Diyos at manalig na kakalingain niya tayo. Kung gagawin natin ito, ang kanyang ebanghelyo ay naipangaral, anuman ang ating katatayuan. At si Kristo ay ipahahayag sa atin lalo na sa ating mga mahigpit na katayuan.


Si Sam na isang nakatatanda sa aming iglesya ay minsan nagsabi sa akin, “Pastor David, ang paraan ng iyong pagharap sa mga kagipitan ay isang patotoo sa akin.” Ang hindi naisip ni Sam ay ang kanyang buhay ay isang aral para sa akin. Siya ay natutulog na may talamak na kirot na nagbibigay ng kaunting oras na tulog lamang bawat gabi. Sa kabila ng pirmihang kirot, nagngangalit na kirot, ang kanyang panata sa Panginoon ay isang patotoo sa aming lahat. Ang kanyang buhay ay ipinangangaral si Kristo na kasing kapangyarihan ng anumang mga pangaral ni Pablo.


Kaya’t, si Kristo ba’y ipinangangaral sa iyong pangkasalukuyang pagsubok? Ang iyo bang mag-anak ay nakikita ang ebanghelyo na kumikilos sa iyo? O takot at sindak lamang, kawalan ng pag-asa at pagtatanong sa katapatan ng Diyos? Paano mo tinutugunan ang iyong kagipitan?

Huwebes, Oktubre 29, 2009

ANG LAHAT AY NASA PANGANGALAGA NG DIYOS

Ang buong sanlibutan ay nanginginig sa takot ngayon dahilan sa pagsiklab ng sindak at mga kalamidad na nangyayari sa buong daigdig. Araw-araw gumigising tayo na mayroon na namang kapahamakang nangyari. Sinasabi ng ibang tagamasid na tayo ay sumasaksi sa simula ng Pangatlong Digmaang Pandaigdig.


Ang mga hindi mananampalataya ay naniniwala na wala nang sulusyong natitira, na ang lahat ay umiinog sa kaguluhan sapagkat walang “panlahatang-nakakakita ng pamamahala.” Ngunit ang mga tao ng Diyos ay iba ang pananaw. Alam natin na walang dapat ikatakot, sapagkat ang Bibliya ay nagpapaalala sa atin paulit-ulit na ang lahat ay nasa pangangalaga ng Panginoon. Walang nangyayari sa sanlibutan na hindi niya alam at hindi niya pinangangalagan.


Ang Taga-awit ay sumulat, “Ang Diyos ay Panginoon, hari siya ng nilikha, maghahari sa daigdig sa lahat ng mga bansa” (Awit 22:28). Kahalintulad, ang propetang si Isaias ay nagpahayag sa sanlibutan, “Lumapit kayo mga bansa, mga lahi at mga bayan! Unawain ninyo ito, kayong lahat ng narito sa daigdig” (Isaias 34:1). Sinasabi niya, “Makinig, mga bansa, at makinig na mabuti. Nais kong sabihin sa inyo ang isang bagay na mahalaga tungkol sa Lumikha ng Sanlibutan.”


Isinalaysay ni Isaias na kapag ang galit ng Diyos ay pinukaw laban sa mga bansa at sa mga sandatahan nito, ang Panginoon mismo ang pupuksa sa kanila. “Di ba ninyo alam, sa harap ni Yahweh ang alinmang bansa ay walang kabuluhan? Tulad lang ng isang patak ng tubig sa isang sisidlan ang mga pulo ay parang alikabok lamang ang timbang…Sa kanyang harapan ay walang halaga ang lahat hg bansa…Ang lumikha nito ay ang Diyos na nagluklok sa kanyang trono doon sa kalangitan, mula roon ang tingin sa tao’y tulad lang ng langgam…Saan ninyo ngayon ipaparis ang Diyos? Siya’y kanino katulad?” (Isaias 40: 15, 17, 22, 25).


At noon si Isaias ay nagwika sa mga tao ng Diyos , na lubhang bugbog at naguguluhan sa mga nangyayari sa sanlibutan. Nagpayo siya, “Tumingin sa langit, sa maluwalhating kalangitan. Pagmasdan ang miyun-milyong mga bituin na inilagay doon. Ang Diyos mo ang lumikha at nagbigay ng pangalan ng bawat isa. Hindi ba’t mas mahalaga ka sa kanya kaysa sa kanila? Kaya huwag matakot.”


Dapat nating malaman na mayroong mapa sa langit, isang plano na iginuhit ng Ama para sa daraanan ng kasaysayan. At alam niya ang katapusan mula sa simula. At sa pagbubunga ng mga planong ito, naniniwala ako na dapat nating itanong sa ating sarili: “Saan nakatuon ang tingin ng Panginoon sa lahat ng ito?” Ang Diyos ay hindi nakatingin sa mga malalatang-diyos na diktador o sa kanilang mga pananakot.


Sinigurado ng Kasulatan sa atin, “Ang mga pinuno’y iniaalis niya sa kapangyarihan at ginagawang walang kabuluhan. Tulad nila’y mga halamang walang ugat, bagong tanim agad natutuyo at tila dayaming tintangay ng hangin” (Isaias 40: 23,24).

Miyerkules, Oktubre 28, 2009

NABIGO ANG AKING PAGSISIKAP

Mabibigo ka ba na malaman mo na si Hesus ay nakaranas ng pakiramdam nang wala halos siyang nagawa?


Sa Isaias 49:4 nabasa natin ang mga salitang ito: Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay…” Itala na ang mga ito ay hindi mga salita ni Isaias, na tinawag ng Diyos na may gulang nang edad. Hindi, ang mga ito mga sariling salita ni Kristo, winika ng Isa “Pinili na ako ni Yahweh bago pa isinilang…bago pa ako ipinanganak ay hinirang na ni Yahweh, pinili niya ako para maging lingkod niya upang ibalik ang mga Israelita at sila’y ibalik sa bayang Israel (at tipunin ang mga nangalat na Israelita)” (49: 1,5).


Nang mabasa ko ang talatang ito, isa na maraming ulit ko nang nabasa, ang aking puso ay nagtataka. Hindi ko halos mapaniwalaan ang aking binabasa. Ang salita dito ni Hesus tungkol sa “pagsisikap na bigo” ay isang tugon sa Ama na kapapahayag lamang, “Ikaw ay lingkod ko…sa pamamagitan mo Ako’y dadakilain ng mga tao” (49:3). Nabasa natin ang nakabibiglang tugon ni Kristo sa sumunod na bersikulo: “Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay” (49:4).


Pagkatapos basahin ito, ako’y tumayo sa aking silid-aralan at nagwika, “Kamangha-mangha. Hindi ko halos mapaniwalan na si Kristo ay ganito kabulnerable, nangungumpisal sa Ama na siya ay dumadanas ng kung ano ang ating kinakaharap. Sa kanyang pagkatao, natikman ang katulad na pagkasira ng loob, katulad na panlulupaypay, katulad na pagkasugat. Nagkaroon siya ng katulad na isipin na mayroon ako tungkol sa aking buhay: ‘Hindi ito ang aking nadama na ipinangako. Sinayang ko ang aking lakas. Ang lahat ay nauwi sa kabiguan.


Ang mabasa ang mga salitang iyon ay binigyan ako ng dahilan upang lalo kong inibig si Hesus. Naisip ko na ang Hebreo 4:15 ay hindi isang salitang pauli-ulit lamang: ang ating Tagapagligtas ay tunay na hinipo ng damdamin ng ating mga kahinaan, at natukso ng tulad natin sa maraming pagkakataon, ngunit ng walang kasalanan. Alam na niya itong katulad na panunukso mula kay Satanas, narinig ang katulad na nagbibintang na tinig: “ang iyong gawain ay hindi naisakatuparan. Ang iyong buhay ay isang bigo. Wala kang maaring ipakita mula sa iyong mga pagsisikap.”


Naparito si Kristo sa sanlibutan upang gampanan ang kalooban ng Diyos na muling maibalik ang bansang Israel. At ginawa niya ayon sa utos sa kanya. Ngunit siya ay tinanggihan ng Israel: “Naparito siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan” (Juan 1:11).


Bakit magsasalita si Hesus, o sino mang lalaki o babae ng mga mga kabiguang pananalita katulad ng: “Nabigo ang pagsisikap ko?” Paanong ang Anak ng Diyos ay magsasalita ng ganitong pahayag? Ang lahat ng ito ay bunga ng pagsusukat ng mga munting bunga laban sa matayog na mga inaasahan


Maari mong isipin, “Ang pahayag na ito ay may himig na parang ipinatutungkol sa mga mangangaral lamang, o sa mga tinawag upang gumanap sa mga dakilang gawain para sa Diyos. Nakikita ko ito na nakalaan sa mga misyonaryo o sa mga propeta ng Bibliya. Ngunit ano ang kinalaman nito sa akin?” Ang katotohanan ay, tinawag tayong lahat para sa isang dakila, isang layunin, at sa isang ministeryo: at ito ay, ang maging kawangis ni Kristo. Tinawag tayo upang lumago sa pagiging kawangis niya, upang pagbaguhin patungo sa kanyang malinaw na larawan.

Martes, Oktubre 27, 2009

MAGPAKATATAG AT HUWAG MATITINAG

Natutunan natin sa Isaias 49 na alam ng Panginoon ang ating pakikipaglaban. Napaglabanan na niya ito bago pa sa iyo. At hindi kasalanan na manatili sa isipan na ang iyong pagsisikap ay nabigo, o mawalan ng pag-asa na may pakiramdam ng pagkabigo sa kanyang mga durug-durog na inaasahan. Maging si Hesus ay naranasan ito at hindi nagkasala.


Ito ay mapanganib, gayunman, na hayaang ang mala-impiyernong mga kasinungalingang ito ay palalain at pag-alabin ang iyong kaluluwa. Ipinakita ni Hesus sa atin ang daan palabas sa ganitong panlulupaypay sa pahayag na ito: “Ako ay nabigo sa aking pagisikap…Gayunma’y itinitiwala ko kay Yahweh ang aking kalagayan, na ako’y gagantimpalaan sa aking nakayanan” (Isaias 49:4). Ang salitang Hebreo dito ng paghuhusga ay “pasiya,” sinasabi ni Kristo, na may kakanyahan, “Ang huling pasiya ay nasa aking Ama. Siya lamang ang maaring humusga sa lahat ng ginawa ko at kung gaano ako naging kabisa.


Tayo ay hinihikayat ng Diyos sa pamamagitan ng bersikulong ito: “Ihinto ang pagpapasiya ng iyong gawain para sa akin. Wala kang karapatan na husgahan kung gaano ka naging kahusay. At wala kang karapatan na tawagin mo ang iyong sarili na isang bigo. Hindi mo pa alam kung anong uri ng impluho ka mayroon. Wala ka nga lamang imahinasyon upang alamin ang mga pagpapala na padating sa iyo.” Sa katunayan, hindi natin malalaman ang ganyang maraming bagay hanggang sa tayo ay tumayo sa harapan niya sa walang hanggan.


Sa Iasias 49, narinig ni Hesus ang Ama na sinabi sa maraming salita: “Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ni Yahweh, pinili niya ako para maging lingkod niya upang tipunin ang nangalat na mga Israelita, at sila’y ibalik sa bayang Israel. Binigyan ako ni Yahweh ng karangalan, sa kanya nagbubuhat ang aking karangalan. Sinabi ni Yahweh sa akin: ‘Israel na aking lingkod, may mas mahalaga pa akong ipagagawa sa iyo. Bukod sa pagpapanumbalik sa mga Israelitang nalabi ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa upang lahat sa daigdig ay maligtas” (tingnan Isaias 49:5-6).


Habang ang dimonyo ay nagsisinungaling sa iyo, sinasabi na ang lahat ng iyong ginawa ay nabigo, na hindi mo na makikita ang iyong mga inaasahan na makamit, ang Diyos sa kanyang kaluwalhatian ay naghahanda ng mas dakilang pagpapala. Mas marami siyang inihahanda, higit pa sa iyong maaring isipin o hilingin.


Hindi na tayo dapat makinig sa mga kasinungalingan ng kaaway. Sa halip, tayo ay mamahinga sa Banal na Espiritu, manalig sa kanya na gampanan niya ang gawain na tayo ay gawing kawangis ni Kristo. At tayo ay tatayo mula sa ating kabiguan at manindigan sa salitang ito: “Magpakatatag kayo, at huwag matitinag. Magpakasipag kayo sa gawain para sa Panginoon yamang alam ninyong di nasasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya” (1 Corinto 15:58).

Lunes, Oktubre 26, 2009

IPAGTIWALA MO SA AKIN ANG LAHAT NG IYONG KINABUKASAN

Ang Panginoon ay nagpakita kay Abram isang araw at nagbigay ng di-kapani-paniwalang utos: “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo” (Genesis 12:1).


Isang nakakagulat na bagay. Kaginsa-ginsay, pumili ang Diyos ng isang tao at sinabi sa kanya, “Nais ko na ikaw ay tumayo at humayo, iwanan ang lahat: ang iyong tahanan, ang iyong mga kamag-anak, maging ang iyong bayan. Ipapadala kita sa ibang lugar, at ituturo ko sa iyo kung paano mo pupuntahan iyon habang ikaw ay naglalakbay.”


Paano sumagot si Abram sa nakakagulat na salita mula sa Panginoon? “Dahil sa pananalig sa Diyos, tumalima si Abram nang siya’y papuntahin ng Diyos sa lupang ipinangako sa kanya. At humayo siya, bagamat hindi niya alam kung saan paroroon” (Hebreo 11:8).


Ano ang binabalak ng Diyos? Bakit siya maghahanap ng isang tao sa isang bayan, at pagkatapos ay tawagin siya para iwanan ang lahat at maglakbay ng walang mapa, walang direksiyon, hindi alam ang patutunguhan? Isipin ang hinihiling ng Diyos kay Abram. Hindi niya ipinakita kung paano niya pakakainin o itataguyod ang kanyang mag-anak. Hindi niya sinabi kung gaano kalayo ang lalakbayin o kung kailan siya dadating. Dalawang bagay lamang ang sinabi sa kanya sa simula pa lamang: “Humayo ka,” at “Ituturo ko sa iyo ang iyong dadaanan.”


May kakanyahan, sinabi ng Diyos kay Abram, “Mula sa araw na ito, nais ko na ibigay mo sa akin lahat ang iyong kinabukasan. Patuloy kang mamumuhay na inilagay mo ang iyong kinabukasan sa aking mga kamay, isang araw sa bawat sandali. Nais kong ipagkaloob mo ang iyong buhay sa pangako na ibinibigay ko sa iyo, Abram. Kapag ito ay iyong pinanghawakan, pagpapalain kita, gagabayan ka at ituturo sa isang lupain na hindi mo mailarawang-diwa.


Ang kalagayan na itinuturo ng Diyos kay Abram ay ang kalagayan na nais niyang pagdalhan sa bawat bahagi ng katawan ni Kristo. Si Abram ay siyang tinatawag ng mga mag-aaral ng Bibliya na isang “taong huwaran,” isang tao na naglilingkod bilang halimbawa kung paano lumakad sa harap ng Panginoon. Ang halimbawa ni Abram ay nagpapakita sa atin kung ano ang kinakailangan ng lahat na nagnanais na malugod ang Diyos.


Huwag magkamali, Si Abram ay hindi na bata nang siya ay tinawag upang tuparin niya ang kanyang pangako. Maaring mayroon siyang mga plano upang mapangalagaan ang kinabukasan ng kanyang mag-anak, kaya’t kailangan niyang magkaroon ng kinalaman sa maraming pagsasa-alang-alang habang tinitimbang niya ang tawag ng Diyos. Gayunman, “nanalig si Abram, at dahil dito’y kinalugdan siya ni Yahweh” (Genesis 15:6).


Sinasabi ni Apostol Pablo sa atin na ang lahat na nananalig at nagtitiwala kay Kristo ay mga anak ni Abram. At, katulad ni Abram, tayo ay ibinilang na matuwid sapagkat tinanggap natin ang katulad na tawag na ipagtiwala ang lahat ng ating kinabukasan sa mga kamay ng Panginoon.

Biyernes, Oktubre 23, 2009

ALAM NG AMA

Tinawag tayo ni Hesus sa isang uri ng pamumuhay na hindi nag-iisip o nag-aalala tungkol sa kinabukasan at ilagay ang ating buong kinabukasan sa kanyang mga kamay: “Kaya’t huwag isipin, sasabihing, Ano ang aming kakainin? O, Ano ang aming iinumin? O, Ano ang aming damit na isususot? (Dahil ito ang mga hinahanap ng mga Hentil). Ang inyong Amang nasa langit ay alam ang lahat ng inyong pangangailangan.


“Ngunit pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ipagkakaloob niya ang lahat ng kailangan ninyo. Kaya, huwag ninyong ikabahala ang para sa araw ng bukas, saka na ninyo harapin kapag ito’y dumating. Sapat na sa bawat araw ang kanyang mga suliranin” (Mateo 6:31-34).


Hindi ipinapakahulugan ni Hesus na hindi na tayo magpaplano nang maaga o wala nang gagawin para sa ating kinabukasan. Sa halip, sinasabi niya, “Huwag mabagabag o mag-alala tungkol sa kinabukasan.” Kapag inisip mo ito, ang marami na nakakabagabag sa atin ay tungkol sa kung ano ang maaring mangyari sa kinabukasan. Madalas tayo ay ginugulo ng dalawang salita: Paano kung?


“Paano kung bumagsak ang ekonomiya, at mawalan ako ng trabaho? Paano ko mababayaran ang isinanla ko? Paano kami mabubuhay ng pamilya ko? Paano kung mawala ang aking pangkalusugang seguro? Kapag ako ay nagkasakit o kailangang madala sa pagamutan, masisira na ang buhay namin. O, paano kung manghina na ang kalusugan ko sa panahon ng mga pagsubok?” Tayong lahat ay may libu-libong “paano kung” na pagkabagabag.


Pinigilan ni Hesus ang ating mga “paano kung” at sinasabi sa atin, “Alam ng iyong Amang nasa langit kung paano ka kakalingain.” Patuloy pa niyang sinabi, “Wala kang dapat ipag-alala. Alam ng iyong Ama na mayroon kang mga pangangailangan sa lahat ng mga bagay na ito, at hindi ka niya kailanman pababayaan. Siya ay tapat para pakainin ka, bihisan ka at kalingain upang ipagkaloob ang lahat ng pangangailangan mo.


“Masdan ninyo ang mga ibon: hindi sila naghahasik ni nag-aani o kaya’y nagtitipon sa bangan. Gayunman, pinakakain sila ng inyong Amang nasa langit…isipin ninyo kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagpapagal o humahabi man…maging si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng isa sa mga bulaklak na ito.


Kung ang mga damo sa kabukiran, na buhay ngayon at kinabukasa’y iginagatong sa kalan, ay dinaramtan ng Diyos, kayo pa kaya? Kay liit ng pananalig ninyo sa kanya” (Mateo 6:26, 28-30).


Magalak naming ipinagkakaloob ang aming mga kahapon sa Panginoon, ibinigay sa kanya ang aming mga nakalipas na mga kasalanan. Nanalig kami sa kanya sa kapatawaran ng lahat ng aming mga nakalipas na kabiguan, pagdududa at mga pagkatakot. Kaya’t bakit hindi natin gawin kahalintulad pati na ang para ating mga kinabukasan? Ang katotohanan ay, marami sa atin ay mahigpit ang kapit sa ating kinabukasan, nagnanais na panghawakan ang ating mga pangarap. Gumagawa tayo ng pansariling balak na walang pakialam ang Diyos, at pagkatapos ay hihingin natin na pagpalain niya at isakatuparan ang mga pag-asa at mga hangaring iyon.

Huwebes, Oktubre 22, 2009

KAPAYAPAAN AT KALIGTASAN SA PANGANIB

Mayrooon akong isang bagay na kinatatakutan ng higit pa sa lahat at iyon ay kapag ako’y unti-unting itinutulak palayo kay Kristo. Ako ay nanginginig sa paniwala na baka ako ay maging tamad, pabaya sa espirituwal, abutan sa hindi pananalangin, at dadaan ang mga araw na hindi magbubulay ng Salita ng Diyos. Sa aking mga paglalakbay sa buong sanlibutan nasaksihan ko ang isang “espirituwal na dambuhalang alon” ng maladimonyong pagkaanod. Ang pangkalahatang mga denominasyon ay inanod ng dambuhalang alon na ito, iniwan sa kanilang kamalayan ang giba-gibang pagwawalang-bahala, Ang Bibliya ay malinaw na nagbabala na di-maaari para sa mga debotong mananampalataya na maitulak palayo kay Kristo.

Ang isang Kristiyano na ang hanap lamang ay “kapayapaan at kaligtasan kahit sa anong paraan” at mistulang nakakapit lamang sa kaligtasan ay magbabayad ng malaking espirituwal na halaga. Kaya’t, paano natin mababantayan ang paglayo kay Kristo at pagbabale-wala sa “isang dakilang kaligtasan?” Sinabi sa atin ni Pablo paano, “Kaya nga, dapat nating panghawakang mabuti ang mga katotohanang narinig natin upang hindi tayo maligaw” (Hebreo 2:1).

Ang Diyos ay hindi nababahala sa ating “pagiging mabilis magbasa” ng kanyang Salita. Ang magbasa ng maraming kabanata sa isang araw o subuking basahin ng mabilisan ang Bibliya ay maaring magbigay sa atin ng magandang nadarama ng kahusayan. Ngunit ang mas mahalaga ay ating “narinig” ang ating nabasa, ng ating espirituwal na pandinig, pinag-nilay-nilay ito upang ito’y “marinig” ng ating mga puso.

Ang manatiling matatag sa Salita ng Diyos ay hindi isang maliit na bagay para kay Pablo. May pag-ibig na siya ay nagbabala, “Kaya nga, dapat nating panghawakang mabuti ang mga katotohanang narinig natin upang hindi tayo maligaw” (Hebreo 2:1). Sinabi rin niya, “Tiyakin ninyong mabuti kung kayo’y namumuhay ayon sa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nadaramang sumasainyo si Kristo-Hesus? Maliban na lang kung kayo’y mga itinakwil” (2 Corinto 13:5).

Hindi ipinahiwatig ni Pablo sa mga mananampalatayang ito na sila ay mga itinakwil. Sa halip, hinihikayat niya sila, “Bilang umiibig kay Kristo, subukin ninyo ang inyong sarili. Tuusin ninyo ang inyong espirituwal na kalagayan kung kayo’y namumuhay ayon sa pananampalataya. Sapat ang inyong kaalaman tungkol sa inyong paglalakad kasama si Hesus para malaman na kayo ay iniibig niya, na hindi niya kayo tinatalikuran, na kayo ay tinubos. Ngunit tanungin ninyo ang inyong sarili: Kumusta ang inyong pakikipag-isa kay Kristo? Binabantayan ninyo ba ito ng may lubusang pagsisikap? Kayo ba ay sumasandal sa kanya sa inyong mga kagipitan?”

Maaring naisakatuparan mo, “Nakita ko ang munti kong paglayo sa aking buhay, may hilig na maaring maidlip. Alam ko na unti-unting nababawasan ang aking pananalangin. Ang aking paglalakad kasama ang Panginoon ay hindi katulad ng nararapat.” “Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Kristo, kung mananatili tayong matatag hanggang wakas sa ating pananalig sa kanya” (Hebreo 3:14).

Miyerkules, Oktubre 21, 2009

ANG TAGAPAGLIGTAS

Si Apostol Pablo ay nagsasabi sa atin na, “Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala…ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe…sinumpa at tinupok ng Diyos ang mga lunsod ng Sodom at Gomorra, upang ipakita sa masasama ang kanilang kasasapitan. Ngunit iniligtas ng Diyos ang mabuting si Lot na labis na nababahala sa kahalayang ginagawa ng masasama” (2 Pedro 2:4-7).

Sa kabila ng malupit na mga halimbawa, ang Diyos ay nagpadala ng malinaw na mensahe ng kaginhawahan sa kanyang mga tao, parang sinasabi, “Binigyan ko kayo ng dalawa sa pinakamalaking halimbawa ng aking kahabagan. Kung, sa gitna ng baha na sasalikop sa daigdig, ay maililigtas ko ang isang matuwid na tao at ang kanyang mag-anak palabas ng pagkapuksa… kung ganon hindi ko ba kayo kayang iligtas? Hindi ko ba kayang magbigay daan sa isang mahimalang pagtakas?

“Kung kaya kong magpadala ng paghuhusga ng pagkatupok na sasalikop sa kabuuan ng lunsod sa bawat pagkakataon, gayunman kaya kong magpadala ng anghel sa gitna ng kaguluhan upang iligtas si Lot at ang kanyang mga anak na babae…kung ganon hindi ko ba kaya magpadala ng mga anghel upang iligtas kayo sa inyong mga pagsubok?”

Ang aral dito para sa mga matuwid ay ito: Gagawin ng Diyos ang lahat para mailigtas ang kanyang mga tao sa mga nag-aapoy na pagsubok at tukso. Isipin mabuti ito: Kinailangan ang pagbuka ng Pulang-Dagat upang mailigtas ang mga Israelitas sa kamay ng kanilang mga kaaway. Kinailangan ang tubig galing sa mga bato upang mailigtas ang mga Israelitas mula sa kanilang pagsubok sa desyerto. Kinailangan ang mahimalang tinapay, pagkain ng mga anghel na tunay na ipinadala mula sa langit, at “bantay na mga anghel” upang iligtas si Lot sa mapamuksang apoy. Ang malinaw na usapin ay alam ng Diyos kuna paano ililigtas ang kanyang mga tao, at gagawin niya ang sukdulan upang magampanan ito, kahit ano pa ang kalalagayan.

Ang parirala ni Pedro “Alam ng Diyos kung paano magligtas” ay nangangahulugan, “Mayroon na siyang nakahandang mga plano.” Ang nakamamanghang katotohanan ay ang Diyos ay mayroon ng mga plano para sa ating kaligtasan bago pa man tayo dumaing sa kanya. At hindi niya kinalilimutan ang mga planong iyon, hinihintay lamang niya ang ating pagdaing ng tulong. Maari tayong nagkakabuhul-buhol sa mga paghihirap na pang-habang-buhay, iniisip kung paano tayo ililigtas, gayunman siya ay nakahanda sa lahat ng sandali upang isagawa ang kanyang mga plano.

Nakita natin na ito ay inilarawan sa Jeremias 29, nang ang Israel ay nasa pagkakabihag ng Babilonya. Narito ang marahil ay ang pinakamabigat na pagsubok na naranasan ng mga tao ng Diyos, gayunman ipinangako sa kanila ng Panginoon: “Pagkatapos ng pitumpong taon, bibisitahin ko kayo at gagampanan ang Salita ko sa inyo.”

“Ako lamang ang nakaaalam ng mga panukalang inihahanda ko para sa ikabubuti ninyo, at para dulutan kayo ng pag-asa sa hinaharap” (jeremias 29:11). Ang huling pararila ay tunay na nangangahulugan ng “Ibigay sa inyo ang matagal na ninyong hinihintay.” Nais ng Diyos na patuloy tayong manalangin para sa kanyang pagliligtas.

Martes, Oktubre 20, 2009

TUMIGIL AT ALAMIN

Noong 1958, ako’y namighati tungkol sa isang balita sa pahayagan na tumalakay sa pitong kabataan na humaharap sa isang paglilitis sa pagkakapatay sa isang batang-lumpo. May masidhing pagpukaw sa akin ang Banal na Espiritu na may matinding pagkakadama na ako ay itinutulak na magtungo sa hukuman sa Nuweba York na kung saan ginagawa ang paglilitis, at ako’y pumasok sa hukuman na inudyukan ng Espiritu na subukan kong makipag-usap sa mga kabataang iyon.


Habang patapos na ang pagpupulong sa araw na yaon, gayunman, isang kagyat na pang-unawa ang naramdaman ko. Naisip ko, “Ang mga kabataang iyon ay ilalabas sa tagilirang pintuan na nakakadena, at hindi ko na sila makikitang muli.” Kaya’t tumayo ako at nagtungo sa daraanan patungo sa upuan ng hukom, na kung saan ako’y naki-usap na payagan na makipag-usap sa mga kabataang iyon bago sila bumalik sa kanilang kulungan.


Sa isang saglit, sinunggaban ako ng mga pulis, at ako’y padalos-dalos na inihatid palabas mula sa hukuman. Ang mga kamera’y nagkislapan sa buong paligid ko, at ako’y pina-ulanan ng mga katanungan mula sa mga mamamahayag na kumukuha ng salaysay sa paglilitis na iyon. Nakatayo lamang ako doon na hindi makakibo, ganap na gulilat, sa isang nakakahiyang kalagayan. Naisip ko, “Ano ang iisipin ng simbahan pagbalik ko? Iisipin ng mga tao na ako’y hibang. Naging isang walang ka-alam-alam.”


Sa gitna ng lahat ng kaguluhang ito, Nanalangin ako ng tahimik, “Panginoon, akala ko ay pinapunta mo ako rito. Ano ang mali sa nangyari?” Hindi ako makapanalangin ng malakas, oo nga, sapagkat ang mga mamamahayag ay iisipin na mukha talaga akong hibang. (Nagmukha na nga akong tanga, sapagkat naka kurbata akong maliit!)


Narinig ng Diyos ang daing ng kawawang lalaking ito sa araw na iyon, at lagi na niyang pinaparangalan ang aking tahimik na pagdaing mula noon. Nakita mo, mula sa nakakahabag na kalagayan ng tagpong iyon sa hukuman, ang ministeryo ng Hamon Pangkabataan (Teen Challenge) ay isinilang, na umaabot na sa buong–daigdig. At nagagalak ako sa mapagpakumbabang patotoo ni David mula sa Awit 34: “Aking pupurihin kanyang mga gawa, kayong naapi, makinig, matuwa” (Awit 34:2).


Sinasabi dito ni David, na may kakanyahan, “Mayroon akong nais sabihin sa lahat ng mapagpakumbabang mga tao ng Diyos dito sa sanlibutan, ngayon at sa mga panahon pang darating. Habang ang mundong ito ay nananatili, ililigtas ng Panginoon ang lahat na tumatawag sa kanya at nananalig sa kanya. Sa di-kapani-paniwalang kahabagan at pag-ibig niya, iniligtas niya ako, kahit na gumawa ako ng isang kahangalan.”


Ang dapat mo lamang malaman ay ang ating Banal na Panginoon ay naririnig ang lahat ng taus-pusong pagdaing, malakas man o hindi binibigkas, at siya ay tumutugon. Kahit na kumilos ka ng may kahangalan o may labis na kabiguan sa pananalig, kailangan mo lamang na bumalik sa pagtawag sa iyong Tagapagligtas. Siya ay tapat upang pakinggan ang iyong daing at para kumilos.

Lunes, Oktubre 19, 2009

PAKAININ ANG AKING TUPA

Nang tanungin ko ang Banal na Espiritu na ipakita sa akin kung paano bantayan ang kapabayaan, iginabay niya ako na isa-alang-alang  ang paglayo ni Pedro at ang pagsapit ng kanyang pagbabago. Ang taong ito ay itinanggi si Kristo, nanglait, sinasabi sa nagbintang sa kanya, “Hindi ko siya kilala.”

 

Ano ang nangyari? Ano ang nagdala kay Pedro sa ganoong katayuan? Ito ay kapaluan, ang bunga ng mapagmalaking kahambugan. Ang disipulong ito ay nagsabi sa sarili at sa iba, “Hindi ako maaring manglamig sa aking pag-ibig kay Hesus. Narating ko ang katayuan sa aking pananalig na hindi na kailangang bigyan ng babala.  Ang iba ay maring maanod, ngunit ako’y mamamatay para sa aking Panginoon

 

Gayunman si Pedro ang una sa mga disipulo na sumuko sa pagdurusa. Tinalikdan niya ang kanyang bokasyon at bumalik sa dati niyang gawain, sinasabi sa iba, “Ako’y mangingisda.” Ang tunay na sinasabi niya ay, “.”Hindi ko kayang harapin ito. Akala ko ay hindi ako magkakamali, ngunit walang sinuman ang bumigo sa Diyos ng higit pa sa akin. Hindi ko na kaya ang pasaning ito.”

 

Sa katayuang iyon, pinagsisihan ni Pedro ang pagtanggi niya kay Hesus. At siya ay muling ibinalik sa pag-ibig ni Hesus. Gayunman siya ay isa pa ring basahan sa kanyang loob.

 

Ngayon, habang hinihintay ni Hesus ang mga disipulo na bumalik sa pampang, isang usapin  ang hindi pa naaayos sa buhay ni Pedro. Hindi sapat na si Pedro ay nanumbalik at pinagbago, tiyak sa kanyang kaligtasan. Hindi sapat na siya ay mag-ayuno at manalangin na katulad ng ginagawa ng sinumang tapat na mananampalataya. Hindi, ang usapin na nais bigyang pansin ni Kristo sa buhay ni Pedro ay ang kapabayaan sa ibang anyo. Hayaang ipaliwanag ko.

 

Habang sila ay nakaupo sa paligid ng siga sa pampang, kumakain, nagkakausap-usap, tinanong ni Hesus si Pedro ng tatlong beses, “Iniibig mo ba ako ng higit pa sa pag-ibig nila sa akin? Sa bawat pagkakataon sumagot si Pedro, “Oo, Panginoon, alam mo na iniibig kita,” at sumagot si Kristo ng, “Pakainin ang aking tupa.” Itala na hindi ipina-alala ni Hesus na magbantay at manalangin, o maging masigasig na magbasa ng Salita ng Diyos. Ipinalagay ni Hesus ang mga bagay na iyon ay naipangaral nang mabuti. Hindi, ang utos na ibinigay niya kay Pedro ngayon ay, “Pakainin ang aking tupa.”

 

Naniniwala ako na sa payak na pariralang iyon, nag-utos si Hesus kay Pedro kung paano magbantay laban sa kapabayaan. Sinabi niya, na may kakanyahan, “Nais kong kalimutan mo na ang iyong kabiguan, kalimutan na ikaw ay napalayo sa akin. Bumalik ka na ngayon sa akin, at pinatawad at pinagbago na kita. Kaya’t panahon na para alisin mo ang pag-iisip mo sa iyong pagdududa, kabiguan, at mga suliranin. At ang paraan upang magawa iyon ay ang hindi pagpapabaya sa aking mga tao at mangaral sa kanilang mga pangangailangan. Katulad ng pagsugo ng Ama sa akin, ikaw ay isinugo ko.”

Biyernes, Oktubre 16, 2009

ANG AKING LUBOS NA KINIKILINGAN

Sa lahat ng 150 na Awit, ang Awit 34 ang aking lubos na kinikilingan. Ang lahat ng ito ay tungkol sa katapatan ng Panginoon na mailigtas niya ang kanyang mga anak mula sa mga malalaking pagsubok at kagipitan. Ipinahayag ni David, “Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos, nawala sa akin ang lahat kong takot…Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos, sa mga panganib, sila’y kinukupkop…Agad dinirinig daing ng matuwid inililigtas sila sa mga panganib…Ang taong matuwid, masuliranin man, sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan” (Awit 34:4,7,17,19).

 

Itala ang kahilingan ni David sa Awit na ito: “Aking dalangi’y dininig ng Diyos…Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa”  (34:4,6). Kailan ginawa ni David ang pagdaing na ito? Ito’y maaring nangyari noong siya ay nagkukunwang galit sa Gat at gayunpaman hindi siya maaring makapanalangin ng naririnig sa harapan ng mga Filisteo. Ito ay nagdadala sa atin sa dakilang katotohan tungkol sa pagliligtas ng Diyos. Minsan ang pinakamalakas na daing ay nagagawa ng hindi naririnig.

 

Alam ko kung anong uri ang “pangkaloobang daing na inilabas.” Marami sa pinakamalakas na dalangin ng aking buhay—ang pinakamahalaga sa akin, pusong-namimilipit, malalim na pagdaing—na nagawa ng buong katahimikan.

 

May panahon na ako ay namanhid ng mga pagkakataon na hindi ako makapagsalita, dinadaig ng katayuang halos hindi ko maabot at hindi ako makapag-isip ng malinaw para manalangin. May pagkakataon, ako ay naka-upo sa aking silid-aralan na nag-iisa na lubhang nalilito na ako’y walang masabi kahit ano sa Panginoon, ngunit sa buong pagkakataon iyon ang aking puso’y dumaraing: “Diyos ko, tulungan mo ako! Hindi ko alam manalangin sa mga sandaling ito, kaya’t pakinggan ang daing ng aking puso. Sagipin mo ako sa katayuang ito.”

 

Nangyari na ba sa iyo ang ganoon? Naisip mo na ba, “Hindi ko alam kung ano ang mga ito. Masyado akong dinaig ng mga nangyayari sa akin, lubhang nalulunod sa masidhing kirot, hindi ko maipaliwanag ito. Panginoon, ni hindi ko alam ang sasabihin sa iyo. Ano ang nangyayari?”

 

Naniniwala ako na ito ang ganap na pinagdaanan ni David nang siya ay madakip ng mga Filisteo. Noon isinulat niya ang Awit 34, gumagawa siya ng pag-amin: “Ako’y nasa katayuang labis na dinadaig na aking ginampanan ang bahagi ng isang ungas. Gayunman, sa aking kalooban ako ay nagtataka, ‘Ano ang nangyayari sa akin? Paano ito nangyari Panginoon tulungan mo ako.”

 

At wari bang sinasabi ni David, “Ang nakakaawang taong ito ay dumadaing mula sa kanyang kalooban, hindi alam kung ano o paano manalangin. At ako ay dininig ng Panginoon at sinagip ako.” Ito ay malalim na daing mula sa puso, ang Panginoon ay tapat na dininig ang bawat hikbi, gaano man ito kahina.