Lunes, Pebrero 28, 2011

ANG BUHAY NA ISINUKO

“Sumuko.” Ano ang sinasabi sa iyo ng salitang ito? Sa likas na katawagan, ang sumuko ay nangangahulgan “na ipagkaloob ang isang bagay sa ibang tao.” Ito ay nangangahulugan din na iwan ang isang bagay na ibinigay sa iyo. Maaring kasama nito ang iyong mga ari-arian, kapangyarihan, hangarin, maging ang iyong buhay.

Ang mga Kristiyano sa ngayon ay maraming naririnig tungkol sa buhay na isinuko. Ngunit ano talaga ang tunay na kahulugan nito? Ang buhay na isinuko ay ang pagbabalik kay Jesus ng buhay na ipinagkaloob niya sa iyo. Ito’y ang pagbitaw sa pamamahala, karapatan, kapangyarihan, patutunguhan, lahat ng iyong gagawin at sasabihin. Ito ay ganap at lubusang pagsuko ng iyong buhay sa kanyang mga kamay, na gawin anuman ang kalooban niya.

Maging si Jesus ay namuhay sa isinukong buhay: “Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit, hindi upang gawin ang kalooban ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin” (Juan 6:38). “Hindi ako naghahanap ng aking kapurihan” (8:50). Si Cristo ay hindi kumilos para sa sarili lamang niya. Hindi siya kumilos at hindi nagsalita nang walang utos mula sa Ama. “Wala akong ginagawa sa ganang sarili ko lamang; nagsasalita ako ayon sa itinuro sa akin ng Ama…sapagkat lagi kong ginagawa ang nakalulugod sa kanya” (8:28-29).

Ang ganap na pagsuko ni Jesus sa Ama ay isang halimbawa kung paano dapat mamuhay. Maari mong sabihin, “Si Jesus ay Diyos na nagkatawang-tao. Ang kanyang buhay ay isinuko na bago pa man siya bumaba sa lupa.” Ngunit ang isinukong buhay ay hindi ipinapataw kaninuman, kasama na si Jesus.

“Dahil dito’y minamahal ako ng Ama, sapagkat inialay ko ang aking buhay, upang ito’y kunin kong muli. Walang makakukuha nito sa akin; kusa ko itong ibinigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at kunin uli. Ito ang utos na tinanggap ko sa aking Ama” (Juan 10:17-18).

Sinasabi ni Jesus sa atin, “Huwag magkamali. Ang pagsuko ng sarili ay ganap na nasa aking kapangyarihan para gawin. Pinili ko na ibigay ang buhay ko. At hindi ko ginagawa ito dahil lamang na may isang lalaking nagsabi sa akin nito. Walang sinumang maaring kumuha ng buhay ko. Binigyan ako ng aking Ama ng karapatan na ibigay ang buhay ko. Binigyan niya rin ako ng pagpipilian na palampasin ang kopang ito at maiwasan ang krus. Nguit pinili kong gawin ito, ng dahil sa pag-ibig at lubusang pagsuko sa kanya.

Ang ating Amang nasa langit ay binigyan tayong lahat ng ganitong karapatan: ang karapatan na mamili at muling ibigay ang ating buhay sa kanya. Malayang inialok niya sa atin ang Lupang Pangako, puno ng gatas, pulut-pukyutan at prutas. Ngunit maari nating piliin na huwag pumasok sa lugar ng kapunuan.

Ang katunayan ay, maari tayong magkaroon ng higit kay Cristo kung gusto natin. Maari tayong magpakalalim sa kanya kung pipiliin natin, mamuhay ng may kapunuan sa kanyang salita at gabay.

Biyernes, Pebrero 25, 2011

NALULUGOD ANG DIYOS SA IYO!

Nagbigay ang Espiritu Santo ng pahayag kay David na siyang susi sa lahat ng pagpapalaya. Maaring sabihin ni David, “Ang dahilan kung bakit iniligtas ako ng Diyos mula sa mga kaaway ko—mula sa lahat ng aking kalungkutan at sa kapangyarihan ng impiyerno—ang dahilan ay sapagkat mahalaga ako sa kanya. Ang Diyos ko ay nalulugod sa akin!” “Nang nasa panganib, ako'y kanyang tinulungan, ako'y iniligtas sapagkat kanyang kinalulugdan!” (Mga Awit 18:19). Kailangan mo ba ng kaligtasan? Mula sa tukso ng laman, mga tukso o pagsubok? Mula sa mga suliranin sa pag-iisip, espirituwal, emosyonal o pisikal? Ang susi sa iyong tagumpay ay nasa talatang ito. Naluluod ang Diyos sayo. Mahalaga ka sa kanya!

Sa Awit ni Solomon, sinabi ng Panginoon sa kanyang nobya, “Kay ganda mo, aking mahal; kay ganda mo, aking sinta, sa akin ay nagdudulot ka ng galak at ligaya” (Awit ni Solomon). Tatlo sa mga salitang Hebreo sa talatang ito ay magkakatulad: marikit, nangangahulugang “mahalaga”; kayaaya tumutukoy sa pagiging “kasiyahang-loob”; at nagagalak. Ang mga salitang ito ay naglalarawan sa isipan ni Jesus ukol sa kanyang nobya habang nakamasid sa kanya. Nakatingin siya sa kanya at sinasabi, “Gaano ka kaganda, kalambing at kalugud-lugod bilang ikaw. Mahalaga ka sa akin, Mahal ko.” Bilang kapalit, ipinagmalaki ng nobya, “Itong buhay na taglay ko'y sa sinta ko nakalaan, sa akin siya'y nananabik, lagi akong inaasam” (7:10). Ang kahulugan nito dito ay, “Hinahabol niya ako na may kagalakan. Hinahabol niya ako dahil mahalaga ako sa Kanya.” Ang katulad na isiping ito ay matatagpuan sa kabuuan ng Mga Awit: “Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis, sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig” (Mga Awit 147:11). “Si Yahweh ay nagagalak sa kanyang mga hirang, sa mga mapagpakumbaba'y tagumpay ang ibibigay” (Mga Awit 149:4).

Maari kong subukan na kumbinsihin ka sa kagalakan ng Diyos para sayo sa pamamagitan ng pagsasabi sayo, “Ikaw ay mahalaga sa Panginoon.” Ngunit maari mong isipin na, “ang sarap namang pakinggan. Ngunit ito ay isa lamang magandang isipin.” Hindi, ang katotohanang ito ay higit pa sa isang magandang kaisipan. Ito ang susi sa iyong kaligatasan mula sa bawat pakikipaglaban ng iyong kaluluwa. Ito ang lihim para sa pagpasok sa kapahingahan na ipinangako ng Diyos sa iyo. Hanggang mapanghawakan mo ito—hanggang sa maging bantayog ng katotohanan sa iyong puso—hindi mo makakayanan ang mga pagsubok ng buhay.

Si Isaias ay may pahayag ng kagalakan ng Diyos sa atin. Hinulaan niya, “Israel, ito ang sinasabi ni Yahweh na lumikha sa iyo, "Huwag kang matatakot sapagkat ililigtas kita. Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin. Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita; tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod; dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog, hindi ka matutupok” (Isaias 43:1-2).

Si Isaias ay hind itumutukoy sa tunay na baha o apoy. Ang tinutukoy niya ay kung ano ang pinagdadaanang espirituwal at sa kaisipan. Ang Israel ay nasa pagkakabihag ng panahong iyon; ang kanilang baha ay mga pagsubok, ang kanilang apoy ay mga tukso, ang kanilang ilog ay mga pagsusulit. Ang mga ito ay mga sinusubukan ni Satanas na wasakin at daigin ang mga tao ng Diyos. Ang mga salita ni Isaias ay mga mensahe ng dalisay na kahabagan sa Israel. Ang mga tao ay nasa pagkakabihag dahilan sa kanilang sariling kahangalan at kagunggungan. Ngunit ang Diyos ay nagpadala sa kanila nang isang bigong propeta na nagsabi. “Nais ng Diyos na sabihin ko sa inyo na kayo ay bilang sa kanya.”

Sa mga sandaling ito, maaring ikaw ay nasa kalagitnaan ng iyong sariling umiikot na kaguluhan. Maaring nadarama mong dinadaig ka ng pagsubok at tukso na tinatakot ka na lalamunin ka. Nararapat mong maunawaan na na mula sa halimbawa ng bibliya na ang Panginoon ay hindi palagiang pinakakalma ang tubig. Hindi niya palagiang pinipigilan ang baha na dumating o patayin ang apoy. Gayunman, ipinangako niya ito: “Lalakad akong kasama mo sa lahat ng ito. Ang pagsubok o kalagayang ito ay hindi ka mapupuksa. Hindi ka lalamunin nito. Kaya magpatuloy sa paglakad. Makakarating ka sa kabila na kasama mo sa tabi mo.

Huwebes, Pebrero 24, 2011

BINIBIGYAN BA NATIN NG HANGGANAN ANG KAPANGYARIHAN AT MGA PANGAKO NG DIYOS?

Naniniwala ako na nililimitahan natin ang Diyos sa mga panahong ito sa pamamagiatn ng ating pagdududa at kawalan ng pananampalataya. Sinabi ng Kasulatan sa Israel, “Lagi siyang sinusubok, hindi sila tumitigil, ginagalit nilang lagi itong Banal na Diyos ng Israel” (Mga Awit 78:41). Ang Israel ay tumalikod sa Diyos sa kawalan ng pananampalataya.

Nagtitiwala tayo sa Diyos sa maraming bahagi ng ating buhay, ngunit ang ating pananampalataya ay may hangganan at limitasyon. Mayroon sa ating maliit na bahagi na hinahadlangan natin na kung saan ay hindi natin tunay na pinaniniwalaan na may gagawin ang Diyos para sa atin. Halimbawa, maraming mga nagbabasa ay nananalangin sa kagalingan ng aking asawang si Gwen. Ngunit madalas, pagdating sa pagpapagaling sa sarili nilang asawa, o anak, ay nililimitahan nila ang Diyos.

Madalas ay nililimitahan ko ang Diyos pagdating sa pagpapagaling. Nanalangin ako para sa pisikal na paggaling para sa nakararami at nakita ko ang Diyos na gumawa ng himala ng maraming ulit. Ngunit pagdating sa aking sarili, ay nililimitahan ang Diyos. Nangangamba ako na hayaan siyang maging Diyos para sa akin. Lulunurin ko ang sarili ko sa gamot o pumunta sa manggagamot bago pa man ako manalangin para sa sarili ko. Hindi ko sinasabi na mali ang pumunta sa manggagamot. Ngunit minsan nababagay ako sa paglalarawan noong mga “Sa halip na kay Yahweh humingi ng tulong, sa mga manggagamot siya sumangguni” (2 Cronico 16:12). Tanong ko sayo: Nanalangin ka ba na pababagsakin ng Diyos ang pader ng Tsina o Cuba—ngunit pagdating sa kaligtasan ng sarili mong pamilya, wala ka ni isa mang onsa ng pananampalataya? Iniisip mo ba, “Maaring hindi gusto ng Diyos na gawin ito. Ang mahal ko sa buhay ay isang mabigat na kaso. Mistulang hindi ako naririnig ng Diyos tungkol dito.” Kung ito ay totoo, hindi mo siya nakikita bilang isang Diyos. Mangmang ka sa kanyang mga pamamaraan. Ang nais ng Diyos ay “Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin” (Efeso 3:20).

Sinabi ng Diyos sa akin, “David, itinali mo ang aking mga kamay; iginapos mo ako. Paano kita mapapagaling kung hindi ka talaga naniniwala na kaya kitang pagalingin? Ang iyong pagdududa ang pumipigil sa akin na maging Diyos sayo. Sinasabi ko sayo hindi mo ako kilala hanggang sa malaman mo na ako ay handang magbigay ng higit pa sa matatanggap mo.”

Ang Israel ay patuloy na bumubulong-bulong, “Kaya ba ng Diyos…? Sigurado, gumawa siya ng paraan para makatawid tayo sa Pulang Dagat, ngunit kaya ba niya tayong bigyan ng tinapay?” Binigyan sila ng Diyos ng tinapay. Sa katotohanan, naghatag ng mesa para sa kanila sa ilang. “Kaya ba niya tayong bigyan ng tubig?” tanong nila. Binigyan sila ng tubig mula sa bato. “Kaya ba niya tayong bigyan ng karne?” Binigyan sila ng karne mula sa kalangitan. “Kaya ba niya tayong iligtas mula sa ating mga kaaway?” sa bawat panahon ang Diyos ay nagbigay at nagdala sa bawat lugar. Gayunman, ang mga tao ay patuloy na nagtatanong sa loob ng apatnapung taon sinasabing, “Kaya ba ng Diyos…? Kaya ba ng Diyos…?

Mga minamahal, marapat nating sinasabi, “Kaya ng Diyos!” Nagawa niya—at gagawin niya! Kaya ng Diyos at gagawin niya ang lahat na hilingin natin at pinaniniwalaan natin sa kanya.

Miyerkules, Pebrero 23, 2011

NAIS ITURO NG DIYOS SA ATIN NA MAKILALA NATIN ANG KANYANG TINIG!

Yaong mga tunay na nakakakilala sa Diyos ay natutunan kung paano kilalanin ang kanyang tinig higit pa sa ibang bagay. Nais niyang kayo ay ganap na kumbinsido na nais niya kayong makausap—para sabihin sa inyo ang mga bagay na hindi ninyo pa nakikita o naririnig kailanman.

Kamakailan lamang ipinakita sa akin ng Panginoon na ako ay nag-aalangin pa tungkol sa pakikinig sa kanyang tinig na mangusap sa aking kaluluwa. Alam ko na nangungusaqp siya at ang mga tupa ay dapat na makilala ang boses ng kanyang Amo. Ngunit nagdududa ako sa aking kakayanang madinig siya. Ginugol ko ang lahat ng aking oras “na siguruhin” ang tinig na aking narinig. At kapag ito ay lubhang malakas o masyadong misteryoso para sa akin, sa aking isipan, “Hindi maaring ang Diyos ito. Maging ang diyablo ay nangungusap din. Ang laman ay nangungusap; ang nagsisinungaling na espiritu ay nangungusap.” Maraming tinig ay dumarating sa atin sa lahat ng sandali. Paano ko makikilala ang boses ng Diyos?

Naniniwala ako na may tatlong bagay ang kinakailangan para doon sa makakarinig ng boses ng Diyos:
1. Kailangang mayroon kang hindi matitinag na pagtitiwala na nais ng Diyos na makausap ka. Kailangang ganap kang naniniwala at kumbinsido tungkol diyan. Totoo nga, siya ay isang nangungusap na Diyos. Nais niyang makilala mo ang kanyang tinig para magawa mo ang kalooban niya. Ang anumang sasabihin sa iyo ng Diyos ay hindi hihigit pa sa hangganan ng Kasulatan. At hindi mo kinakailangan na maordina o magkaroon ng pagkadalubhasang pag-aaral para maunawaan mo ang tinig niya. Ang tanging kailangan mo ay isang puso na nagsasabi, “Naniniwala ako na nais ng Diyos na kausapin ako.”

2. Kailangan mo ng may kalidad na sandali at katahimikan. Kailangang handa kang iharap ang iyong sarili sa Diyos at hayaang ang ibang tinig ay maglaho. Totoo, ang Diyos ay nangungusap sa atin sa buong araw. Ngunit kapag mayroon siyang nais na ipagawa sa aking buhay, ang kanyang tinig ay dumarating lamang kapag isinara ko ang lahat ng ibang tinig maliban sa kanya.

3. Kailangan humingi ka na may pananampalataya. Hindi tayo makakakuha mula sa Diyos (kasama na ang madinig ang kanyang tinig) maliban kung tunay tayong naniniwala na kaya niyang iparating ang kanyang isipan sa atin at makaya nating maunawaan ang kanyang ganap na kalooban.

Sinabi ni Jesus, “Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? 12 Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog?” (Lucas 11:11-12). Sa ibang salita, “Kung hihingi ka sa Ama na makausap siya—isang malinaw na direksyon, isang makadiyos na pagtatama o isang natatanging pangangailangan—sa palagay mo ba kahit na sa ilang sandali na hahayaan niya ang diyablo na dumating at linlangin kayo?

Hindi nagbibiro ang Diyos! Hindi niya papayagan na linlangin kayo ng diyablo. Kapag nangusap ang Diyos, kasunod nito ay kapayapaan! At hindi kayang huwarin ng diyablo ang kapayapaang iyan. Kapag ikaw ay nasa isang lugar na tahimik at may kapahingahan, kumbinsido na kaya ng Diyos na mangusap sa iyo, kung ganoon ay mayroon kang kasiguruhan na hindi magbabago. Maari kang magbalik sa Diyos ng may ilang-libong ulit at matatanggap mo ang katulad na pangungusap—sapagkat ito ang katotohanan.

Martes, Pebrero 22, 2011

GAANO KALAKI ANG CRISTO MO?

“Kung hihiling kayo ng anuman sa aking pangalan, ito ay aking gagawin” (Juan 14:14). Ipinakikita natin ang sukat ng ating Cristo sa pamamagitan ng kung ano ang hinihiling natin sa pangalan niya. Sinabihan tayo na humiling ng malaki at umasa sa mga dakilang bagay. Ipinakikita natin ang kadakilaan ni Cristo sa pamamagitan ng kadakilaan ng kanyang pagbibigay. Maliit lamang ang tingin natin kay Crsito sapagkat maliit lamang ang hinihiling natin.

Nililimitahan natin ang mga kahilingan sa paghingi ng mga materyal na bagay lamang. Totoo, kailangan natin ipaalam ang mga pangangailangan natin. Ngunit ang hilingin lamang ang pagkain at sisilungan ay binabawasan natin ang pagtingin natin sa kanyang kadakilaan.

Ang kaharian ng Diyos ay “kagalakan, kapayapaan sa Espiritu Santo!” Naglilingkod tayo sa matagumpay na Cristo—at tayo ay tinawag para makibahagi sa tagumpay. Mayroon ka bang kagalakan, kapayapaan sa Espiritu Santo? Tumutungo ka ba sa kanyang trono, humihiling sa kanyang kagalakan at kapayapaan? Humihingi ka ba sa Ama “sa ngalan ni Jesus?”

Si Cristo ay hindi nagtagumpay para sa sarili niya. Ginawa niya ito para sa sayo at sa akin. Para makuha natin ang kapakinabangan mula rito. Hinihiling mo ba ng higit pa ang pagiging kawangis niya? Humihiling ka ba ayon sa pananampalataya, sa ngalan ni Jesus, para sa ipinangakong kapahingahan sa Hebreo?

Ang Diyos ay naghihintay at sa hinahangad na mas dakila pang kahilingan. Ang humingi, “sa ngalan ni Jesus” ay isang paanyaya para makibahagi sa dakilang kabutihan ng Diyos na nakalatag para doon sa mga sumasampalataya at sa mga humihiling ng malakihan. Humiling ngayon ng patuloy na lumalagong espiritu ng kagalakan, maging sa mga panahon ng matitinding pagsubok.

At ano ang tungkol sa limang libo na nagugutom sa Bagong Tipan nang tanungin ni Jesus ang kanyang mga disipulo kung ano ang gagawin nila? Sa ibang sabi, ipakita ninyo sa akin ang inyong plano kung paano sila pakakainin. Ano ang maaring gawin para matugunan ang krisis na ito? Sinubukan niya ang kanilang pananampalataya.

Sa buong panahong iyon, may plano si Jesus na nakahanda! Sino sa napakaraming mga taong iyon ang maaring makaisip kung paano sila pakakainin sa pamamagitan ng limang pirasong tinapay at dalawang isda?

Mga minamahal, ang Diyos ay may nakalaan nang plano para sa bawat kalagayan ng iyong buhay. Maaring may naiisip kang pamamaraan kung paano lulutasin ng Diyos ang iyong pinagdadaanang krisis—ngunit sinasabi ng Salita ng Diyos sa atin na hindi kayang liripin ng isipan ng tao ang pamamaraan ng Diyos.

Hindi sasabihin ng Diyos kung ano ang plano niya. Hindi niya rin tayo bibigyan ng udyok. Ang salita niya sa atin ay: Manampalataya! Ang iyong Panginoon ay may nakahandang pamamaraan—at mayroon siyang kapangyarihan na tuparin ang plano niya. Nais niyang buksan ang kurtina at ipakita ang pamamaraan ng kanyang hindi nakikitang paraan—ngunit hindi niya gagawin ito.

Ang pananampalataya ay isang katunayan na hindi nakikita. Walang kapahingahan para sa atin sa ating mga nag-aapoy na mga pagsubok hanggang hindi tayo lubusang naniniwala na siya ay nakahanda—kahandaang gawin ang hindi kayang liripin ng isipan ng tao, ang imposible. Ang bahagi natin ay nararapat na magtiwala na gagampanan niya kung ano ang ipinangako niya.

Lunes, Pebrero 21, 2011

PALAGING MAGPASALAMAT

“Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (Efeso 5:20).

Ang bagay na ito na pagpapasalamat palagi ay lubos na mahalaga sa teolohiya ni Pablo, tatlong ulit niya itong binanggit. (1) Pakikipag-usap sa iyong sarili sa pamamagitan ng mga salmo at awit at mga espirituwal na mga awitin,” (2) “Umaawit at may mainam na tinig sa puso mo para sa Panginoon,” (3) “ Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (Efeso 5:20).

Kung walang pananampalataya hindi natin ito magagawa ng marapat. Ganap tayong dinadaig ng mga suliranin at dalamhati. Siyempre ayaw ng Diyos na magkunwari tayo. Sa aking palagay ay ibinigay ni Pablo sa atin ang susi sa lahat ng ito noong sinabi niya sa atin na, “…gawin ito para sa Ama.” Isang dakilang mangangaral na si John Calvin ay nagsabi na ang pag-awit at patuloy na pasasalamat ay isang balatkayo at pagkukunwari lamang maliban na kung tayo ay ganap na naniniwala na ang Diyos ay ating Ama.

Ang ating bibig ay nanginginig minsan sa lungkot kaya’t hindi tayo makaawit; hindi natin madama na magpasalamat. Mga nakakasindak na kalagayan ay dinudurog ang ating espiritu. May panahon na tumataghoy ang ating puso, “Panginoon, inaasahan mo ba talaga na ako ay umawit at magbigay himig kung ako ay lubos na nasasaktan?” “Panginoon, ganap akong nabibigatan sa aking mga dalahin bahagya ko nang maiangat ang aking ulo.” “Panginoon, nahihirapan akong magpuri at magbigay himig sa aking puso. Masyadong maraming pangamba, pagdadalamhati at pagdududa.”

Oo, hindi madali na sumagot sa mahalagang katotohanang ito. Ang Diyos ay hindi mahigpit sa atin kapag tayo ay nasasaktan. Tayo ay mga anak niya. Ngunit ang mga salitang ito ay ibinigay sa atin para makahanap tayo aliw at kaluwagan sa mga ganoong panahon. Lubha tayong nakatuon sa ating mga kabigatan na hindi lamang pag-awit ang nawawala sa atin—lalo tayong nalulubog palayo sa mga walang-hanggang pangako ng Diyos. Sa kabila ng lahat na ating hinaharap, sinasabi ng ating Panginoon, “LAGING MAGPASALAMAT.”

Nawalan tayo ng utang-na-loob sa lahat ng ginawa niya sa atin sa mga nakalipas. Nilamon tayo ng pananalangin para lamang sa ating mga sarili, sa ating mga pangangailangan, sa ating mga pamilya—hindi natin maiangat ang ating mga mata sa ibang mga nagdurusa—nagdurusa ng higit pa sa atin.

Ganap akong nahikayat mula sa salita ni Pablo. Nais kong harapin ang bukas na determinadong umawit para sa aking Panginoon at maghapong magpasalamat—para sa lahat ng bagay—sa lahat ng mga bagay. Maaring ito ay walang himig na awit; maaring ito ay mahina sa simula; ngunit kailangang may lakas sa paggawa nito, sa pamamagitan ng pananampalataya, o hindi ito uulitin ng tatlong beses.

Doon sa sampung-libong pagbabasa ng mensaheng ito ay magsusumikap na umawit kasama ako—malaking kaaliwan ang dadalhin nito sa puso ng Ama. Pagkatapos ay sundan ito sa pagsubok ng katotohanan na narinig ng Diyos ang iyong taghoy, ginagawan niya ito ng lunas maging ngayon at araw-araw—kaya’t magpatuloy sa pagpapasalamat at huwag hihinto sa pag-awit ng mga awiting may pag-ibig para sa ating minamahal na Panginoon at Tagapagligtas.

Biyernes, Pebrero 18, 2011

NANINIWALA KA PA RIN BA?

Kamakailan mayroon akong kakaibang karanasan habang ako ay nagninilay-nilay sa Panginoon. Ang kanyang munting tinig ay nagtanong sa akin, “Naniniwala ka pa ba?”

“Naniniwala ka ba na iniibig kita ng walang kondisyon—na sa mga sandaling ito ay ginagabayan ka ng Banal na Espiritu—na ang bawat luha mo ay inilalagay ko sa bote, sa mismong oras na ito, sa ganap na kalooban ng Diyos?

“Naniniwala ka ba na ang lahat ng bagay ay makabubuti para sa lahat na umiibig sa akin—na naririnig ko ang mga panalangin mo, kahit wala kang boses para sabihin ito, kapag ang lahat ay nagdidilim na at lubos kang nadadaig—kapag ang pangamba ay bumabalot sa iyong isipan at kaluluwa—na mistulang isinara ko na ang langit sa iyo?

“David, naniniwala ka pa rin ba na pinakakain ko ang lahat bagay na may buhay: ang mga isda sa dagat, kawan ng mga baka, ang mga ibon, ang lahat ng bagay na gumagapang? Naniniwala ka rin ba na binibilang ko ang lahat ng hibla ng buhok mo sa ulo—na aking itinatala ang lahat ng ibon na bumabagsak sa lupa? Tunay bang naniniwala ka sa lahat ng ito?

“Naininwala ka pa rin ba—kapag dumating ang kamatayan sa iyong mga minamahal? Naniniwala ka pa rin ba sa iyong patotoo, na ako ay nagbibigay ng aliw at lakas na harapin maging ang libingan?

“Naniniwala ka pa rin ba na iniibig kita—na pinatawad ko ang lahat ng mga naging kasalanan mo, maging ang mga kasalanan mo sa kasalukuyan—at patatawarin ko ang lahat ng magiging kasalanan mo sa hinaharap kung magpapahinga ka at magtitiwala sa akin? Naniniwala ka ba na nauunawaan ko nang ipinadala ni Satanas ang kanyang mensahero laban sa iyo para taniman ka ng mga kasinungalingan, pagdududa, mga sumpa, mga pangamba. Kawalan ng pag-asa?

“Naniniwala ka pa rin ba na ikaw ay nakalagay sa mga palad ko—na higit kang mahalaga kaysa ginto para sa iyong Tagapagligtas—na ang buhay na walang hanggan ay iyong hinaharap—na walang anumang kapangyarihan ang makababaltak sa iyo mula sa aking pagkakahawak—na ako ay nasasaktan din sa bawat sakit at karamdaman na iyong pinagtitiisan? Nanniwala ka pa rin ba na ang lahat ng ito ay katotohanan?

Ang sagot ko ay mariing OO! Opo Panginoon, naniniwala ako sa lahat ng ito—nang higit pa—mas mahigit pa!

Basahin lahat sa aklat ng Mga Awit 103 at tanungin mo ang sarili mo, “Naniniwala pa rin ba? Sa lahat ng ito?”

Huwebes, Pebrero 17, 2011

ATING AMANG NASA LANGIT AY MAY PLANO PARA SA IYO

Ang Diyos ay mayroon nang planong nakahanda para iligtas tayo sa mga nag-aapoy nating mga pagsubok. Anuman ang pinagdadaanan mo, ang Diyos ay may nakahandang planong angkop sa bawat paghihirap. Ito ay isang plano na hindi abot-kaya ng isipan ng tao.

Isang halimbawa, ang nag-aapoy na pagsubok na hinarap ng Israel sa disyerto. Walang tinapay, walang pagkain kahit ano. Anong uri ng mga namamagitang grupo ang maaring makagawa nito, “Manalangin tayo na bukas paggising natin ay may matuklasan tayong puting alipato na pagkain ng mga anghel ang makita natin sa lupa—na may lasang pulot-pukyutan.

Ang Diyos ay may plano—isang himala, hindi malirip na plano. Di-kapanipaniwala!

At doon nagkaroon ng tubig. Ibinusa ang kanilang labi ng maiinit na disyerto. Walang paraan para makaligtas, kung iisipin ng tao. Ilang daang libo ang tumataghoy, humaharap sa bingit ng kamatayan.

Sino ang makakaisip na maiiligtas ng Diyos ang araw na iyon? Sino ang makapagtuturo sa bato at imungkahi kay Moses, “Humayo ka; paluin mo ito at lalabas ang tubig mula rito”?

Ngunit ang Diyos ay may plano—matagal nang nasa isipan niya bago pa man dumating ang krisis.

Bumalik sa Pulang Dagat, na may di-maraanang dagat sa harap nila—ang mga hukbo ni Faraon ay hinahabol sila. Imposible! Walang kapag-a-pag-asa!

Hindi ba may plano ang Diyos bago pa mangyari ang lahat ng ito?

Miyerkules, Pebrero 16, 2011

ISANG MENSAHE PARA MANAIG SA MGA MANANAMPALATAYA

Nangungusap ako ngayon sa mga mananamapalataya na dinadaig ng walang humpay na pagdating ng mga dalamhati.

“Itong aking puso'y tigib na ng lumbay, sa aking takot na ako ay pumanaw. Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig, sinasaklot ako ng sindak na labis” (Mga Awit 55:4-5).

Saliksikin ang Kasulatan at hindi mo matatagpuan ang sinumang tao ng Diyos na nangungusap ng higit pa kay David tungkol sa pagtitiwala sa Diyos. Walang sinuman ang nangusap nang higit pa tungkol sa pagsasaliksik at paghihintay sa Panginoon para sa kalakasan sa panahon ng pangangailangan. Si David ang nagpatotoo na hindi siya nangangamba sa kahi anong masasama, kahit pa lumalakad siya sa bingit ng kamatayan—sapagkat ang Panginoon ay kasama niya.

Ngunit noon dumating kay David ang serye ng malalim at matinding pasakit na yumanig sa kanyang pananampalataya. Sa isang madiing pagbagsak nadama niyang siya ay wala ng pag-asa, tumaghoy siya, “Ang lahat ng tao ay sinungaling!” Nangungusap siya sa tindi ng kanyang nakadadaig na pagdadalamhati at kalungkutan. Ang lahat na binanggit na aliw ay hindi pa dumarating; mistula itong isang kasinungalingan.

Nandoon ang walang humpay na pag-atake sa pananampalataya ni David. Hindi niya inaakusahan ang Diyos ng pagsisinungalinhg—kundi ang lahat ng tinig na dumarating sa kanya mula sa lahat ng bahagi. Si David ay nasa kalagayan ng kawalan ng pag-asa. Humahanap siya ng paraan para makatakas “na mayroon akomg pakpak nang parang sa kalapati, lilipad ako mula sa kawalan ng pag-asa at hahanap ng lugar ng kapahingahan.”

Kapag nangungusap ako kapag ako ay dinadaig, alam ko ang sinasabi ko. Ang anak kong si Debi ay dumaan sa operasyon ng kanyang karamdamang kanser. Ang apo kong may edad na 29 na si Brandon ay dumaraan sa paggagamot ng kanyang kanser na nasa ikaapat na lebel na. tama si David: “ang takot at pangamba ay bumagsak sa amin.”

Ano ang ginagawa ng isang nananalig na anak ng Diyos sa mga ganitong pagkakataon? Dinanas namin katulad ni David.

Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo; aking natitiyak, ililigtas ako. Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin. Aking itataghoy ang mga hinaing, at ang aking tinig ay kanyang diringgin. Ililigtas ako mula sa labanan, at pababaliking taglay ang tagumpay, matapos gapiin ang mga kaaway.

Manalangin—humanap ng paraan at magtungo sa presensiya ng Panginoon. Kahit na gawin mo itong tahimik, itaghoy mo ang iyong pagdadalamhati at hilingin na bigyan ka ng kapayapaan. Kailangang gumawa tayo ng bagay na higit pa sa pagtitiwala. Kailangang manatili tayo sa Salita ng Diyos at ipanalangin ang pangako pabalik sa kanya.

Ang aking pamilya ay lumalakad sa pananampalataya at umaasa sa katapatan ng kanyang Salita

Martes, Pebrero 15, 2011

ANG PANANAMPALATAYA AY ISANG PAANYAYA HIGIT PA SA UTOS

Ang pananampalataya ay isang utos. Ito ay nakasulat, “Ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.” Kung walang pananampalataya imposibleng malugod ang Diyos. Idinagdag ng Kasulatan, “Ngunit kung siya'y tatalikod, hindi ko siya kalulugdan" (Hebreo 10:38).

Ako ay nanginginig kapag naiiisip ko ang matinding takot at panganib ng kawalan ng pananamapalataya. ang kawalan ng pananamapalataya ay katulad ng isang balong walang katapusan ang lalim ng pangamba, hapis at panglulupaypay. Ang bunga ng kawalan ng pananamapalataya ay kasindak-sindak. Ito ay nagmumula sa pamamagitan ng takot na hindi nakikita. Ang isang pangamba ngayon ay dalawa bukas, at tatlo, at pagkatapos ay magiging balon na walang katapusan ang lalim ng hindi makayanang hapis at kawalan ng pag-asa.

At lalo ko pang nakikita na ang pangamba at kawalan ng pananamapalataya ay nauuwi sa kawalan ng pag-asa. ito ay tumutungo sa ilang ng kalituhan at kahungkagan. Hindi ito isang pagpipilian—hindi ito isang maliit na bagay lamang sa Diyos. Ito ay buhay at kamatayan. Ito ay mauuwi sa pagkatakot sa lahat ng bagay sa kasalukuyan at sa hinaharap. Ang pangamba ay isang pagpapakahirap.

Ang lahat ng anak ng Diyos ay nagtitiis sa karamdaman at ibat-ibang uri ng paghihirap. Mabigat sa puso ang marinig ang mga masasakit na bagay na pinagdaraanan ng isang matuwid. Ang aking pamilya ay sinusubok din at nagdurusa.

Ang ilan na dumaranas ng mga nakadadaig at nakasisindak na paghihirap, maging pisikal at espirituwal, ay nawawalan na ng pag-asa. Kapag ikaw ay dumaraan sa pugon ng pagdadalisay, mayroon akong salita para sa iyo.

Lunes, Pebrero 14, 2011

ANG PANGANIB NG KAWALAN NG PANANAMPALATAYA

Idiniin sa akin ng Diyos ang pangamba ng kawalan ng pananampalataya. Ang pangambang ito ay bunga ng pagsasaliksik sa Kasulatan para sa halimbawa ng maaring kalabasan ng kawalan ng pananampalataya.

Nagpapasalamat ako sa Diyos sa lahat ng nasa akin sa kanyang pahayag ng maaring maging pinsala at pagkasira na dulot ng kawalan ng pananampalataya . Tayong mga mananampalataya ay minaliit natin ang bagay na ito, ano kaya at binalewala ng Diyos ang pagdududa noong mga humaharap sa matinding karamdaman at hirap ng panahon.

Minsan naisip ko na marahil ang Panginoon ay magbigay ng tuon doon sa mga humaharap sa animo’y wala ng pag-asang kalalagayan. Halimbawa, ang mga disipulong nakasakay sa palubog na barko. Sa pag-iisip ko ay, “Panginoon sila ay mga tao lamang. Sila ay nakukubawan lamang ng mga kapighatiang yaon. Mistula na itong wala ng pag-asa. Yaon ay karaniwang reaksyon lamang.” Gayunman, sinaway sila ng Panginoon sa kanilang halos kawalan ng pananampalataya.

Oo, mayroong panahon sa pagtangis—nang may pag-ibig na ibinulong ni Jesus, “Sige, tumangis ka; inilalagay ko sa botelya ang bawat luha mo.” Mayroong panahon ng pagtangis; mayroon panahon na tayo ay dinadaig at tayo ay tumatangis. “Nasaan sa mga ganitong sandal ang , Panginoon?” tayo ay naglilingkod sa mapagmahal na Ama na naantig sa ating mga damdamin. Mayroong panahon na naglalaho ang pananampalataya kapag ang pangamba ay dinaig atyo.

Gayunman hindi ba tayo dapat na nananatili sa mga pangambang ito at dumaraang mga pagdududa—kailangang tumayo at “manalig sa anino ng kanyang mga pakpak.” Hindi naaawa ang Diyos sa mgawalang ng pananampalataya—at iyan ay pinatunayan ng buong Kasulatan. Maaring lubhang may pagkagarapal ito, ngunit hindi siya tatanggap ng anumang mga pagdadahilan. Hindi siya nagkakaloob ng ibang pagpipilian maliban sa pananalig.

Ang Israel ay binigyan ng sampung pagkakataon para magtiwala sa Diyos sa mga kakila-kilabot na mga pangyayari. Ang bawat krisis ay idinulot ng Panginoon. Ang naging bunga ng kanilang kawalan ng pananalig ay apatnapungtaon (40) ng kawalan ng pag-asa, pagkalito at pagdadalamhati. Nawala sa kanila ang biyaya ng Diyos at sinabi niya na hindi sila makakapasok sa buhay ng may kapahingahan, kapayapaan at sa dakilang kabutihan ng Diyos dahilan sa kanilang kawalan ng pananampalataya. Tinawag nga Diyos na masama ang kawalan ng pananampalataya. “Mga kapatid, ingatan ninyong huwag maging masama ang sinuman sa inyo at mawalan ng pananampalataya hanggang sa kanyang talikuran ang Diyos na buhay” (Hebreo 3:12).

Ang kawalan ng pananampalataya ay bunga ng kapabayaan sa Salita ng Diyos. Ang pananampalataya ay imposible kapag wala itong matiyagang pagsasaliksik ng Kasulatan at panghawakan ng mga pangako nito.

Pinili ko ang magtiwala sa Diyos. Ayokong “iwan ang aking bangkay sa ilang” katulad ng mga Israelitas. Sinabi ng Diyos sa akin na bigkisan ko ang aking baywang… ipaubaya mo sa akin ang lahat ng iyong alalahanin…itigil mo na ang tumingin sa mga pangyayari…manalig ng buong puso na iniibig ka ng Diyos…hindi ka niya pinababayaan. Ang pagtangis ay daraan sa magdamag…ang kagalakan ay darating sa umaga.”

Anuman ang iyong pinagdaraanan, maging ang pagdaan sa mga panganib na maari mong ikamatay, ipinangako ng Diyos na sasamahan ka niya—ngunit ang pananampalataya ay magbubukas ng pintuan sa kalayaan.

Kay sagana ng mabubuting bagay, na laan sa mga sa iyo'y gumagalang. Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob, matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos. Iniingatan mo sila at kinakalinga, laban sa balak ng taong masasama; inilalagay mo sila sa ligtas na kublihan, upang hindi laitin ng mga kaaway (Mga Awit 31:19-20).

Biyernes, Pebrero 11, 2011

NAKAHANDA SA ANUMANG KAGIPITAN

Kapag ang kagipitan ay dumating, wala ka nang panahon na makapaghanda sa pananalangin at pananampalataya. Ngunit yaong mga nakasama si Jesus ay laging handa.

Isang mag-asawa ang sumulat sa amin kamakailan sa espiritu na nagpahayag na nakasama nila si Jesus. Ang kanilang anak na nasa edad na 24 ay kasamang nasa galaan ng kanyang kaibigan nang dukutin sila ng isang sira-ulo. At pagkatapos ay karumal-dumal silang pinatay.

Ang mag-asawa ay nasa pagkabigla. Nagtataka ang kanilang mga kaibigan at mga kapitbahay, “Paano malalampasan ng sinumang magulang ang ganitong uri ng trahedya? Gayunman, sa loob ng isang oras, ang Espiritu Santo ay dumating sa nagdadalamhating mag-asawa, may dalang sobrenatural na kaaliwan. Gayunman, sa mga sumunod na masasakit na mga araw, yaong nagdadalamhating magulang ay patuloy na nagtatanong sa Diyos kung bakit. Ganunpaman, nararanasan nila ang banal na kapahingahan at kapayapaan.

Ang lahat na nakakakilala sa mga magulang na ito ay namangha sa kanilang pagiging panatag, ngunit ang mag-asawang iyon ay nakahanda sa sandali ng kanilang kagipitan. Alam nila noon pa na hindi hahayaan ng Diyos ang may mangyaring ganoon ng walang kaagapay na layunin. At nang dumating ang masakit na balitang iyon, hindi sila bumagsak.

Sa katunayan, ang mga magulang na ito at ang mga nabubuhay na apo ay nagsimulang ipanalangin ang pumatay. Ang mga tao sa kanilang bayan ay hindi matanggap ito. Ngunit ang makaDiyos na mag-asawa ay nagsalita at nagturo ng kakayahan ng Diyos na magbigay ng lakas, anuman ang maari nilang harapin. Nakita ng mga taong bayan ang kanilang lakas ay nanggagaling lamang mula kay Jesus. Di nagtagal sinasabi nila tungkol sa mag-asawa, “Sila ay himala. Sila ang mga tunay na tao ni Jesus.”

“Ang Diyos ang lakas natin at kanlungan, at handang saklolo kung may kaguluhan; di dapat matakot, mundo’y mayanig man, kahit na sa dagat ang bundok ay mabuwal; kahit na magngalit yaong karagatan, at ang mga burol mayanig, magimbal” (Awit46:1-3).

Huwebes, Pebrero 10, 2011

ANG DIYOS AY KASAMA NILA

“Nagtaka ang mga bumubuo ng Sanedrin sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang mabatid nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nag-aral. Napagkilala silang sila’y kasamahan ni Jesus noong nabubuhay pa” (Gawa 4:13).

Nakita natin sa Gawa 4 habang nakatayong naghihintay sina Pedro at Juan na ihayag ang hatol, ang lalaki na kagagaling lamang ay tumayo na kasama nila. Doon, sa laman at dugo, ay isang buhay na patotoo na sina Pedro at Juan ay nakasama ni Jesus. Ngayon, habang ang mga punong saserdote ay nakatingin, “At nang makita nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi ng dalawa, wala silang masabi laban sa kanila” (Gawa 4:14).

Ano ang ginawa nina Pedro at Juan ng sila ay pinalaya? “Nang mapalaya na sina Pedro at Juan, sila’y nagpunta sa mga kasamahan nila at ibinalita ang sinabi ng mga punong saserdote at ng matatanda ng bayan” (Gawa 4:23). Ang mga banal ng Jerusalem ay nagsaya kasama ng dalawa. At sila’y nanalangin, “At ngayon Panginoon, pinagbabantaan nila kami. Tulungan mo ang iyong mga alipin na maipangaral ng buong tapang ang iyong Salita. Iunat mo ang iyong mga kamay upang magpagaling, at loobin mo na sa pangalan ng iyong banal na Lingkod na si Jesus ay makagawa kami ng mga kababalaghan” (Gawa 4:29_30). Nananalangin sila, “O Diyos namin, salamat sa katapangan na ibinigay mo sa aming mga kapatid. Ngunit alam namin na ito ay simula pa lamang. Nakikiusap kami, na panatilihin mo kaming matapang na makapagsalita nang may banal na katiyakan. At magbigay ka ng nakikitang patotoo na ikaw ay kasama namin.”

Walang kaduda-duda, nakita nina Pedro at Juan ang itsura ng mga mukha ng mga punong saserdote nang mapatunayan nilang nakasama nila si Jesus.

Iyan ang nangyayari sa mga lalaki at babae na gumugol ng panahon kasama si Jesus. Kapag sila’y umalis, kasama nila si Cristo saan man sila magpunta.

Miyerkules, Pebrero 9, 2011

BANAL NA KATAPANGAN AT MAY KAPANGYARIHANG ESPIRITUWAL

Kung higit na ang isa ay na kay Cristo, ay higit na ang taong ito ay makakawangis si Cristo, sa kadalisayan, sa kabanalan at pag-ibig. Bilang kapalit, ang kanyang dalisay na paglalakad ay magbubunga sa kanya ng isang dakilang katapangan para sa Diyos. Sinasabi ng Kasulatan, “Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol, ngunit panatag ang matuwid, ang katulad ay leon” (Kawikaan 28:1). Ang salita para sa matapang sa talatang ito ay nangangahulugan na “panatag, may tiwala sa sarili.” Iyan ang uri ng katapangan na nakita ng mga saserdote kina Pedro at Juan habang sila ay nangangaral (tingnan Gawa 4:1-2).

Sa nakaraang kabanata (Gawa 3), nanalangin sina Pedro at Juan para sa lumpong pulubi at siya’y biglaang gumaling. Ang kagalingang iyon ay nagbunga ng matinding pagkamangha sa paligid ng templo, at sa pagtatangkang pigilan ang mga disipulo sa pamamahagi ng kanilang pananampalataya kay Cristo, ay ipinadakip sila ng mga pinuno at inilagay sa publikong paglilitis.

Sina Pedro at Juan ay humarap sa mga saserdote ngunit walang detalyeng paliwanag ng pagsasalaysay ang Bibliya sa tagpong iyon sa Gawa 4. Gayunman, tinitiyak ko sa inyo, ang mga relihiyosong pinuno ay sinadyang gawin ito para sa pagpaparangya at seremonya lamang. Una, ang mga dignitaryo ay maringal na umupo sa kanilang pangunahing mga upuan. At ang mga kamag-anak ng mga saserdote ay sumunod. Sa huli, sa sandali ng nagmamadaling pagkaasam, ang nakabalabal na saserdote ay gumigiring papasok. Ang lahat ay yumuko sa pagpasok ng saserdote, naglalakad na matikas sa daanan patungo sa upuan ng hukom.

Ang lahat ng ito ay layon lamang na takutin sina Pedro at Juan. Ngunit hindi man lamang natakot ang mga disipulo. Matagal na nilang nakasama si Jesus. Naisip ko na iniisip ni Pedro, “Halina kayo at simulan na natin ang pagpupulong na ito. Ibigay ninyo sa akin ang pulpito at alisin ang aking gapos. Mayroon akong sasabihin mula sa Diyos para sa pagtitipong ito. Salamat, Jesus, sa pagpapaunlak mo sa akin na ipangaral ang iyong pangalan dito sa mga namumuhi kay Cristo.” Ang gawa 4:8 ay nagsimula sa: “At si Pedro, puspos ng Espiritu Santo…” at sinasabi nito sa akin na hindi siya magbibigay ng panayam. Hindi ito magiging tahimik o may pagtitimpi. Si Pedro ay lalaking puspos ni Jesus, puspos ng Espiritu Santo.

Ang mga lingkod ng Diyos ay panatag sa kanilang pagkakakilanlan kay Cristo. At sila ay nakatayong may tiwala sa pagiging matuwid ni Jesus. Kung ganoon, wala silang dapat itago; maari silang tumayo sa harapan ninuman na may malinis na budhi.

Martes, Pebrero 8, 2011

ANG MGA LALAKING ITO AY NAKASAMA SI JESUS

Sa Gawa 3, nakita natin si Pedro at Juan papunta sa templo para sumamba. Sa labas ng tarangkahan ng templo ay may nakaupong isang pulubi na lumpo mula pa nang ipinanganak siya. Ang lalaking ito ay hindi pa nakalakad sa buong buhay niya. Nang makita niya si Pedro at Juan, humingi siya ng limos. Sinagot siya ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, subali’t may iba akong ibibigay sa iyo” (Gawa 3:6). Pagkatapos ay ipinanalangin ni Pedro ang pulubi, sinabi na, “Sa ngalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, lumakad ka” (3:6). Pagdaka’y, ang lalaki ay gumaling! Masayang-masaya siyang paluksu-lukso at nagsimulang lumakad at sumisigaw, “Pinagaling ako ni Jesus!”

Ang lahat na nasa templo ay namangha sa nakita sapagkat kilala nila ang lalaki bilang isang lumpo. Nang makita ni Pedro at Juan na ang mga tao ay nag-iipon-ipon na, nagsimula silang ipangaral si Cristo. Libu-libo ang naligtas. Gayunman, habang si Pedro at Juan ay nangangaral, ang mga saserdote “ay lumapit sa kanila, galit na galit” (Gawa 4:1-2). Ang kapitan ng mga bantay sa templo at ang mga Saduseo ay nagtanong sa mga disipulo, “Sa anong kapangyarihan o kaninong pangalan niyo ginagawa ang mga bagay na ito?” (4:7). Si Pedro ay puspos ng Epiritu Santo. Sinagot niya ang mga pinuno, “Ang pangalan niya ay si Jesu-Cristo ng Nazaret, na inyong ipinako sa krus tatlong linggo na ang nakararaan. Muli siyang binuhay ng Diyos. At ngayon siya ang kapangyarihan na nagpagaling sa lalaking ito. Walang sinumang maliligtas sa pamamagitan ng ibang pangalan. Maliligaw kayo kapag hindi kayo tumawag sa pangalan ni Cristo” (tingnan 4:10-12).

Gulat na napaupo ang mga pinuno. Sinabi ng Kasulatan, “Nagtaka ang mga bumubuo ng Sanedrin sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang mabatid nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nag-aral” (4:13). Ang pariralang nang mabatid nila ay nagmula sa salitang-ugat na may kahulugang “nakilala sa pamamagitan ng tanging pagkakakilanlan.”

Ano ang tanging pagkakakilanlan ito nina Pedro at Juan? Ito ang presensiya ni Jesus. Mayroon silang pagkakawangis kay Cristo at sa Espiritu.

Yaong mga gumugol ng panahon kasama si Jesus ay hindi nakuha ang kaganapan niya. Ang kanilang mga puso ay tumatangis na higit pang makilala ang Panginoon, higit na mapalapit sa kanya, lumago sa karunungan ng kanyang mga gawi. Ipinahayag ni Pablo, “At nagbigay ng mga kaloob sa mga tao” (Efeso 4:7; tingnan din ang Roma 12:3). Ano ang panukatan na ipinahahayag ni Pablo? Ito ay nangangahulugan ng takdang halaga. Sa ibang salita, tayong lahat ay tumanggap ng takdang halaga ng karunungang kaligtasan ni Cristo,

Para sa ilang mananampalataya, ang mga nangungunang panukatan ito ay sapat nang kanilang hinahangad. Nais nila ang sapat lamang mula kay Jesus upang makatakas sa paghuhusga, upang mapatawad, para maingatan ang mabuting reputasyon, para makapanatili ng isang oras sa simbahan bawat Linggo. Ang mga ganitong tao ay nasa “pagpapatuloy na paraan.” At ibinibigay lamang nila kay Jesus ang mababaw na mga kinakailangan.

Hangad ni Pablo ang mga sumusunod para sa bawat mananampalataya: “Ang iba’y ginawang apostol…propeta…ebanghelista…pastor at guro. Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng hinirang, sa ikauunlad ng kanyang iglesya. Sa gayon tayong lahat ay magkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos at magiging ganap ang ating pagkatao, ayon sa pagiging-ganap ni Cristo. Hindi na tayo matutulad sa mga batang nadadala ng bawat aral, parang sasakyang-dagat na sinisiklut-siklot ng mga alon at tinatangay ng hangin. Hindi na tayo malilinlang ng mga taong ang hangad ay ibulid tayo sa kamalian. Manapa’y sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, magiging ganap tayo kay Cristo na siyang ulo” (Efeso 4:11-15).

Sinasabi ni Pablo, “Ibinigay ng Diyos ang mga espirituwal na handog upang tayo ay mapuspos ng Espiritu ni Cristo. Ito ay mahalaga, sapagkat ang mga manlilinlang ay darating para nakawin ang iyong pananampalataya. Kung ikaw ay inugatan kay Cristo at tumatanda sa kanya, walang doktrinang mapanlinlang ang makapaghahari sa iyo. Gayunman, ang tanging paraan lamang para lumago sa ganitong katandaan ay sa higit na pagsusumikap na naisin si Cristo.”

Lunes, Pebrero 7, 2011

MGA KASAMAHAN NI JOSE

Si Jose ay nanaginip na ang buhay niya ay gagamitin ng lubos ng Diyos. Ngunit ang panaginip na iyon ay nagmistulang isang halusinasyon lamang pagkatapos na siya ay ipinagbili bilang alipin ng kanyang mapanibughong kapatid. Ang mga sumunod na mga taon ng buhay ni Jose ay punung-puno ng pagdurusa at kawalan ng katarungan. At nang si Jose ay muli nang makatatayo sa kanyang mga sariling paa, siya ay pinagbintangan ng panggagahasa at dinala sa bilangguan.

Gayunman, sa lahat ng panahong iyon, ang Diyos ay nakamasid sa buhay ni Jose. At sa panghuli, pagkatapos ng mga taon ng kaligaligan, si Jose ay nauwi bilang alila sa tahanan ng Faraon. Dumating ang panahon, si Jose ay hinirang ng Faraon na mamuno sa buong Egipto.

Mga minimahal, ganyan kung paano kumilos ang Diyos; inihahanda niya ang tao para mailigtas ang natitira. Katunayan, sa bawat salinlahi, ang Panginoon ay nag-aangat ng mga kasamahan ni Jose. Kinukuha niya ang mga banal na lingkod mula sa mga taon ng pagdurusa at mga pagsubok, para mapatunayan at mapalakas ang kanilang pananampalataya.

Ano ang ibig sabihin nito? Sinabi ng Kasulatan na ito ng mga pinagtiisan ni Jose: “Subali’t ang Diyos sa unahan nila’y may sugong lalaki, tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose, mga paa nito’y nagdanas ng hirap ng ito’y ipangaw, pati leeg niya’y pinapagk’wintas ng kolyar na bakal; hanggang sa dumating ang isang sandali na siya’y subukin nitong Panginoon, na siyang nangakong siya’y tutubusin” (Awit 105:17-19).

Ang Panginoon ay mayroon ding mga kasamahan ni Jose sa panahong ito. Ito ang mga makaDiyos na lalaki at babae na kanyang hinipo at tinawag. Hindi sila naghahanap ng katanyagan at kayamanan. Ang lahat ng nais lamang nila ay mabuhay at mamatay na nagampanan ang tawag ng Diyos na ibinigay para sa kanila. At ipinangako ng Diyos na ang kanilang mga buhay ay magkakaroon ng kabuluhan sa kanyang kaharian.

Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki, “Pinauna ako rito ng Diyos upang huwag malipol ang ating lahi. Dinala niya ako rito upang marami ang maligtas. Kaya, hindi kayo kundi ang Diyos ang nagpadala sa akin dito. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapangasiwa ng kanyang sambahayan at tagapamahala ng buong Egipto” (Genesis 45:7-8).

Maaring tanawin pabalik ni Jose ang mga pinagdaan niyang mga taon ng pagdurusa at magpatotoo, “Dinala ako ng Diyos sa paglalakbay na ito. Mayroon siyang layunin sa pagdadala niya sa akin sa lahat ng mga pagdurusang ito. Nakita ko na ngayon na ang lahat ng aking pinagtiisan ay nagdala sa akin sa sandaling ito. Mga kapatid, inihahanda ako ng Panginoon para magministeryo sa inyo. Siya ang gumawa ng lahat ng mga bagay na ito, upang madala kayo sa kanyang pinag-iingatang grasya katulad ng ginawa niya sa akin.”

Isang di-kapani-paniwalang pahayag para kay Jose. Gayunman, ano ang aral dito para sa mga tao ng Diyos ngayon? Ito iyon: iningatan tayo ng Diyos sa nakalipas at iingatan niya tayo para sa mga darating pang mga araw. At, ang pinakamalaga sa lahat, mayroon siyang walang-hanggang layunin sa likod ng lahat ng ito.. Iingatan niya kayo sapagkat mayroon siyang layunin para sa inyo. May inilalaan siyang banal na gawain para sa inyo. At yaon lamang mga sinubok, napatunayang mga mananampalataya ang makagaganap dito.

Hindi ito ang panahon para sa mahinang pananampalataya. Ito ang panahon na kung saan ang bawat Kristiyanong napagtiisan ang mga matitinding pagsubok ay kailangang humakbang sa unahan. Tinatawag tayo ng ating Kapitan para manindigan sa gitna ng natatakot na lipunan at mag-ukol ng panahon sa “makapangyarihang pananampalataya.” Kailangang gawin natin ang Pahayag ni Jose: “Pinauna ako rito ng Diyos upang huwag malipol ang ating lahi” (Genesis 45:7).

Biyernes, Pebrero 4, 2011

ININGATAN PARA SA ISANG LAYUNIN

Nanalangin si David, “O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod, ang hangad ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog” (Awit 16:1). Ang salitang Hebreo na ginamit ni David dito para sa iningatan sa talatang ito ay punung-puno ng kahulugan. Sinasabi nito, na may kakanyahan, “Lagyan mo ng harang sa paligid ko, pader ng mga tinik. Bantayan at ingatan ako. Masdan ang bawat kilos ko, lahat ng pagdating at patutunguhan ko.”

Lubos na naniniwala si David na iniingatan ng Diyos ang mga matuwid. At sinabi ng Kasulatan na si David ay tinulungan at iningatan sa lahat ng kanyang mga gawi. Ipinahayag ng pinagpalang lalaki, “Ang tagapagtanggol ng bayang Israel, hindi natutulog at palaging gising! Ang Diyos na si Yahweh, ay palaging magbabantay, laging nasa piling, upang magsanggalang. Di ka magdaramdam sa init ng araw, kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan. Sa mga panganib ikaw’y ililigtas nitong Panginoon, siya’y mag-iingat”(Awit 121:4-7).

Ang katulad na salitang Hebreo para sa iningatan ay lumabas din sa talatang ito. Minsan pa, si David ay nangusap ng banal na hadlang ng Diyos, isang sobrenatural na pader ng pag-iingat. Tiniyak niya sa atin, “Nakatingin ang Diyos sa inyo saan man kayo magtungo.”

Katunayan, ang Panginoon ay kasama natin sa lahat ng lugar: sa trabaho, sa simbahan, habang tayo ay namimili. Siya’y kasama natin sa sasakyan, sa mga bus, sa mga daan sa ilalim. At sa mga sandaling ito, sinasabi ni David, iniingatan tayo ng Diyos mula sa mga diyablo. Sa madaling sabi, ay pinangangalagaan tayo ng Diyos sa lahat ng bagay. Ipinangako niya na hahadlangan niya bawat maaring gamiting sandata laban sa kanyang mga anak.

Sa bawat panahon, napatunayan ng Diyos natin na siya ay tagapangalaga ng kanyang mga tao. Gayunman, sa anong layunin? Bakit pinipilit ng Panginoon na ingatan tayo? Nakita natin ang pahiwatig sa mga salita ni Moses: “Ibinigay niya sa amin ang Kautusan at mga tuntuning ito upang magtaglay kami ng takot sa kanya. Sa gayon, kami’y mapapanuto at iingatan niyang tulad na ginagawa niya sa atin ngayon” (Deutoronomo 6:24).

Isipin ang lahat ng pamamaraan na ginamit ng Diyos sa pag-iingat sa kanyang mga piniling bayan, ang Israel. Pinangalagaan niya sila mula sa sampung salot sa Egipto. Iniligtas niya sila mula sa mga hukbo ng Faraon sa Pulang Dagat. Pinagaling niya sila mula sa mga tuklaw ng mga makamandag na ahas sa disyerto. At nagpatotoo ang mga tao tungkol sa mapag-ingat na kapangyarihan ng Diyos sa kanilang mga anak at mga apo. “Iniligtas kami ng Panginoon mula sa aming mga kaaway. Binigyan niya kami ng pagkain at inumin, at iningatan ang aming mga damit para hindi maluma. Iningatan niya ang Israel sa lahat ng bagay.”

Ngunit yaon lamang bang mga patotoo mayroon ang mga taga Israel? Ang mga tao bang ito ay naingatan at napangalagaan para lamang mamatay sa ilang? Ipinahayag ni Moises, “Inialis niya kami sa Egipto upang dalhin sa lupaing ipinangako niya sa ating mga ninuno” (Deutoronomo 6:23). Sinasabi ni Moises sa Israel, “Tingnan ninyo ang lahat ng mahimalang pamamaraan ng Diyos na nagpalaya sa inyo mula sa inyong pagkakagapos. Ano sa palagay ninyo ang bagay na iyon? Bakit sa palagay ninyo kayo ang pinili at minarkahan bilang mahahalaga mula sa pagkakatatag ng sanlibutan?

Kayo ay iningatan ng Diyos para madala sa isang lugar. Nais niyang may maganap na bagay sa inyong mga buhay higit pa sa mga himala. Iningatan ng Panginoon ang mga taga Israel at naglagay ng harang sa paligid nila para sa isang tiyak na layunin: upang madala kayo sa isang lugar ng kapakinabangan. Itinuturo sila ng Panginoon sa ipinangakong lupain, isang lugar na hantungan.

Huwebes, Pebrero 3, 2011

MGA HUMAHAWAK NG AHAS

Hindi ka makapaglilingkod ng mabisa kay Cristo maliban na lang kung handa kang tanggapin ang mga panganib na kasama nito. Si Jesus ay nagbabala tungkol sa mga panganib na makaharap ang mga ahas.

Maayos kong sinabi ito, ngunit sinabi ng Bibliya na ang masasama ay katulad ng mga nakalalasong ahas, at kailangan tayong marunong humawak ng mga ahas. Palagay ko ay makahulugan na tinawag ng Bibliya si Satanas na “matandang ahas” (Pahayag 12:9). At ipinangako ni Cristo, “Sila’y hindi maaano, dumampot man ng ahas…” (Marcos 16:18).

Sinabi ni Jesus, “Lumabas ka sa mga lansangan at sa mga landas, at pilitin mong pumarito ang mga tao, upang mapuno ang aking bahay” (Lucas 14:23). Ngunit sa Mangangaral tayo ay binigyan ng babala: “…ang sumusuot sa mga pader ay malamang na matuklaw ng ahas” (10:8). Ang mga pader ay puno ng mga ahas, gayunman, bilang mangingisda ng tao, tayo ay sinabihan: “Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung humihingi ng isda?” (Lucas 11:11).

Ang mga mangingisda ng tao ay pinangakuan “…sila’y hindi maaano uminom man ng lason…” (Marcos 16:18). Ito’y tumutukoy sa mga misyonaryo o sa ibang mga mananampalataya na hindi sinasadyang makainom ng lason, ngunit higit pang mayroong nakatago ng malalim sa Kasulatang ito. Katulad na siguradong kung ang Kristiyano ay uminom ng dugo ni Cristo---ang ilog ng buhay, ng kanyang banal na pag-ibig at kagandahan—hindi natin namamalayan na tayo rin ay nakakainom ng lason ng sanlibutang ito kapag tayo ay lumabas para mangaral ng mabuting balita.

Natatanggap din natin ang labis na espiritu ng sanlibutang ito, nakukuha natin ang mga nakamamatay na bagay sa ating espirituwal na pamumuhay, na maliban kung tatanggapin natin ang pangangalaga ng Espiritu Santo hindi ko nakikita kung paanong ang mga manggagawang Kristiyano ay mapupunta kung saan naroon ang mga makasalanan. Hindi mo mapigilang uminom sa ilang mga hindi nababanggit na bagay sa iyong espiritu. Ngunit kung makainom ka ng anumang nakamamatay na bagay habang ikaw ay palapit sa mga ahas sa kapangyarihan ni Cristo, hindi ka maaano ng lason. Kapag sinimulang ipakita ng Panginoon sa akin ang katotohanang ito, uuwi ako at mananalangin, madadama ko ang hininga ng Espiritu Santo na pumupuspos sa kabuuan ng aking katauhan. Ang lason ay kusang maglalaho at ako’y makatatayo ng malinis at dalisay—hindi nasaktan man lamang.

Miyerkules, Pebrero 2, 2011

PAKINABANG ANG KAMATAYAN?

Sinabi ni Pablo: “Pakinabang ang kamatayan” (Filipos 1:21). Ang ganitong usapan ay ganap na banyaga sa ating makabagong espirituwal na pananalita. Tayo ay naging parang mananamba ng buhay, na kaunti lamang ang pagnanais na umalis para makasama ang Panginoon.

Sinabi ni Pablo, “Sa dalawang hangarin. Ang ibig ko’y pumanaw na sa buhay na ito upang makapiling ni Cristo, yamang ito ang lalong mabuti para sa akin” (Filipos 1:23). Gayunman, para sa kapakanan na turuan ang mga nagbago, naisip niyang mabuti pang “manatiling nakatago.” O, sa pagkakalagay niya, “mamuhay sa laman.”

Hindi ba nakapangingilabot si Pablo? Mayroon ba siyang hindi malusog na pagkapit sa kamatayan? Nagpakita ba si Pablo ng kawalan ng paggalang sa buhay na ipinagpala sa kanya ng Diyos? Hindi! Ipinamuhay ni Pablo ang buhay ng sagaran. Para sa kanya, ang buhay ay isang handog, at ginamit niya ito ng maayos upang makipaglaban ng isang mabuting pakikipaglaban. Napagtagumpayan niya ang takot ng “sundot ng kamatayan” at masasabi na niya ngayon, “Mabuti pang pumanaw na upang makapiling si Cristo kaysa mabuhay sa laman.”

Yaong mga pumanaw sa Panginoon ang mga nagwagi; tayong mga natira ay mga talunan. Hindi kamatayan ang ganap na lunas: ito ay ang muling-pagkabuhay! Kamatayan ang daan, at minsan ang daang iyan ay masakit. Gaano man kabigat ang sakit at pagdurusa ang danasin ng mga katawang ito, hindi ito karapat-dapat na ihambing sa di-maipaliwanag na kaluwalhatian na naghihintay doon sa mga nagtiis sa paraang ito. Anumang mensahe tungkol sa kamatayan ay bumabagabag sa atin. Sinusubukan natin na balewalain maging isipin man lamang ito. Naghihinala tayo na yaong mga nagpapahayag tungkol dito ay nakapangingilabot. Paminsan-minsan napag-uusapan natin ano kaya ang katulad ng langit, ngunit kadalasan ang paksa tungkol sa kamatayan ay bawal.

Ang laki ng pagkakaiba ng mga naunang Kristiyano! Madalas mangusap si Pablo tungkol sa kamatayan. Katunayan, ang muling-pagkabuhay natin mula sa kamatayan ay binanggit sa bagong Tipan bilang ating “pinagpalang pag-asa.” Ngunit sa panahon ngayon, ang kamatayan ay ibinilang na nanghihimasok at humahadlang sa ating magandang pamumuhay na nakasanayan na natin. Lubos na ginugulo natin ang ating pamumuhay sa pamamagitan ng mga materyal na bagay na dahilan para tayo ay malagay sa kaburakan ng buhay. Nabitag tayo ng materyalismo ng sanlibutan. Hindi natin matanggap ang isipin na iiwan natin ang ating magandang bahay, magagandang gamit, ang ating malalambing na minamahal. Iniisip lamang natin, “ang mamatay ngayon ay isang malaking kawalan. Iniibig ko ang Panginoon, ngunit kailangan ko ng panahon para matamasa ko ang aking mga ari-arian. Ako’y may asawa. Mayroon pa akong kailangang patunayan. Kailangan ko pa ng mahabang panahon.”

Napansin mo ba halos walang usapan, sa mga panahon ngayon, tungkol sa langit o tungkol sa paglisan dito sa lumang sanlibutan? Sa halip, tayo ay binobomba ng mga pahayag kung paano magagamit ang ating pananampalataya para higit pang magkaroon ng maramimg pag-aari. Isang napakaliit na kaisipan ng walang-hanggang layunin ng Diyos. Hindi kataka-taka maraming Kristiyano ay takot sa usaping kamatayan. Ang katotohanan ay, malayo pa tayo sa pang-unawa sa tawag ni Cristo para talikdan ang sanlibutan at lahat ng pagkakabuhul-buhol nito. Tinatawag niya tayo upang mamatay, ang mamatay ng hindi nagtatayo ng mga memoryal para sa ating mga sarili, ang mamatay na hindi nag-aalala kung paano tayo maaalala pag tayo ay wala na. Si Jesus ay hindi nag-iwan ng sariling-talambuhay, maraming bahagi ng himpilan, walang unibersidad o kolehiyo ng Bibliya. Wala siyang iniwan para mapanatili ang kanyang alaala, maliban sa tinapay at alak.

Martes, Pebrero 1, 2011

ANG ARAL NG ALIBUGHA

Sinabi ng Bibliya, “At tumindig siya at pumaroon sa kanyang ama. Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya’t patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinagkan” (Lucas 15:20).

Naniniwala ako na ang alibugha ay umuwi dahilan sa nakalipas niyang kasaysayan sa ama. Kilala ng nakababatang lalaking ito ang katauhan ng kanyang ama—hayagan na nakatanggap siya ng dakilang pagmamahal mula sa kanya. Maaring alam niya na kung babalik siya, hindi siya kagagalitan o kokondenahin sa kanyang mga kasalanan.

Masdan kung paano siya tinanggap ng ama sa kanyang nakaaawang kalagayan. Ang nakababatang lalaki ay nagtangkang mag-alay ng buong pusong pangungumpisal sa kanyang ama. Gayunman ng humarap siya sa ama, hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na makapangumpisal. Pinigilan siya ng ama na makapagsalita sa pagtakbong palapit sa kanya at siya ay niyakap.

Ang nakababatang lalaki ay naumpisahan lamang makapagslita, sinabing, “Ama nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak” (t.21). Ngunit hindi na hinintay ng ama na siya ay makatapos magsalita. Para sa kanya, ang kasalanan ng anak ay napatawad na. Ang tanging sagot lamang ng ama ay mag-utos sa kanyang mga alila: “Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya, suutan siya ng singsing at panyapak. Maghanda ng mga pagkain at tayo ay magsasaya. Ang lahat ay nagalak---ang anak ko ay nandito na.” Alam ng ama ang puso ng anak alam niya siya ay ganap ng nagsisi.

Ang kasalanan ay hindi usapin sa amang ito. Ang tanging usapin sa kanyang isipan ay pag-ibig. Nais niyang malaman ng anak niya na siya ay tinanggap na bago pa man siya makapangumpisal. At iyan ang bagay na nais gawin Diyos sa ating lahat: ang kanyang pag-ibig ay mas mahalaga kaysa sa lahat ng ating mga kasalanan. “O hinahamak mo ang Diyos sapagkat siya ay napakabuti, mapagpigil at mapagpaumanhin”(Roma 2:4).