Lunes, Pebrero 7, 2011

MGA KASAMAHAN NI JOSE

Si Jose ay nanaginip na ang buhay niya ay gagamitin ng lubos ng Diyos. Ngunit ang panaginip na iyon ay nagmistulang isang halusinasyon lamang pagkatapos na siya ay ipinagbili bilang alipin ng kanyang mapanibughong kapatid. Ang mga sumunod na mga taon ng buhay ni Jose ay punung-puno ng pagdurusa at kawalan ng katarungan. At nang si Jose ay muli nang makatatayo sa kanyang mga sariling paa, siya ay pinagbintangan ng panggagahasa at dinala sa bilangguan.

Gayunman, sa lahat ng panahong iyon, ang Diyos ay nakamasid sa buhay ni Jose. At sa panghuli, pagkatapos ng mga taon ng kaligaligan, si Jose ay nauwi bilang alila sa tahanan ng Faraon. Dumating ang panahon, si Jose ay hinirang ng Faraon na mamuno sa buong Egipto.

Mga minimahal, ganyan kung paano kumilos ang Diyos; inihahanda niya ang tao para mailigtas ang natitira. Katunayan, sa bawat salinlahi, ang Panginoon ay nag-aangat ng mga kasamahan ni Jose. Kinukuha niya ang mga banal na lingkod mula sa mga taon ng pagdurusa at mga pagsubok, para mapatunayan at mapalakas ang kanilang pananampalataya.

Ano ang ibig sabihin nito? Sinabi ng Kasulatan na ito ng mga pinagtiisan ni Jose: “Subali’t ang Diyos sa unahan nila’y may sugong lalaki, tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose, mga paa nito’y nagdanas ng hirap ng ito’y ipangaw, pati leeg niya’y pinapagk’wintas ng kolyar na bakal; hanggang sa dumating ang isang sandali na siya’y subukin nitong Panginoon, na siyang nangakong siya’y tutubusin” (Awit 105:17-19).

Ang Panginoon ay mayroon ding mga kasamahan ni Jose sa panahong ito. Ito ang mga makaDiyos na lalaki at babae na kanyang hinipo at tinawag. Hindi sila naghahanap ng katanyagan at kayamanan. Ang lahat ng nais lamang nila ay mabuhay at mamatay na nagampanan ang tawag ng Diyos na ibinigay para sa kanila. At ipinangako ng Diyos na ang kanilang mga buhay ay magkakaroon ng kabuluhan sa kanyang kaharian.

Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki, “Pinauna ako rito ng Diyos upang huwag malipol ang ating lahi. Dinala niya ako rito upang marami ang maligtas. Kaya, hindi kayo kundi ang Diyos ang nagpadala sa akin dito. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapangasiwa ng kanyang sambahayan at tagapamahala ng buong Egipto” (Genesis 45:7-8).

Maaring tanawin pabalik ni Jose ang mga pinagdaan niyang mga taon ng pagdurusa at magpatotoo, “Dinala ako ng Diyos sa paglalakbay na ito. Mayroon siyang layunin sa pagdadala niya sa akin sa lahat ng mga pagdurusang ito. Nakita ko na ngayon na ang lahat ng aking pinagtiisan ay nagdala sa akin sa sandaling ito. Mga kapatid, inihahanda ako ng Panginoon para magministeryo sa inyo. Siya ang gumawa ng lahat ng mga bagay na ito, upang madala kayo sa kanyang pinag-iingatang grasya katulad ng ginawa niya sa akin.”

Isang di-kapani-paniwalang pahayag para kay Jose. Gayunman, ano ang aral dito para sa mga tao ng Diyos ngayon? Ito iyon: iningatan tayo ng Diyos sa nakalipas at iingatan niya tayo para sa mga darating pang mga araw. At, ang pinakamalaga sa lahat, mayroon siyang walang-hanggang layunin sa likod ng lahat ng ito.. Iingatan niya kayo sapagkat mayroon siyang layunin para sa inyo. May inilalaan siyang banal na gawain para sa inyo. At yaon lamang mga sinubok, napatunayang mga mananampalataya ang makagaganap dito.

Hindi ito ang panahon para sa mahinang pananampalataya. Ito ang panahon na kung saan ang bawat Kristiyanong napagtiisan ang mga matitinding pagsubok ay kailangang humakbang sa unahan. Tinatawag tayo ng ating Kapitan para manindigan sa gitna ng natatakot na lipunan at mag-ukol ng panahon sa “makapangyarihang pananampalataya.” Kailangang gawin natin ang Pahayag ni Jose: “Pinauna ako rito ng Diyos upang huwag malipol ang ating lahi” (Genesis 45:7).