Huwebes, Pebrero 24, 2011

BINIBIGYAN BA NATIN NG HANGGANAN ANG KAPANGYARIHAN AT MGA PANGAKO NG DIYOS?

Naniniwala ako na nililimitahan natin ang Diyos sa mga panahong ito sa pamamagiatn ng ating pagdududa at kawalan ng pananampalataya. Sinabi ng Kasulatan sa Israel, “Lagi siyang sinusubok, hindi sila tumitigil, ginagalit nilang lagi itong Banal na Diyos ng Israel” (Mga Awit 78:41). Ang Israel ay tumalikod sa Diyos sa kawalan ng pananampalataya.

Nagtitiwala tayo sa Diyos sa maraming bahagi ng ating buhay, ngunit ang ating pananampalataya ay may hangganan at limitasyon. Mayroon sa ating maliit na bahagi na hinahadlangan natin na kung saan ay hindi natin tunay na pinaniniwalaan na may gagawin ang Diyos para sa atin. Halimbawa, maraming mga nagbabasa ay nananalangin sa kagalingan ng aking asawang si Gwen. Ngunit madalas, pagdating sa pagpapagaling sa sarili nilang asawa, o anak, ay nililimitahan nila ang Diyos.

Madalas ay nililimitahan ko ang Diyos pagdating sa pagpapagaling. Nanalangin ako para sa pisikal na paggaling para sa nakararami at nakita ko ang Diyos na gumawa ng himala ng maraming ulit. Ngunit pagdating sa aking sarili, ay nililimitahan ang Diyos. Nangangamba ako na hayaan siyang maging Diyos para sa akin. Lulunurin ko ang sarili ko sa gamot o pumunta sa manggagamot bago pa man ako manalangin para sa sarili ko. Hindi ko sinasabi na mali ang pumunta sa manggagamot. Ngunit minsan nababagay ako sa paglalarawan noong mga “Sa halip na kay Yahweh humingi ng tulong, sa mga manggagamot siya sumangguni” (2 Cronico 16:12). Tanong ko sayo: Nanalangin ka ba na pababagsakin ng Diyos ang pader ng Tsina o Cuba—ngunit pagdating sa kaligtasan ng sarili mong pamilya, wala ka ni isa mang onsa ng pananampalataya? Iniisip mo ba, “Maaring hindi gusto ng Diyos na gawin ito. Ang mahal ko sa buhay ay isang mabigat na kaso. Mistulang hindi ako naririnig ng Diyos tungkol dito.” Kung ito ay totoo, hindi mo siya nakikita bilang isang Diyos. Mangmang ka sa kanyang mga pamamaraan. Ang nais ng Diyos ay “Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin” (Efeso 3:20).

Sinabi ng Diyos sa akin, “David, itinali mo ang aking mga kamay; iginapos mo ako. Paano kita mapapagaling kung hindi ka talaga naniniwala na kaya kitang pagalingin? Ang iyong pagdududa ang pumipigil sa akin na maging Diyos sayo. Sinasabi ko sayo hindi mo ako kilala hanggang sa malaman mo na ako ay handang magbigay ng higit pa sa matatanggap mo.”

Ang Israel ay patuloy na bumubulong-bulong, “Kaya ba ng Diyos…? Sigurado, gumawa siya ng paraan para makatawid tayo sa Pulang Dagat, ngunit kaya ba niya tayong bigyan ng tinapay?” Binigyan sila ng Diyos ng tinapay. Sa katotohanan, naghatag ng mesa para sa kanila sa ilang. “Kaya ba niya tayong bigyan ng tubig?” tanong nila. Binigyan sila ng tubig mula sa bato. “Kaya ba niya tayong bigyan ng karne?” Binigyan sila ng karne mula sa kalangitan. “Kaya ba niya tayong iligtas mula sa ating mga kaaway?” sa bawat panahon ang Diyos ay nagbigay at nagdala sa bawat lugar. Gayunman, ang mga tao ay patuloy na nagtatanong sa loob ng apatnapung taon sinasabing, “Kaya ba ng Diyos…? Kaya ba ng Diyos…?

Mga minamahal, marapat nating sinasabi, “Kaya ng Diyos!” Nagawa niya—at gagawin niya! Kaya ng Diyos at gagawin niya ang lahat na hilingin natin at pinaniniwalaan natin sa kanya.