Miyerkules, Pebrero 9, 2011

BANAL NA KATAPANGAN AT MAY KAPANGYARIHANG ESPIRITUWAL

Kung higit na ang isa ay na kay Cristo, ay higit na ang taong ito ay makakawangis si Cristo, sa kadalisayan, sa kabanalan at pag-ibig. Bilang kapalit, ang kanyang dalisay na paglalakad ay magbubunga sa kanya ng isang dakilang katapangan para sa Diyos. Sinasabi ng Kasulatan, “Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol, ngunit panatag ang matuwid, ang katulad ay leon” (Kawikaan 28:1). Ang salita para sa matapang sa talatang ito ay nangangahulugan na “panatag, may tiwala sa sarili.” Iyan ang uri ng katapangan na nakita ng mga saserdote kina Pedro at Juan habang sila ay nangangaral (tingnan Gawa 4:1-2).

Sa nakaraang kabanata (Gawa 3), nanalangin sina Pedro at Juan para sa lumpong pulubi at siya’y biglaang gumaling. Ang kagalingang iyon ay nagbunga ng matinding pagkamangha sa paligid ng templo, at sa pagtatangkang pigilan ang mga disipulo sa pamamahagi ng kanilang pananampalataya kay Cristo, ay ipinadakip sila ng mga pinuno at inilagay sa publikong paglilitis.

Sina Pedro at Juan ay humarap sa mga saserdote ngunit walang detalyeng paliwanag ng pagsasalaysay ang Bibliya sa tagpong iyon sa Gawa 4. Gayunman, tinitiyak ko sa inyo, ang mga relihiyosong pinuno ay sinadyang gawin ito para sa pagpaparangya at seremonya lamang. Una, ang mga dignitaryo ay maringal na umupo sa kanilang pangunahing mga upuan. At ang mga kamag-anak ng mga saserdote ay sumunod. Sa huli, sa sandali ng nagmamadaling pagkaasam, ang nakabalabal na saserdote ay gumigiring papasok. Ang lahat ay yumuko sa pagpasok ng saserdote, naglalakad na matikas sa daanan patungo sa upuan ng hukom.

Ang lahat ng ito ay layon lamang na takutin sina Pedro at Juan. Ngunit hindi man lamang natakot ang mga disipulo. Matagal na nilang nakasama si Jesus. Naisip ko na iniisip ni Pedro, “Halina kayo at simulan na natin ang pagpupulong na ito. Ibigay ninyo sa akin ang pulpito at alisin ang aking gapos. Mayroon akong sasabihin mula sa Diyos para sa pagtitipong ito. Salamat, Jesus, sa pagpapaunlak mo sa akin na ipangaral ang iyong pangalan dito sa mga namumuhi kay Cristo.” Ang gawa 4:8 ay nagsimula sa: “At si Pedro, puspos ng Espiritu Santo…” at sinasabi nito sa akin na hindi siya magbibigay ng panayam. Hindi ito magiging tahimik o may pagtitimpi. Si Pedro ay lalaking puspos ni Jesus, puspos ng Espiritu Santo.

Ang mga lingkod ng Diyos ay panatag sa kanilang pagkakakilanlan kay Cristo. At sila ay nakatayong may tiwala sa pagiging matuwid ni Jesus. Kung ganoon, wala silang dapat itago; maari silang tumayo sa harapan ninuman na may malinis na budhi.