Biyernes, Enero 29, 2010

NAKATAYO AT HANDA

“Si Saul ay natakot kay David pagkat nadama niyang hindi na siya kundi ito ang pinapatnubayan ni Yahweh” (1 Samuel 18:12).


Kinaiinggitan at kinatatakutan ni Satanas yaong mga nakasama ng Diyos sa panalangin at tiyak na tatayo at lalaban para sa pananampalataya. Kinatatakutan ni Satanas maging ang isang maliit na hukbo, yaong mga nakahanda sa pananampalataya para lumaban. Yumuyuko siya doon sa mga nakatayo at handang lumaban. At dahil takot siya sa iyo, ang kanyang layunin ay neutralisahin ang iyong palabang espiritu.


Ginagawa ito ng diyablo sa pamamagitan ng pagsusubok na guluhin ang iyong isipan ng mga nakagagapi, nanggugulo, mala-impiyernong pag-iisip na nagpapalago ng kawalan ng pagtitiwala at tinatanong ang tungkol sa kapangyarihan ng Diyos. Sisigaw siya sa iyong isipan at espiritu, “Wala nang halagang makipaglaban pa. Masyado ka nang nanghihina dahil sa iyong pansariling kaguluhan. Hindi ka maaaring maging matagumpay. Ang kapangyarihan ng impiyerno ay lubhang malaki para mapagtagumpayan. Kaya’t mabuti pang maglibang-libang ka na lang. Hindi mo na kailangang maging marubdob sa pakikipaglaban.”


Ang lahat ng ito ay isang panglilito! Ang kabuuan ng kanyang panlilinlang ay alisin ang iyong mga mata sa tagumpay ng Krus. Nais niyang itutok mo ang iyong pagtuon sa iyong mga kahinaan, iyong mga kasalanan, iyong mga pagkukulang---at iyan ang dahilan kaya pinag-aalab niya ang apoy sa iyong mga pangkasalukuyang suliranin at mga paghihirap. Nais niyang papaniwalain ka na hindi sapat ang iyong lakas para magpatuloy. Ngunit ang iyong lakas ay hindi pinag-uusapan dito: kundi ang lakas ni Hesus.


Ang katunayan ay, tayong lahat ay makikipaglaban hanggang tayo ay mamatay o hanggang bumalik si Hesus. Maaring bigyan tayo ng panahon ng pagiging kalma, panahon ng palugit. Ngunit habang tayo ay nasa sanlibutan, patuloy ang ating espirituwal na pakikidigma. At walang katapusan ang mga pakikipaglabang ito. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Pablo na binigyan tayo ni Hesus ng sandatang makapangyarihan upang mapabagsak ang mga matatag na moog. Tayo ay binigyan ng mga sandatang hindi kayang matagalan ni Satanas: ang panalangin, pag-aayuno at pananalig.


Dumating na ang sandali para sa atin upang maalis ang ating pagtuon sa ating mga pangkasalukuyang kapighatian. Kailangang alisin natin ang ating pansin mula sa ating mga pagsubok at itutok ito sa Kapitan ng digmaang ito. Hawak ni Hesus ang susi sa lahat ng tagumpay at ipinangako niya sa atin: “Pinagkalooban kita ng lahat ng sandata na kailangan para sa pakikipaglaban. At ako ay handa at pumapayag na bigyan ka ng lakas sa sandali ng mga kahinaan.”

Huwebes, Enero 28, 2010

LAKAD NA NAKALULUGOD

Si Apostol Pablo ay nagturo sa iglesya ng Colosas: “Sa gayon, makapamumuhay kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa mabuting gawa at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos” (Colosas 1:10).


Ano ang kailangan sa nakalulugod na lakad? Sinasabi ni Pablo sa atin, “Kayo’y hinirang ng Diyos, itinalaga para sa kanya at iniibig niya. Kaya’t dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin. Magpaumanhinan kayo at magpatawaran kung may hinanakit kayo sa isa’t isa. Pinatawad kayo ng Panginoon kaya’t magpatawad din kayo” (Colosas 3:12-13, aking pagbibigay kahulugan).


Sinasabi sa atin ni Pablo sa maraming salita: “Narito ang mga salita ko sa inyo sa mga maselang panahon na ito. Sa liwanag ng mga panahon ng kagipitan na alam ninyong padating, kailangan ninyong sukatin ang inyong paglalakad kasama ang Panginoon.”


Sa madaling sabi, kailangan tanungin natin ang ating sarili: “Ako ba ay nagiging kawangis ni Kristo? Ako ba ay lumalago na matiisin, o mabilis mag-init ang ulo? Mas mabait o mas marahan, o magagalitin at mahilig makipagtalo? Malumanay at mapagpatawad, o mapaitin at mapagtanim ng sama ng loob? Nakikisama ba ako sa iba? Ako ba’y nakakaunawa ng mga kahinaan at kamalian ng mga malalapit sa akin, o lagi ko na lamang iniisip na ako’y palaging tama?


Si Pablo ay nagmumungkahi, sa liwanag ng ganitong parating na panahon, hindi mahalaga kung anong gawain ang iyong natapos o anumang pagkakawang-gawa ang iyong ginampanan. Hindi mahalaga kung gaano ka kabuti sa mga dayuhan, hindi mahalaga kung gaano kadami ang kaluluwang nadala mo kay Kristo, ang mga tanong na ito ay nananatili: Ikaw ba’y nagiging higit na mapagmahal, matiisin, mapagpatawad, o mapaghunos-dili?


Ang pagsisiyasat sa iyong paglalakad kasama si Kristo ay nangangahulugan na tingnan hindi ng kung ano ang iyong mga nagawa na katulad ng kung ano ang ipinagbago mo. Ang ganoong paglalakad ay hindi natatamo sa pamamagitan ng pantaong pagsisikap lamang. Hindi ito mangyayari sa pamamagitan ng sariling-sikap, parang sinasabi na, “Ako’y magiging ganoong uri ng mananampalataya.” Sa halip, nangyayari ito sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa pamamagitan ng pananalig sa kanyang Salita.


Una, basahin natin ang mga salitang ito at manalig sa mga ito na siyang pagtawag ng Diyos sa atin, upang siyasatin ang ating mga sarili. Kaya hilingin natin sa Banal na Espiritu na ipakita sa atin kung sino talaga tayo, at sukatin ang mga sarili natin sa pamamagitan ng kanyang Salita. At pagkatapos ay hilingin natin sa Banal na Espiritu na tulungan na baguhin tayo.

Miyerkules, Enero 27, 2010

ANG PAGTABOY SA MGA BUWITRE

Sa Genesis 15, ang Diyos ay gumawa ng isang maluwalhating pahayag kay Abraham. Inutusan niya ang patriarka na kumuha ng isang dumalagang baka at dumalagang kambing at hatiin ang mga ito sa dalawa. At si Abraham ay kukuha ng isang ibong batu-bato at kalapati at ilapag sa lupa na magkatabi. Ginawa ito ni Abraham ayon sa utos sa kanya, at habang ang mga nilalang na ito ay nakalatag na duguan, ang mga buwitre o maninila ay nagsimulang bumaba sa mga patay na ibong ito. Biglaan ay, nakadama si Abraham ng nakakatakot na kadiliman na pumaligid sa kanya. Ano ang kadilimang ito? Ito ay si Satanas na biglang nasindak.


Paano mo iisipin ang reaksyon ni Satanas kapag nakita niya na ang lahat ng mga pangako ng Diyos ay naging sa iyo, habang ibinibigay mo ang iyong buhay sa Panginoon, may isang paraan lamang kung paano ang kanyang reaksyon: ang buong impiyerno ay biglaang nayayanig sa sindak.


Ano ang ginawa ni Abraham ng dumating ang mga buwitre? Sinabi ng Kasulatan, na kanya itong itinaboy. Kahalintulad, ipinakita ng Panginoon sa atin ang paraan kung paano haharapin ang nagbababalang-panganib na ito. Hindi tayo dapat matakot sa pagsalakay ng diyablo, sapagkat binigyan tayo ng makapangyarihang sandata ng pakikipaglaban.


Kapag may tinig ng pagdududa o pagtatanong ang pumapasok sa isipan ko, akin itong ihahambing laban sa nalalaman ko tungkol sa mapagmahal na Panginoon. Hindi ko matatanggap ang anumang isipin ay tunay, kung ito ay ibinatay lamang sa kung ano ang aking nadarama sa mga sandaling iyon. Ang mga ito ay dapat na sukatin laban sa mga ipinangako ni Hesus sa akin tungkol sa kanya at tungkol sa tagumpay na napagwagian para sa akin.


Sa madaling sabi, kapag may pumasok sa isipan ko na nag-aakusa---kung ang mga ito ay nagdudulot ng pagdududa at takot, o humusga, o nagdadala ng damdamin ng pagtanggi---alam ko na hindi ito sa Diyos. Lahat tayo ay kailangang laging handa sa mga nakapanghihilakbot na isiping darating. Maging ang Panginoon ay sinaklaw ng ganitong isipin mula sa mga kalaban sa panahon ng panunukso sa kanya sa ilang.


Kapag ang mga buwitre ay sumalakay sa iyo, may dalang isipin ng di-karapat-dapat at di-katiwasayan, itaboy ang mga ito sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Ang sakripisyo na ipinanguna ng Panginoon sa iyo ay nakalulugod sa kanya, at ito ay pararangalan niya.

Martes, Enero 26, 2010

“BAGAMAT PATAY NA, SIYA’Y NAGSASALITA PA”

Habang binabasa natin ang Hebreo 11, nakita natin ang isang karaniwang pambahagi sa mga buhay ng mga tao na nabanggit. Bawat isa ay may namumukod na katangian na palatandaan ng pananampalataya na iniibig ng Diyos. Ano ang elementong ito? Ang kanilang pananampalataya ay isinilang sa malalim na kapalagayang-loob sa Panginoon.


Ang katunayan ay, imposible na magkaroon ng pananampalataya na nakalulugod sa Diyos na walang pagbabahagi ng kapalagayang-loob sa kanya. Ano ang ibig kong sabihin sa kapalagayang-loob? Tinutukoy ko ay ang pagiging malapit sa Panginoon na nanggagaling mula sa pananabik sa kanya. Ang ganitong uri ng kapalagayang-loob ay isang malapit na pansariling pagkabigkis, pakikisama. Dumarating ito kapag kinasabikan natin ang Panginoon ng highit pa sa anumang bagay sa buhay na ito.


“Dahil sa pananalig sa Diyos, si Abel ay naghandog ng mas mabuting hain kaysa inihandog ni Cain. Dahil doon, si Abel ay kinilalang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Bagamat patay na, siya’y nagsasalita pa sa pamamagitan ng kanyang pananalig sa Diyos” (Hebreo 11:4). Nais kong itala ang ilang mahalagang bagay tungkol sa bersong ito. Una, ang Diyos mismo ang nagpatotoo tungkol sa handog ni Abel, o mga alay. Pangalawa, si Abel ay nagtatag ng dambana para sa Panginoon, kung saan niya dinala ang kanyang mga sakripisyo. At naghandog siya hindi lamang mga walang dungis na mga anak ng tupa bilang sakripisyo, kundi pati na ng mga taba nito. “Kinuha naman ni Abel ang isa sa mga panganay ng kanyang kawan. Pinatay niya ito at inihandog ang pinakamainam na bahagi” (genesis 4:4).


Ano ang pakahulugan ng taba dito? Ang aklat ng Levitico ay nagsabi tungkol sa taba ng, “Lahat ng ito’y ibibigay niya sa saserdote at susunugin sa dambana bilang pagkaing handog na kalugud-lugod sa akin” (Levitico 3:16). Ang taba ay bahagi ng handog na nagbibigay ng mabangong halimuyak. Ang bahagi ng hayop na ito ay madaling abutin ng apoy at lamunin, nagbibigay ng mabangong halimuyak. Ang taba dito ay nagsisilbing uri ng panalangin o pakikipag-isa na katanggap-tanggap sa Diyos. Ito ang naglalarawan ng ating ministeryo sa Panginoon sa lihim na silid ng panalanginan. At ang Panginoon mismo ang nagpahayag na ang pagsamba ng may kapalagayang-loob ay umaangat sa kanya na katulad ng may mabangong halimuyak na malinamnam.


Ang unang binanggit ng Bibliya na ganitong uri ng pagsamba ay kay Abel. Iyon ang dahilan kung bakit si Abel ay nakalista sa Bulwagan ng Pananampalataya ng Hebreo 11. Siya ang isang uri ng lingkod na may pakikipag-isa sa Panginoon, inihahandog ang pinakamabuting katangian at mga bagay na mayroon siya. Sa pahayag ng Hebreo, ang halimbawa ni Abel ay nabubuhay hanggang ngayon bilang patotoo ng tunay na buhay na pananampalataya, “Bagamat patay na, siya’y nagsasalita pa” (Hebreo 11:4).

Lunes, Enero 25, 2010

DAGDAGAN ANG ATING PANANALIG

Ang Marcos 4 ay nag-ugnay ng salaysay tungkol kay Kristo at ang kanyang mga dsiipulo sa bangka tungkol sa mabagyong dagat. Sa pagpili ng tagpo, kinalma ni Kristo ang alon sa isang utos lamang. Ngayon lumingon siya sa kanyang mga disipulo at nagtanong, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” (Marcos 4;40).


Maari mong isipin na ito’y malupit pakinggan. Likas lamang sa tao ang matakot sa ganoong bagyo. Ngunit hindi sila kinagagalitan ni Hesus dahilan doon. Sa halip, sinasabi niya sa kanila, “Pagkatapos ng lahat ng sandali kasama ako, hanggang ngayon ay hindi ninyo pa ako kilala. Paano ninyo nagagawang lumakad kasama ako sa katagalang ito, at hindi ninyo ako kilala na may kapalagayang-loob?


Sa katunayan, ang mga disipulo ay namangha sa kahanga-hangang himala na kanyang ginawa. “Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?” (4:41).


Maiisip ninyo ba ito? Ang sariling disipulo ni Hesus ay hindi siya kilala. Panariling tinawag niya ang bawat isa sa mga lalaking ito na sumunod sa kanya at sila ay nangaral na katabi niya, sa maraming tao. Gumawa sila ng mga himala ng pagpapagaling, at nagpakain sa maraming nagugutom na tao. Ngunit sila ay estranghero pa rin sa kung sino talaga ang kanilang Maestro.


Sa kasamaang palad, ganon pa rin ngayon. Maraming Kristiyano ay nakasakay kasama si Hesus, nangaral katabi niya, at nakalapit sa maraming tao sa pangalan niya. Ngunit hindi nila ganap na kilala ang kanilang Maestro. Hindi sila nakapag-ubos ng panahon na mapalapit sa kanya. Hindi sila nakaupo ng tahimik sa kanyang presensiya, buksan ang puso nila sa kanya, maghintay at makinig para maunawaan kung ano ang ibig niyang sabihin sa kanila.


Nakita natin ang iba pang tagpo tungkol sa pananalig ng mga disipulo sa Lucas 17. Ang mga disipulo ay lumapit kay Hesus, humihiling, “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos” (Lucas 17:5). Maraming Kristiyano ngayon ang nagtatanong ng katulad na katanungan: paano ako makakakuha ng pananalig? Ngunit hindi nila hinanap ang Panginoon para sa kanilang kasagutan.


Kung nais ninyo ng dagdag na pananalig, kailangang gawin ninyo ang katulad ng bagay na sinabi ni Hesus sa kanyang mga disipulo na gawin sa talatang ito. Paano niya sinagot ang kanilang kahilingan tungkol sa pananalig? “Ipaghanda mo ako ng hapunan; magbihis ka, at silbihan mo ako habang ako’y kumakain. Kumain ka pagkakain ko” (17:8). Sinasabi ni Hesus na may kakanyahan, “Isuot mo ang iyong damit ng pagiging matiisin. At lumapit ka sa aking mesa at kumain ka kasama ko. Nais kong pakainin mo ako dito. Magsaya kang silbihan ako sa buong maghapon. Ngayon nais kong makisama ka sa akin. Maupo ka katabi ko, buksan mo ang iyong puso, at kilalanin mo ako.”

Biyernes, Enero 22, 2010

NALUGOD NIYA ANG DIYOS

Si Enoc ay malugod na tinatamasa ang pakikipag-isa niya sa Panginoon. Katunayan, ang kanyang pakikisama sa Diyos ay lubos na malapit, ang Panginoon ay inilipat siya sa kaluwalhatian bago pa man matapos ang buhay niya sa mundo. “Dahil sa pananalig sa Diyos, hindi namatay si Enoc, kundi inilipat sa kabilang buhay. Hindi na siya nakita sapagkat inilipat na nga siya ng Diyos. Sinasabi sa Kasulatan na si Enoc ay naging kalugud-lugod sa Diyos bago inilipat” (Hebreo 111:5).


Bakit pinili ng Diyos na ilipat si Enoc? Ang panimulang salita sa bersong ito ay nagsasabi sa atin ng malinaw na ito ay dahil sa kanyang pananalig. Higit pa dito, ang pangtapos na parirala ay nagsabi sa atin na ang pananalig ni Enoc ay kinaluguran ng Diyos. Ang ugat na salita sa Griyego dito para sa kaluguran ay nangangahulugan ng lubos na pagkaka-isa, buong pagkakasundo, ganap na magkasama. Sa maikling sabi, si Enoc ay may pinkamalapit na pakikisama sa Panginoon na maaring tamasahin ng isang tao. At ang kapalagayang-loob na ito ay kinaluluguran ng Diyos.


Sinasabi ng Bibliya sa atin na si Enoc at nagsimulang maglakad kasama ang Panginoon nang siya ay naging ama sa kanyang anak na si Metusela. Si Enoc ay 65 taong gulang noon. At ginamit niya ang sumunod na 300 daang taon sa pakikipag-isa sa Diyos ng may kapalagayang-loob. Niliwanag ng Hebreo na si Enoc ay palaging nakikipag-isa sa Ama, lubos na may kapalagayang-loob sa kanyang oras-oras na pakikipagsamahan, pinili ng Diyos na isama siya pauwi sa kanya . Sinabi ng Panginoon kay Enoc na may kakanyahan, “Hindi na kita madadala ng malayo pa sa katawang lupa. Para lalong lumago ang kapalagayang-loob ko sa iyo, kailangang dalhin kita sa tabi ko.” Kaya’t pinalis niya si Enoc sa kaluwalhatian.


Ayon sa Hebreo 11:5, ito ay ang pagiging malapit ni Enoc ang nakalugod sa Diyos. Sa ating kaalaman, ang taong ito ay hindi gumawa ng himala, hindi nakabuo ng malalim na teolohiya, hindi gumawa ng mga dakilang gawain na maaring mabanggit sa Kasulatan. Sa halip nabasa natin ang simpleng paglalarawan ng matapat na pamumuhay ng taong ito: “Si Enoc ay lumakad kasama ang Diyos”


Si Enoc ay may malapit na pakikipagsamahan sa Ama. At ang kanyang buhay ay isa pang patotoo kung ano ang kahulugan ng tunay na naglalakad sa pananalig.

Huwebes, Enero 21, 2010

KAIBIGAN NG DIYOS

Isaalang-alang ang paraan ng paglalarawan ng Diyos sa kanyang kaugnayan kay Abraham: “Abraham na aking kaibigan” Isaias 41:8). Kahalintulad ang bagong Tipan ay nagsabi sa atin, “Si Abraham ay sumasampalataya sa Diyos…Ang tawag sa kanya ng Diyos ay ang Kaibigan kong si Abraham” (Santiago 2:23).


Isang di-kapani-paniwalang karangalan, ang matawag na kaibigan ng Diyos. Maraming Kristiyano ay inawit ang kilalang awitin, “Isang Kaibigan na Mayroon Tayo Kay Hesus.” Ang talatang ito sa Bibliya ay dinala sa tahanan ang katotohanang iyon na may kapangyarihan. Para tawagin ng Lumikha ng sansinukuban na kaibigan ang isang tao ay parang hindi abot ng pantaong pang-unawa. Gayunman ito ay nangyari kay Abraham. Ito ay hudyat ng dakilang pakikipag-isa sa Diyos.


Ang salitang Hebreo na ginamit ni Isaias para sa kaibigan dito ay nagpapahayag ng pagkagiliw at pagiging malapit. At sa Griyego, ang salita ni Santiago para sa kaibigan ay minamahal, malapit na kapanalig. Parehong nangangahulugan ng pagbabahagian ng pagpapalagayang-loob.


Ang lumagong malapit kay Kristo. Ay lalong lumalakas ang ating pagnanais na maging buo sa kanyang presensiya. Higit pa doon, nagsisimula na makita natin na mas maliwanag na si Hesus ay siyang tangi nating simulain.


Sinasabi ng Bibliya sa atin na si Abraham “habang hinihintay niyang maitatag ang lunsod, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos” (Hebreo 11:10). Para kay Abraham, walang anuman sa buhay na ito ang permanente. Ang Kasulatan ay nagsabi na ang daigdig ay isang “kakaibang lugar” para sa kanya. Hindi ito ang lugar para maglagay ng ugat. Ang makalangit na bansa na hinahanap ni Abraham ay hindi isang likas na lugar. Sa halip, ito ay ang maging nasa tahanan kasama ang Ama. Nakita mo, ang salitang Hebreo para sa pariralang ito, “makalangit na lugar,” ay Pater. Nanggaling ito sa salitang ugat na nangangahulugan na Ama. Kaya, ang makalangit na bansa na hinahanap ni Abraham, ay likas, na isang lugar kasama ang Ama.


Gayunman si Abraham ay hindi isang mistiko. Hindi siya matipid na naglagay ng banal na hangin at namuhay sa espirituwal na paghihirap. Ang taong ito ay namuhay sa sanlibutan, may malalim na kaugnayan sa gawaing pangsanlibutan. Kung tutuusin, siya ay nagmamay-ari ng libu-libong hayupan. Mayroon siyang sapat na mga utusan na maaring magbuo ng maliit na hukbo. Si Abraham ay maaring lubhang abala, pinamumunuan ang kanyang mga utusan at namimili at nagtitinda ng kanyang mga baka, tupa at mga kambing.


Gayunman kahit paano, kahit na siya ay maraming kabuhayan at pananagutan, si Abraham ay may panahon pa rin sa kanyang pagiging malapit sa Diyos.

Miyerkules, Enero 20, 2010

ANG KAPANGYARIHAN NA MANATILING LUNTIAN

Ako ay dinala na basahin at pag-aralan ang Pahayag 9, ang kabanatang tumatalakay sa balang. Habang binabasa ko ang ika-apat na berso, tungkol sa utos ng Diyos sa mga balang na huwag puksain ang anumang bagay na kulay luntian, isang isipin ang pumukaw sa akin.


Napansin ko na nandoon ang susi para manatiling ligtas sa anumang sandali ng katatakutan: “manatiling luntian.” Isinulat ni David, “Kahoy na olibo…sa tabi ng templo, ang aking katulad, nagtiwala ako sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas” (Awit 52:8).


Ang “luntian” na tinutukoy ni David dito ay nangangahulugan ng espirituwal na kalusugan. Nangangahulugan ito na yumabong, lumago, maging mabunga. Sinasabi ni David sa atin, “Ang kalusugan ko ay nanggagaling mula sa aking pananalig sa Diyos. Yumayabong ako pagkat lumalapit ako sa kanya. Ang pananalig ko sa kanya ay nagbubunga ng espirituwal na pamumuhay sa akin”


Narito ang isang maluwalhating katotohanan tungkol sa kapangyarihan na manatiling luntian. “Sinasabi ni Yahweh, parurusahan ko ang sinumang tumatalikod sa akin, at nagtitiwala sa kanyang kapwa, sa kapangyarihan ng mga taong may hangganan ang buhay. Ang katulad nila’y halamang tumutubo sa ilang, sa lupang tigang, at sa lupang maalat na walang ibang tumutubo; walang mabuting mangyayari sa kanya” (Jeremias 17:5-6).


Ang Panginoon ay nagbabala, “Huwag magtiwala sa tao. Kapag inilagay ang iyong pagtitiwala sa kapangyarihan ng tao na higit pa sa akin, ikaw ay isusumpa.”


Gayunman, kapag inilagay natin ang ating pananalig sa Panginoon, narito ang ibubunga ng ating pananalig: “Ngunit maligaya ang taong nananalig kay Yahweh, pagpapalain ang umaasa sa kanya. Ang katulad niya’y halamang nakatanim sa tabi ng batisan, ang mga ugat ay patungo sa tubig; hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init, sapagkat mamamalaging luntian ang mga dahon nito, kahit hindi umuulan ay wala itong aalalahanin; patuloy pa rin itong mamumunga” (17:7-8).


Habang lubusan tayong nananalig sa Ama, inilalagay natin ang ugat sa batis ng kalusugan. At ang kanyang banal na lakas---makatas, luntian, espirituwal na kalusugan---ay dadaloy sa atin at sa pamamagitan natin. Habang ang lahat sa paligid natin ay nabubulok, tayo ay yayabong na parang luntiang puno, malusog at malakas. At kapag dumating ang oras ng pagsubok, hindi tayo manghihina o malalanta. Sa halip, ang ating pananalig ay patuloy na lalago.

Martes, Enero 19, 2010

ANG APOY NG DIYOS AY PATULOY NA NAG-AALAB

May kalungkutan, marami sa mga Katawan ni Kristo ngayon ay humahalintulad sa mga makabagong Lambak ng Tuyong Buto. Ito ay isang ilang na puno ng mga ibinilad na buto ng mga nahulog na Kristiyano. Mga Ministro at ibang debotong mananampalataya ay nasunog sapagkat sila’y puno ng kasalanan. Ngayon sila ay puno ng mga kahihiyan, nagtatago sa lungga na sarili nilang likha. Katulad ni Jeremias, nahikayat nila ang kanilang mga sarili, “Lilimutin ko si Yahweh at di na sasambitin ang kanyang pangalan” (Jeremias 20:9).


Ang Diyos ay patuloy pa ring nagtatanong ng katulad na katanungan na itinanong niya kay Ezekiel: “Ang mga patay na butong ito ay mabubuhay pa?” Ang kasagutan sa tanong na ito ay perpekto. “Oo!” Ito ay mangyayari sa muling pananariwa ng ating pananampalataya sa Salita ng Diyos.


Ang Salita ng Diyos ay siya mismong lumalamong apoy. Sa katunayan, ito lamang ang tunay na liwanag na mayroon tayo sa madilim na bahagi ng gabi ng ating kawalan ng pag-asa. Ito lamang ang ating pananggalang laban sa kasinungalingan ng kaaway, kapag siya ay bumulong, “Tapos na ang lahat. Nawala na ang apoy sa iyo. At hindi mo na muli itong makukuha.”


Ang isang bagay lamang na makapagpapalabas sa atin sa kadiliman ay ang ating pananampalataya. At ang pananampalataya ay nakukuha sa pakikinig sa Salita ng Diyos. Kailangan lamang natin na panghawakan ang Salita na ipinunla sa atin. Ipinangako ng Panginoon, “Hindi ko hahayaan na ikaw ay bumagsak; dahil doon, wala kang dahilan upang mawalan ng pag-asa. Walang dahilan para sumuko. Mamahinga ka sa Salita ko.”


Maari mong isipin, “Ngunit ang kadilimang ito ay ang pinakamasamang bagay na nalaman ko. Nakarinig na ako ng libong pangangaral sa Salita ng Diyos, ngunit walang anumang halaga ang mga ito sa akin ngayon.” Huwag mabalisa, ang apoy ng Diyos ay nag-aalab pa rin sa iyo, kahit na hindi mo ito nakikita. At kailangang ibuhos mo sa apoy na iyon ang panggatong ng iyong pananampalataya. Gawin mo ito sa pamamagitan ng pananalig sa Panginoon. Kapag ginawa mo ito, makikita mo ang lahat ng iyong pagdududa at pagnanasa ay lalamunin.


Ang Espiritu ng Diyos ay humihingang muli sa bawat bahagi ng mga tuyong buto. Ipinaalala niya ang Salita na itinanim niya sa mga ito. At iyong minsang mga namatay na ay muling binuhay. Sila ay tumatangis katulad ni Jeremias, “Ang apoy ng Diyos ay matagal nang naapula sa akin sa matagal ng panahaon. Hindi ko na kayang panghawakan ito. Nadadama ko ang kapangyarihan ng Diyos na ibinabangon ako. Muli niya akong binigyang buhay. At wiwikain ko ang Salita na ibinigay niya sa akin. Aking ipapahayag ang kanyang kahabagan at kapangyarihang magpagaling.

Lunes, Enero 18, 2010

ANG AKING BUHAY AY PINANGANGALAGAN

Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na si Jacob ay nakatanggap ng di-kapani-paniwalang pahayag sa harap-harapang mukhaan sa Diyos: “Sinabi ni Jacob, ‘Nakita ko nang mukhaan ang Diyos, gayunma’y buhay pa rin ako.’ At tinawag niyang Peniel ang lugar na iyon” (Genesis 32:30). Ano ang kalagayan na pumapaligid sa pahayag na ito? Iyon ang pinakamababa, at ang pinakanakakatakot na sandali ng buhay ni Jacob. Nang sandaling iyon, si Jacob ay naipit sa dalawang makapangyarihang puwersa: ang galit niyang biyenan, na si Laban, at ang salungat at nabubuwang na kapatid, na si Esau.


Si Jacob ay nagpakahirap sa loob ng 24 na taon para kay Laban, na dumadaya sa kanya ng madalas. Sa huli, si Jacob ay napuno na, kaya’t hindi nagsasabi kay Laban, kinuha niya ang kanyang pamilya at sila’y tumakas.


Hinabol siya ni Laban mula sa silangan, kasama ang maliit na hukbo, handang patayin si Jacob. Gayunman, noong nagbabala ang Diyos kay Laban sa kanyang panaginip na huwag saktan si Jacob saka niya hinayaan na lamang ang kanyang manugang na lumayo. Hindi pa nagtatagal na wala na si Laban sa usapan, gayunman, nandito naman si Esau na dumarating mula sa kanluran. Siya ay namumuno sa isang maliit na hukbo ng 400 kawal, handang patayin ang kanyang kapatid sa pagnanakaw ng kanyang katutubong karapatan. Humarap si Jacob sa ganap na kalamidad, tanggap na mawawala na ang lahat sa kanya. Ang kalagayan ay nagmukha ng walang pag-asa; gayunman sa madilim na oras na iyon, si Jacob ay nagkaroon ng pakikipagharap sa Diyos na hindi pa nangyari kailanman. Nakipagbuno siya sa anghel na pinaniwalaan ng mga iskolar siyang Panginoon mismo.


Ngayon isipin din si Job. Sa sandali ng pinakamadilim na oras ni Job, ang Diyos ay nagpakita sa kanya sa isang buhawi. At ang Panginoon ay nagbigay sa lalaking ito ng pinakadakilang pahayag na nasaksihan ng isang tao.


Dinala ng Diyos si Job sa sansinkuban, at pagkatapos ay sa kailaliman ng dagat. Dinala siya sa pinakalihim ng likha. At nakita ni Job ang mga bagay na hindi pa nakita ng sinumang tao. Ipinakita sa kanya ang ganap na kaluwalhatian at kadakilaan ng Diyos. Lumutang si Job mula sa karanasang iyon na nagpupuri sa Diyos, nagwiwika, “Alam kong magagawa mo ang lahat ng bagay, anumang balakin mo’y walang makahahadlang. Sinong nagsasalita ng walang nalalaman? Kaya ako’y humatol ng walang katuturan, na hindi ko alam ang lahat ng bagay. Ikaw ang makinig sa aking sasabihin, at iyong ibadya ang sagot mo sa akin. Nakikilala kita sa balita lamang, ngunit ngayo’y akin nang namasdan” (Job 42: 2-5).


May kataka-takang bagay ang nangyayari kapag tayo ay tunay na nanalig. Kapayapaan ang dumarating sa atin, nagbibigay daan para sa atin na magsabi, “Hindi mahalaga anuman ang kalabasan ng mahigpit na pagsubok na ito. Ang Diyos ko ang may hawak sa lahat ng bagay. Wala akong dapat ikatakot.”

Biyernes, Enero 15, 2010

HAWAK NIYA ANG LAHAT NG SUSI

Sa kabuuan ng Kasulatan, ang pinakadakilang pahayag ng kabutihan ng Diyos ay dumating sa mga tao sa sandali ng kanilang mga kaguluhan, kalamidad, pag-iisa at paghihirap. Nakita natin ang halimbawa nito sa buhay ni Juan. Sa loob ng tatlong-taon, ang apostol na ito nasa “dibdib ni Hesus.” Iyon ay panahon ng tunay na kapahingahan, kapayapaan at kagalakan, na walang mga kaguluhan o mga pagsubok. Ang alam lamang niya ay si Hesus ay Anak ng tao. Kaya, kailan niya natanggap ang pahayag ni Kristo sa pangkalahatan ng kanyang kaluwalhatian?


Nangyari lamang ito pagkatapos na si Juan ay kinaladkad na nakakadena mula sa Ephesus. Siya ay itinapon sa isla ng Patmos, na kung saan siya ay nahusgahan ng pagtatrabaho ng mahirap. Siya ay nag-iisa, walang kasamahan, walang pamilya o mga kaibigan para aliwin siya. Iyon ay sandali ng lubos na kawalan ng pag-asa, ang pinakamababang bahagi ng kanyang buhay.


At iyon ang panahon ng matanggap ni Juan ang pahayag ng kanyang Panginoon na siyang magiging huling sangkap ng Kasulatan: ang Aklat ng Pahayag. Sa gitna ng oras ng kadiliman, ang liwanag ng Banal na Espiritu ay dumating sa kanya at nakita niya si Hesus na animo’y hindi pa niya nakita kailanman. Tunay niyang nakita si Kristo bilang Anak ng Diyos.


Hindi natanggap ni Juan ang pahayag na ito habang kasama niya ang ibang mga apostol, o maging noong panahon ni Hesus sa sanlibutan. Gayunman ngayon, sa pinakamadilim na bahagi ng kanyang buhay, nakita ni Juan si Kristo sa kabuuan ng kanyang kaluwalhatian, nagpapahayag, “At ang nabubuhay! Namatay ako ngunit masdan mo, ako’y buhay ngayon at mananatiling buhay magpakailanman. Nasa ilalim ng kapangyarihan ko ang kamatayan at ang daigdig ng mga patay” (Pahayag 1:18). Ang di-kapani-paniwalang pahayag na ito ay inilagay si Juan sa kanyang mukha. Ngunit ibinangon siya ni Hesus at ipinakita sa kanya ang mga susi na hawak niya sa mga kamay niya. At tiniyak niya kay Juan, “Huwag kang matakot” (1:17).


Naniniwala ako na ang pahayag na ito ay dumarating sa bawat nananalangin, nagdurusang lingkod sa sandali ng kanyang pangangailangan. Sinasabi ng Banal na Espiritu, “Hawak ni Hesus ang lahat ng susi sa buhay at kamatayan. Kaya’t ang paglisan ng lahat ay nakasalalay sa kanyang mga kamay.” Ang pahayag na ito ay nangangahulugan ng pagdadala ng kapayapaan sa ating mga puso. Katulad ni Juan, kailangan nating ilarawan si Hesus na nakatayo sa harapan natin, hawak ang susi sa buhay at kamatayan, at tinitiyak sa atin, “Huwag kang matakot. Hawak ko ang lahat ng susi.” Ano ang ating magiging kasagutan? Katulad ni Job, tayo’y dapat manatili sa pananalig, “ Si Yahweh ang nagbibigay siya rin ang kukuha. Purihin si Yahweh” (Job 1:21).