Huwebes, Enero 28, 2010

LAKAD NA NAKALULUGOD

Si Apostol Pablo ay nagturo sa iglesya ng Colosas: “Sa gayon, makapamumuhay kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa mabuting gawa at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos” (Colosas 1:10).


Ano ang kailangan sa nakalulugod na lakad? Sinasabi ni Pablo sa atin, “Kayo’y hinirang ng Diyos, itinalaga para sa kanya at iniibig niya. Kaya’t dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin. Magpaumanhinan kayo at magpatawaran kung may hinanakit kayo sa isa’t isa. Pinatawad kayo ng Panginoon kaya’t magpatawad din kayo” (Colosas 3:12-13, aking pagbibigay kahulugan).


Sinasabi sa atin ni Pablo sa maraming salita: “Narito ang mga salita ko sa inyo sa mga maselang panahon na ito. Sa liwanag ng mga panahon ng kagipitan na alam ninyong padating, kailangan ninyong sukatin ang inyong paglalakad kasama ang Panginoon.”


Sa madaling sabi, kailangan tanungin natin ang ating sarili: “Ako ba ay nagiging kawangis ni Kristo? Ako ba ay lumalago na matiisin, o mabilis mag-init ang ulo? Mas mabait o mas marahan, o magagalitin at mahilig makipagtalo? Malumanay at mapagpatawad, o mapaitin at mapagtanim ng sama ng loob? Nakikisama ba ako sa iba? Ako ba’y nakakaunawa ng mga kahinaan at kamalian ng mga malalapit sa akin, o lagi ko na lamang iniisip na ako’y palaging tama?


Si Pablo ay nagmumungkahi, sa liwanag ng ganitong parating na panahon, hindi mahalaga kung anong gawain ang iyong natapos o anumang pagkakawang-gawa ang iyong ginampanan. Hindi mahalaga kung gaano ka kabuti sa mga dayuhan, hindi mahalaga kung gaano kadami ang kaluluwang nadala mo kay Kristo, ang mga tanong na ito ay nananatili: Ikaw ba’y nagiging higit na mapagmahal, matiisin, mapagpatawad, o mapaghunos-dili?


Ang pagsisiyasat sa iyong paglalakad kasama si Kristo ay nangangahulugan na tingnan hindi ng kung ano ang iyong mga nagawa na katulad ng kung ano ang ipinagbago mo. Ang ganoong paglalakad ay hindi natatamo sa pamamagitan ng pantaong pagsisikap lamang. Hindi ito mangyayari sa pamamagitan ng sariling-sikap, parang sinasabi na, “Ako’y magiging ganoong uri ng mananampalataya.” Sa halip, nangyayari ito sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa pamamagitan ng pananalig sa kanyang Salita.


Una, basahin natin ang mga salitang ito at manalig sa mga ito na siyang pagtawag ng Diyos sa atin, upang siyasatin ang ating mga sarili. Kaya hilingin natin sa Banal na Espiritu na ipakita sa atin kung sino talaga tayo, at sukatin ang mga sarili natin sa pamamagitan ng kanyang Salita. At pagkatapos ay hilingin natin sa Banal na Espiritu na tulungan na baguhin tayo.