Sinabi ng Salita, “ Sapagka't dahil sa isang masamang babae ay walang naiiwan sa lalake kundi isang putol na tinapay: at hinuhuli ng mangangalunya ang mahalagang buhay” (Kawikaan 6:26). Ang tinutukoy dito ng talata ay si Satanas. At tinutugis niya ang mga taong mahahalaga sa Diyos.
Nagbigay ang Bibliya sa atin ng isang maliwanag na paglalarawan nito sa aklat ng Bilang 13 at 14. Ang Israel ay nagpadala ng 12 espiya para maghanap at magsiyasat sa Lupang Pangako. Nang bumalik ang mga espiya pagkaraan ng 40 araw, ang sampu sa kanila ay nagtanim ng tatlong kasinungalingan sa puso ng mga tao ng Diyos: (1) “Lubos na maraming tao sa lugar na iyon; lubhang malalakas sila para sa atin.” (2) “Ang lunsod ay may pader na napakatataas; ang kanilang pinagkukutaan ay di kayang pasukin.” At (3) “Mayroong mga higante sa lugar na iyon, at hindi natin sila kayang supilin. Wala na tayong magagawa! Tapos na tayo!”
Ang mga kasinungalingang ito ay tumusok sa puso ng mga taga Israel. Sinabi ng Banal na Kasulatan ang mga tao ay nagtiis ng isang gabi ng kawalan ng pag-asa. “At ang buong kapisanan ay naglakas ng kanilang tinig, at humiyaw; at ang bayan ay umiyak ng gabing yaon” (Bilang 14:1). Mahigit na 2 milyong tao ang nag-iiyakan, sumisigaw, nanaghoy—lubos na nakatuon sa kanilang mga kahinaan at kawalan ng kakayahan. Ang kanilang panaghoy ng kawalan ng pananalig ay umabot sa kalangitan.
Mga minamahal, ang demonyo ay naghasik din ng katulad na tatlong kasinungalingan sa mga tao ng Diyos sa panahong ito. “Lubhang marami ang inyong mga pagsubok. Sinusupil kayo ng mga tukso. Lubhang mahina ka para mapaglabanan mo ang kapangyarihang dumadaig sa iyo.”
Ang salitang sinabi ng Diyos sa Israel ay siya ring sinasabi niya sa atin sa panahong ito: “Kaya't ngayon, kung tunay na inyong susundin ang aking tinig, at iingatan ang aking tipan, ay magiging isang tanging kayamanan nga kayo sa akin, na higit sa lahat ng bayan: sapagka't ang buong lupa ay akin” (Exodo 19:5). “Sapagka't ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos, at ikaw ay pinili ng Panginoon upang maging bayan sa kaniyang sariling pag-aari, na higit sa lahat ng mga bayan na nasa ibabaw ng balat ng lupa” (Deutoronomo 14:2).
Si Joshua at Caleb ay may pahayag ng kanilang kahalagahan sa mata ng Diyos. Alam nila na ang Israel ay mahalaga sa Diyos. At iyan ang susi ng kanilang espirituwal na pag-asa. Sinabi ni Joshua, “Kung kalulugdan tayo ng Panginoon ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing yaon, at ibibigay niya sa atin; na yao'y lupaing binubukalan ng gatas at pulot” (Bilang 14:8). Sa madaling sabi, “Dahil kinalulugdan niya tayo, ang lupang pangako ay para na ring sa atin.”
Ganito rin ang pahayag na mayroon si David: “Iniligtas niya ako at pinalaya—sapagkat nalulugod siya sa akin.” Kahalintulad ngayon, ang bawat tagumpay na Kristiyano sa panahong ito ay may katulad ding pahayag ng kanilang mapagmahal na Amang nasa langit. “Hindi tayo mabibigo! Ang lahat ng ating mga kaaway ay balewala sa atin, sapagkat tayo ay mahalaga sa Panginoon.”