Tinulungan ako ng Diyos na malampasan ko ang lahat ng aking mga pinagdadaanang kapighatian sa pamamagitan ng pagpapakita sa akin ng lihim na pag-asa ni Haring David. Si David, na dumadaing, ay nagtaka kung bakit ang Diyos ay galit sa kanya. Tumawag siya sa Diyos na, “Ilabas mo sa iyong sinapupunan, at iyong lipulin sila”(tingnan Awit 74:11). Sa palagay ni David ang mga kalaban ng Diyos ay nakalalamang at nangingibabaw at sa kanyang kawalan ng pag-asa, nanalangin siya, “Oh huwag mong ibigay ang kaluluwa ng inakay ng iyong kalapati sa mabangis na hayop: huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailan man”(Awit 74:19).
Katulad ni David, sinimulan nating tingnan ang ating mga sarili na katulad ng mga inakay ng kalapati, napaliligiran ng mga patibong at bitag ng mga makasalanan. Pinalalakas nito ang loob ko, sa pinakamabigat kong kalagayan, na makita ang sarili ko bilang minamahal niyang ibon, may kapahingahan sa kanyang pangako na ilalayo ako sa bitag ng kaaway. Katulad ng kalapati, nananabik tayo sa presensiya ng ating minamahal na Tagapagligtas.
Isinasalarawan ko si Cristo na palapit sa akin bilang isang kalapati—ang kanyang Espiritu Santo—ipinapahayag sa akin ang kanyang matatag na pag-ibig at patuloy na pangangalaga. Gaano kalagim na ang isang dakila at marangal na Diyos ay mag-uugnay sa aking mga pangangailangan bilang isang kalapati. Hindi ba siya bumaba kay Cristo sa tubig ng bautismo bilang isang kalapati?
Anak ng Diyos, ikaw ba ay dumadaan sa panahon ng pagdurusa? Mayroon bang paghihirap sa iyong tahanan? Ikaw ba’y nasasaktan? Ikaw ba’y naguguluhan dahil sa kabigatan ng lahat ng ito? Pakatandaan, ikaw ang inakay ng kalapati ng Panginoon at hindi ka niya ibibigay sa kaaway. Ililigtas ka niya sa bawat patibong ng kaaway at ipakikita sa iyo kung gaano siya katapat sa oras ng iyong pangangailangan. Nandoon siya sa tabi mo, sa lahat ng sandali, bilang kalapati, bumubulong, ibinabahagi ang pag-ibig niya sa iyo.
Si Solomon, na nangungusap tungkol kay Cristo, ay nagsabi na, “Ang kaniyang mga mata ay gaya ng mga kalapati sa siping ng mga batis ng tubig; na hinugasan ng gatas at bagay ang pagkalagay” (Awit ni Solomon 5:12). At sa iglesya, mga minamahal ng Panginoon, ito ay nakasulat, “Ang aking kalapati, ang aking sakdal ay isa lamang…”(Awit ni Solomon 6:9). Tayo ay iisa kay Cristo—ang kanyang kalapati.
Ang maya ay nalaglag sa lupa, ngunit hindi ang kalapati. Siya ay hawak sa palad ng kanyang kamay, ligtas at panatag sa kanyang pag-ibig. Ang pinakamahusay sa lahat, ililigtas tayo ng Panginoon sa lahat ng ating kaguluhan at patutunayan niya ang kanyang walang-hanggang katapatan sa atin. Malalampasan natin lahat ang mga ito na nagbubunyi at may buong kapahingahan at pananalig sa kanyang kapangyarihan at pag-ibig.