“Nagsalita si Nabucodonosor at sinabi sa kanila…Iniuutos ko sumamba kayo sa ipinagawa kong rebulto sa sandaling marinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Kung hindi, ipahahagis ko kayo sa naglalagablab na pugon. Tingnan ko lang kung may Diyos na makapagliligtas sa inyo.” (Daniel 3:14-15)
Ang mga kaibigan ni Daniel ay humaharap sa pinakamasamang kagipitan na maaring makaharap ng isang tao. Kung hindi dumating ang Diyos at sinagip sila sa pamamagitan ng himala, tiyak na patay sila!
Ano ang magdadala kay Kristo sa iyong kagipitan? Darating siya kapag nakipagkasundo ka na katulad nang ginawa ng tatlong lalaking Hebreo: “[Sila]…ay nagsabi sa hari, Mahal na hari, wala po kaming itututol sa inyo tungkol sa bagay na ito. Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa pugong iyon at sa inyong kapangyarihan. At kung hindi man niya gawin ito, hindi pa rin kami sasamba sa rebultong ipinagawa ninyo” (berso 16-18).
Sa madaling sabi: “Mukhang wala itong pag-asa. Kung hindi gagawa ng himala ang Diyos para sa amin, tiyak na kami ay mamamatay. Subalit ang aming Diyos ay iniligtas kami sa nag-lalagablab na pugon! Ngunit kung hindi man niya ito ginawa, hindi pa rin kami hihiwalay sa kanya. Mabuhay man o mamatay, magtitiwala kami sa kanya!”
Mga minamahal, ito ang uri ng pananampalataya na nagbibigay dahilan para ang mga anghel ay magalak at mabasbasan ang puso ng Diyos. Ito ang pananampalataya na nagsasabi, “Panginoon, ako’y naniniwala, lubos na nahikayat, na ako’y iniligtas mo. Isang salita mo lamang, lahat ng ito ay matatapos na.”
“Ngunit kung hindi man, hindi ako tatakas. Hindi kita pagbibintangan na ako ay pinabayaan mo. Mananatili akong tapat at totoo. Ang paraan mo ay higit pa sa paraan ko, Panginoon – at ang buhay ko ay nasa mga kamay mo. Bagaman ako ay pinatay mo, gayunman ako’y magtitiwala sa iyo!”
Ito ang nagdadala kay Kristo sa ating mga kagipitan-buong pagtitiwala na kaya niyang iligtas at sagipin tayo sa tiyak na kapahamakan! Ito ay isang pagtitiwala, anuman ang dumating, tayo’y nasa mga kamay niya.