Kapag ikaw ay lubos na nasaktan, magtungo sa iyong lihim na silid ng dalanginan at itangis mo lahat ng iyong kapaitan. Si Hesus ay tumangis. Dala-dala ni Pedro sa kalooban niya ang sakit na nadaranasan niya sa pagkakanulo niya sa anak ng Diyos at mapait niya itong itinangis! Mag-isa siyang naglakad sa kabundukan, tumatangis sa kapighatian. Ang mga mapapait na luhang iyon ay nagdulot ng isang matamis na himala at siya ay nagbalik para yanigin ang kaharian ni Satanas.
Maraming taon na ang lumipas isang babae na matatag na pinagtiisan ang isang karamdaman ay sumulat ng isang aklat na may pamagat na “Tumangis ka muna”(First you Cry). Gaano katotoo! Kamakailan lamang nakausap ko ang isang kaibigan na napagsabihan na siya ay may malubhang kanser. “Ang una mong gawin,” sinabi niya, “ay umiyak hanggang sa wala nang luhang lumalabas. At magsimula kang lumapit kay Hesus, hanggang sa malaman mo na ang mga kamay niya ay mahigpit kang hinahawakan.”
Hindi kailanman umiwas ng tingin si Hesus sa isang tumatangis na puso. Sinabi niya, “Hindi ko hahamakin ang isang nagdurusang puso” (tingnan Awit 51:17). Ni minsan hindi sasabihin ng Panginoon, “Magpakatatag ka! Tumayo ka at inumin ang iyong gamot! Ikagat mo ang iyong mga ngipin at punasan mo ang iyong mga luha.” Hindi! Iniipon ni Hesus ang ang bawat luha sa kanyang walang hanggang sisidlan.
Nasasaktan ka ba? Kung gayon sige at umiyak ka. At patuloy kang umiyak hanggang sa tumigil ang pagdaloy ng luha. Ngunit hayaan mong ang mga luhang iyan ay magmula sa kirot na nadarama at hindi sa kawalan ng pananalig at awa sa sarili.
Buhayin ang loob mo sa Panginoon. Kapag napalibutan ka ng ulap at wala kang makitang lalabasan sa iyong suliranin, sumandal ka sa mga kamay ni Hesus at ikaw magtiwala sa kanya. Gagawin niya lahat ito! Ang iyong pananalig ang nais niya, ang iyong pagtitiwala. Nais niyang isigaw mo ng malakas, “Mahal ako ni Hesus! Siya’y nasa akin! Hindi niya ako pababayaan! Ginagawa niya ang lahat, ngayon din! Hindi ako ihuhulog! Hindi ako madadaig! Hindi ako magiging biktima ni Satanas! Hindi ako mawawalan ng pag-iisip o patutunguhan! Nasa tabi ko ang Diyos! Mahal ko siya at mahal niya ako!