Biyernes, Setyembre 11, 2009

ANG PAG-IBIG AY NAGSISIMUMULA SA TAHANAN

Ang utos ni Hesus sa Juan 15:6 ay may kinalaman sa kung paano ko tratuhin ang aking asawa at mga anak. Para sa mga binata at dalaga,  kalakip nito kung paano mo tratuhin ang kasama mo sa silid, kapwa Kristiyano, ang taong malapit sa iyo.

 

Walang paraan para maiwasan ito. Kung ako’y magiging tao at mangangaral na tinawag ng Diyos, kung ganon ay masasabi ng asawa ko ng may katapatan sa harapan ng langit, impiyerno at sa buong sanlibutan: “Iniibig ako ng asawa ko na may pag-ibig ni Kristo. Nakakagawa siya ng mali, ngunit lalo pa siyang nagiging matiyaga at maunawain sa akin. Lalo siyang nagiging mapagmahal at mapagkalinga. At kasama niya akong nananalangin. Hindi siya isang huwad. Siya ay kung ano ang ipinangangaral niya.

Ngunit kung hindi ito ang patotoo ng asawa ko, “Ang asawa ko ay hindi tao ng Diyos na katulad ng sinasabi niya” – kung ganon ang lahat sa buhay ko ay walang-halaga. Lahat ng aking gawain—ang pangangaral, mga nagampanan, ang mapagkawanggawang pamimigay, ang maraming paglalakbay-ay wala lahat kabuluhan. Ako ay isang natutuyot, na walang-silbing sanga na hindi nagbubunga ng kawangis ni Kristo. Hahayan ni Kristo ang iba na makita ang kamatayan sa akin, at ako ay walang-halaga sa kanyang kaharian.

 

Isang may-gulang  ng pastor at asawa niya ay nagtungo sa akin na durog ang puso at tumatangis. Sinabi sa akin ng ministro na may luha, “Kapatid na David, Ako ay nagkasala sa Diyos at sa asawa ko. Ako’y nakiapid.” Siya’y nanginginig sa may makadiyos na lungkot habang ikinukumpisal niya ang kanyang kasalanan sa akin. Pagkatapos ay lumingon ang asawa niya sa akin at mahinahong sinabi, “Pinatawad ko na siya. Ang kanyang pag-sisisi ay tunay para sa akin at ako ay may tiwala na kami ay muling panunumbalikin ng Panginoon.”

 

Isang karangalan sa akin ang masaksihan ang isang napakagandang panunumbalik. Hindi natin maitatama ang ating mga nakalipas na mga kabiguan. Ngunit kung nandoon ang tunay na pagsisisi, ipinangako ng Diyos na ipanunumbalik niya ang lahat na winasak ng uod.

 

Ninanais ko na ang lahat ng mag-asawa na nakagitna ang buhay kay Kristo ay tatayo at magsasabi ng katotohanan: “Hindi ito madali.” Ang buhay may-asawa ay pang-araw-araw na pinagsusumikapan, kahalintulad ng buhay-Kristiyano. Katulad ng daan patungo sa krus ng kalbaryo, kailangang isuko mo ang iyong karapatan araw-araw. Oo nga, alam ni Satanas na ang iyong puso ay nakatakda na lalong maging kawangis ni Kristo sa iyong tahanan,  kaya’t patuloy ka niyang bibigyan ng mga pagsubok.

 

Walang paaralang kasing hirap at kasidhi katulad ng paaralan ng mag-asawa. At hindi kailanman kayo magtatapos dito. Ginawang maliwanag ng Diyos sa atin: Ang ating buhay kasama ang ating mga mahal sa buhay ay ang pinakamatayog, ang pinakamataas, ng lahat ng ating mga pagsubok. Kapag nagkamali tayo dito, tiyak na mali na tayo sa bawat bagay sa ating buhay.