Habang nananalangin tungkol sa kung ano ang maibabahagi ko sa mensaheng ito, ang Espiritu ng Diyos ay malakas na ipinukaw sa akin na mangusap sa inyo tungkol sa kanyang katapatan.
“Ang hindi nagmamaliw na pag-ibig ni Yahweh at ang kanyang walang kupas na kahabagan. Hindi nagbabago tulad ng bukang liwayway, dakila ang kanyang katapatan” (Mga Panaghoy 3:22-23).
Nais kong mangusap doon sa mga nagbabasa na binigo ang Panginoon. Marahil kayo ay nadulas. Marahil masyado kayong naging kontento sa pananalangin at pagbabasa ng Bibliya. O, kaya’y sumuway kayo sa Kautusan, nagkasala laban sa Panginoon. Maaring kayo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng nananatiling kasalanan. Anuman ang kalagayan mo, maaring napangibabawan ka na ng takot, pagkakasala at kawalan ng paniniwala. Alam mo na sinabi ng Diyos na huhusgahan niya ang lahat ng uri ng kasalanan, at ang kaalamang iyan ay naging dalahin na may takot kayo, pagkat alam ninyo na ang Panginoon ay tapat sa kanyang Salita.
NGUNIT ANG DIYOS AY TAPAT DIN SA KANYANG KAHABAGAN. Sa Awit 89 natagpuan natin ang isa sa pinaka-nakagagaling, nakapagpapalakas-loob na mga salita sa kabuuan ng Kasulatan. Sinabi ng Diyos:
“Ang piniling lingkod na ito’y si David, aking pinahiran ng banal na langis… kaya’t palagi ko siyang aakbayan… di s’ya malulupig ng kanyang kaaway… aking dudurugin sa kanyang harapan. Ang pagtatapat ko’t pag-ibig na wagas, ay iuukol ko’t aking igagawad…gagawin ko siyang anak na panganay, mataas na hari nitong daigdigan!” (89:20-27).
Ang Awit na ito ay tumutukoy kay Cristo. At dito itinatag ng Ama ang isang pakikipagkasundo sa kanyang Anak:
“Ang aking pangako sa kanya’y iiral at mananatili sa kanya ang tipan” (89:28).
Mga Minamahal, ang katulad na pakikipagkasundo na ginawa niya kay Cristo ay ginawa rin niya sa lahat ng kanyang mga anak.
“Laging maghahari ang isa n’yang angkan, sintatag ng langit yaong kaharian… kung ang anak niya ay susuway, at ang aking utos ay di igagalang, kung ang aral ay di pakikinggan…kung gayon, daranas sila ng ng parusa sa ginawa nilang kasamaan, sila’y hahampasin sa ginawang sala…ngunit ang tipan ko’t pag-ibig kay David ay di magbabago’t hindi mapapatid. Ang tipan ko sa kanya’y di ko sisirain, ni isang pangako’y di ko babawiin” (89:29-34).
Isipin ito: nakipagkasundo ang Diyos na hindi niya kailanman babawiin ang kanyang mapagmahal na kabutihan mula doon sa mga na kay Cristo. Kakastiguhin niya tayo sa pamalo ng pagtatama, ngunit gagawin niya ito ng may kahabagan, pag-ibig at pagmamahal – sapagkat iniibig ng Panginoon ang kanyang kinakastigo. Magiging tapat siya sa iyo sa inyong pagdurusa, pananatilihin kayo na may kapangyarihan ng Espiritu. Hindi kayo pababayan ni Cristo; nagbigay siya maluwalhating pangako para ingatan kayo: “lahi’t trono niya’y di magwawakas, hanggang mayro’ng araw tayong sumisikat” (89:36).
Magpasalamat sa Panginoon para sa kanyang mapagmahal na kabutihan sa umaga. Pagkatapos ay pasalamatan siya sa kanyang katapatan tuwing gabi (tingnan Awit 92:1-2). Sa pamamagitan ng pananampalataya, tanggapin ang kanyang mapagpagaling na salita.