“Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kahilingan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat” (Filipos 4:6).
Naniniwala ako na ang panalanging may kasamang pananampalataya ay ang kasagutan sa lahat ng bagay. Sinabi ni Pablo dito “sa lahat” – nangangahulugang, “Ipanalangin ang tungkol sa lahat. At ipagpasalamat na ang inyong kahilingan ay maririnig at sasagutin.” Sinabihan tayo na manalangin bilang ating unang pagpipilian, hindi bilang nasubukan na nating lahat ang ibang pamamaraan ng walang magandang kinalabasan. “Ngunit pagsumikapan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos…”(Mateo 6:33, aking italika).
Maraming Kristiyano sa panahong ito ay pinagdarambungan ni Satanas. Ang kanilang mga tahanan ay nasa magulong kalalagayan, sila ay sinalot ng takot, humaharap sila sa mga kaguluhan sa lahat ng kanilang mga paligid. Ang mga suliranin na nababasa ng ating ministeryo mula sa mga liham ng mga Kristiyano ay lubhang kalunus-lunos.
Ngunit sa tunay lamang, lubhang ang ilang mga mananampalataya na humaharap sa mga kapighatian ay lumalapit sa Panginoon sa pamamagitan ng puspusang pananalangin. Kaunti lamang sa mga panahon ngayon ay may patuloy, na araw-araw, na gumagamit ng sariling mahalagang panahon kasama ang Diyos sa pananalangin. Madalas, ang kawalan ng pag-asa ang nangunguna pagkat hindi sila nagpupunta sa lihim na silid, para maibsan ang kanilang espiritu at itangis ang kanilang mga pagdadalamhati sa Panginoon. Sa halip, ibinabahagi nila ang lahat ng kanilang mga suliranin sa mga kaibigan, sa mga pastor, at mga tagapayo – at binabalewala nila ang Panginoon, na naghihintay sa kanila na mag-isa silang lalapit. Nananalangin tayo bilang panghuling magagawa.
Ang Diyos ba’y nalulungkot sa salinlahi ngayon katulad ng nangyari sa kanya sa Israel? Sinabi niya tungkol sa kanila, “Subali’t ako’y nalimutan ng sarili kong bayan nang napakahabang panahon” (Jeremias 2:32).
Nalulugod ang Diyos kapag tayo’y sa kanya una lumalapit, kapag tayo ay gumugugol ng mahalagang sandali kasama siya, ibinubuhos ang kaibuturan ng ating damdamin at inihahain ang ating mga kahilingan sa harap niya. Wala tayong karapatang sabihin na iniibig natin ang Panginoon kung hindi tayo gumugugol ng panahon na madalas kasama siya. Pakikinggan niya ang inyong mga panalangin at sasagutin ito. Ngunit kailangan niya kayong mag-isa para mangusap siya sa inyo sa tahimik na sandali.
Habang ako ay nagtutungo sa kanyang banal na presensiya bawat-araw, ang aking patuloy na hinihiling ay ang buksan ng Espiritu Santo sa akin ang Salita ng Diyos para ako ay maging tunay na tagapangaral para sa kanya. Nagtitiwala ako sa kanya na ang aking mga mensahe sa katawan ni Cristo ay maituturo, maitalaga at mahamon ang mga mananampalataya sa katuwiran.
Nawa’y makapagbigay kayo ng mahalagang sandali kasama siya, at magtiwala sa kanya sa inyong mga kahilingan.