Sinabi ni Jesus ang parabulang ito, ginamit ito bilang paraan ng pagtuturo patungo sa dakilang katotohanan. Sa parabulang iyon, maliwanag na nakita natin ang kabutihan nito sa tao --- at gayon din nakita natin ang kabutihan nito sa Diyos. Naalala mo, ang parabula ng alibughang anak ay hindi lamang tungkol sa pagpapatawad ng nawawalang tao. Higit pa dito, ito ay tungkol sa kagalakan ng ama ng makita niyang patakbong palapit sa kanya ang anak.
Alam mo ang kuwento. Isang anak na nakababata ay kinuha ang bahagi ng kanyang mamanahin sa kanyang ama at nilustay ito sa isang walang katuturang pamamaraan. Nauwi siyang nawala ang lahat, nagkasakit sa kalusugan at sa espiritu, at sa pinakamababang katayuan niya nagpasiya siyang bumalik sa kanyang ama. Sinabi ng Kasulatan sa atin, “Sa pagtayo niya, pumunta siya sa kaniyang ama, ngunit malayo pa siya ay nakita na siya ng kaniyang ama at ito ay nahabag sa kaniya. Ang ama ay tumakbo at niyakap at hinagkan siya” (Lucas 15:20).
Itala na walang anumang naging hadlang sa kapatawaran ng ama para sa kanyang anak. Walang anumang ginawa ang anak na ito --- hindi man lamang niya naikumpisal ang kaniyang mga kasalanan --- sapagkat ang ama ay nakapaghanda para sa kanilang pagkakasundo. Ang katotohanan, ang lahat ng iyon ay nangyari sa pangunguna ng ama: tumakbo siya at niyakap ang anak paglapit sa kaniya. Ang katotohanan ay, ang pagpapatawad ay hindi nagiging suliranin sa kaninumang ama. Kahalintulad, hindi ito naging suliranin ng ating Amang nasa langit kapag nakita niya ang anak na nagsisisi.
Kaya ang pagpapatawad ay hindi naging usapin sa parabulang ito. Sa katunayan, niliwanag ni Jesus na hindi sapat para sa alibughang ito ang basta patawarin lamang. Hindi niyakap ng ama ang anak para patawarin lamang siya at hayaang lumayo. Hindi, ang ama ay naghangad hindi lamang sa pagpapanunumbalik ng anak. Hinangad niya ang pagsasama nilang mag-ama, ang kaniyang presensiya, at pakikipag-isa.
Kahit na ang alibughang anak ay napatawad na at muling kinaaliwan, hindi pa rin niya ramdam na naninirahan siyang muli sa tahanan ng ama. Noon lamang masisiyahan ang ama, mapunuan ang kagalakan niya kapag ang anak niya ay muling naibalik sa kanya. Iyan ang usapin sa parabulang ito.
Sa mata ng ama, ang dating anak ay namatay na. Ang anak na yaon ay nabura nang ganap sa kanyang isipan. Ngayon, sa mga mata ng ama, ang anak na ito na muling bumalik sa tahanan ay isa nang bagong tao. At ang kaniyang nakalipas ay hindi na muling uungkatin pa. Sinasabi ng ama , na may kakaniyahan: “Kung ako ang tatanungin, ang dating ikaw ay patay na. Ngayon, lumakad kang kasama ko bilang bagong tao. Iyan ang pagtingin ko sa iyo. Hindi mo na kailangang mamuhay sa ilalim ng pagsisisi sa kasalanan. Huwag mo nang babanggitin ang tungkol sa mga kasalanan mo, tungkol sa iyong walang karapatan. Ang suliranin sa kasalanan ay nalutas na. Ngayon, malaya kang lumapit sa aking presensiya at makihati sa aking kahabagan at grasya. Nalulugod ako sa iyo!”