Habang ako ay nananalangin para sa mensaheng ito, ibinulong ng Espiritu Santo sa akin: “ANG NAGBABASA NITO AY NANGANGAILANGAN NG PAGPAPALAKAS-LOOB. MAYROONG NANGANGAILANGAN NG PAGPAPALAKAS AT KALIGTASAN MULA SA KAISIPAN AT PISIKAL NA KIROT AT KALITUHAN. MAYROONG NANGANGAILANGAN NG NATATANGING SALITA NG PAG-ASA MAGING HABANG BINABASA ITO.
Ang tao bang iyon ay ikaw? Iniisip ko ay isang tao na humaharap sa kaguluhan sa lahat ng kapaligiran niya. Isa na halos gapi na ng takot sa kalooban niya at hindi makalaban. Malamang ang taong ito ay wala nang makausap na makakaunawa, walang mapagtiwalaan sa sandaling ito ng pagsubok.
Alam ko sa aking espiritu na ginagamit ng Diyos ang aking panulat sa mga sandaling ito para makapagpadala ng pag-asa at pagpapanariwa para doon sa mga nasa dulo na ng kanilang pasensiya at katatagan. Makinig sa salita ng Panginoon habang isinusulat ko ito para sa inyo sa ilalim ng basbas ng Espiritu Santo. Narinig ng Diyos ang inyong pagtangis, at ang mga sumusunod na salita ay para sa inyo na nanggagaling sa kanyang mapagmahal na puso.
Si Satanas ay sinusubukan na magtanim ng kasinungalingan sa inyong isipan sa sandali ng inyong kahinaan at kaguluhan. Susubukan niya na kumbinsihin kayo na ang Diyos ay hindi ninyo kasama. Kapag pinaniwalaan ninyo ang kasinungalingang iyan, hindi ninyo matatakasan ang bitag ni Satanas.
Kapag dumulog kayo ng tahimik sa harapan ng Panginoon, at tumawag sa kanya sa lihim na pananalangin, maliwanag na sasabihin sa inyo ng Espiritu Santo na: ang Diyos ay kasama ninyo. Hindi niya kayo pinabayaan. Nakikita niya kayo at alam niya ang pinagdudusahan ninyo. Sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo; ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan” (Mateo 28:20).
Ikaw ay iniibig – at ikaw ay kailangan. Si Satanas ay isang sinungaling,umaasa na kayo ay babagsak sa kawalan ng pag-asa sa paniniwala na kayo ay nag-iisa sa inyong pagdurusa. Hindi, hindi kayo nag-iisa – hindi kailanman. Ang Diyos ay mayroong nananalangin para sa inyo sa sandali ng inyong pangangailangan.
Kayo ay makaaahon sa inyong pagsubok na isang tagumpay. Ngunit kailangang manalig kayo na narinig ng Diyos ang inyong pagtangis. Sumandal sa Panginoon. Kung maipakikita lamang niya ang lahat ng mabuti para sa inyo bago pa ito mangyari, tiyak na magbubunyi kayo sa kagalakan.
Sa huli, makinig sa puso ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang dalisay na Salita:
“Ako lamang ang nakaaalam ng mga panukalang inihahanda ko para sa ikabubuti ninyo, at para dulutan kayo ng pag-asa sa hinaharap. Kung maganap na ito, kayo’y tatawag, lalapit, at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo. Ako’y hahanapin ninyo’t masusumpungan kong buong puso ninyo akong hahanapin” (Jeremias 29:11-13).