Lunes, Oktubre 31, 2011

PAGPAPAGALING SA DILA

Ang propetang si Isaias ay nagkaloob sa atin ng halimbawa kung paano natin mapapagaling ang ating dila.

1. Si Isaias ay lumapit sa Panginoon at nanalangin para sa isang pangitain ng kabanalan ng Diyos. “Nakita ko si Yahweh na nakaupo sa isang napakataas na trono. Ang laylayan ng kanyang kasuotan ay nakalatag sa buong templo” (Isaias 6:1).

Ang sinuman nais na mamuhay na may kaluguran para sa Panginoon ay kailangang patuloy na pumunta sa presensiya Niya hanggang makamit niya ang isang pangitain ng kabanalan ng Diyos. Ang lahat ng pagpapagaling, ang lahat ng tunay na pagpapala, lahat ng tagumpay ay nagmula sa kanyang trono. Doon natin makikita ang Diyos sa Kanyang kabanalan!

2. Sa banal na presensiya ng Diyos si Isaias ay ganap na nahikayat sa pagkakaroon ng maduming bibig. “Sinabi ko, ‘Kawawa ako sapagkat ako ay isang makasalanan at mula sa isang lahing makasalanan. Mapapahamak ako sapagkat nakita ko ang Hari, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat” (6:5).

Bakit dumaing si Isaias, “Ako ay isang tao na may maduming labi?” Ito ay sapagkat nakita niya ang Hari ng Kaluwalhatian! Ang ating mga kasalanan ay naging malalim na pagkakasala kapag tayo ay nasa presensiya ng Diyos. Ang liwanag ng Kanyang banal na pagkalinga ay nagpapahayag ng lahat na hindi katulad Niya!

3. Hinayaan ni Isaias ang Panginoon na hipuin siya at linisin siya sa pamamagitan ng Kanyang banal na baga. “Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga mula sa altar, at lumipad patungo sa akin. Idinampi niya ang baga sa aking mga labi, at sinabi: ‘Ngayong naidampi ko na at nilinis na ang iyong mga kasalanan” (6:6-7).

Ang Salita ng Diyos ay isang buhay na baga at ang Espiritu Santo ang apoy nito! Sa mga sandaling ito ikaw ay hinipo ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng mensaheng ito at nais ng Diyos na ilagay ang kanyang baga sa iyong labi at santipikahin ito. Magagawa niya ito para sa iyo kung hahayaan mong ang Salita Niya ay mahikayat ka! Siya lamang ang makagagawa nito. Ang bahagi mo ay kailangan mo lamang magkumpisal, katulad ng ginawa ni Isaias, “ako ay isang makasalan!”

Hayaan mong ang mga salitang ito ay pumasok ng tuwid sa iyong puso at linisin ka ng baga nito. Magkumpisal, “Oo, ito ako Panginoon! Hindi ko hahayaan ang salitang ito na lumampas sa akin! Purgahin mo ang aking mga labi at ang aking dila. Linisin mo ang aking mga labi at ang aking puso!”

Biyernes, Oktubre 28, 2011

WALANG INGAT NA MGA SALITA

“Tandaan ninyo, sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya. Pawawalang-sala ka, o parurusahan, batay sa iyong mga salita” (Mateo 12:36-37).

Mukhang iniisip natin na ang ating mga salita ay bumabagsak lamang sa mga lupa at kusang naglalaho, o hinihipan na lamang ng hangin at mawawala na lamang. Hindi ganon! Ang ating mga salita ay patuloy na buhay—hindi ito namamatay!

Maaring sabihin mo, “Ngunit sa isang kaibigan ko lamang nasabi ang tsismis na ito at ipinangako niya na hindi niya uulitin ito. Sa kanya na magtatapos ito.” Hindi ganoon ang mangyayari! Ang bawat salita na binanggit natin ay nakatala, nakasulat sa walang hanggan, at maririnig nating muli ang mga ito sa Araw ng Paghuhukom.

Naalala ko na galing ako sa isang malalim na pagkakahikayat pagkatapos na maibahagi ang isang maliit na bisyosong tsismis sa isang kaibigan. Ang aking nasabi ay may katotohanan. Ito ay tungkol sa isang usaping moral na kailangan kong harapin tungkol sa isang ministro. Ang kanyang pangalan ay nabanggit sa isang usapan at nasabi ko, “Huwag kang magtiwala sa kanya. Mayroon akong nalalaman tungkol sa kanya!”

Kahit na pinigilan ko ang bibig ko, nadama ko na ako ay nakondena. Ibinulong ng Espiritu Santo sa akin, “Tigilan mo na ngayon din! Walang sinuman ang dapat makaalam niyan. Huwag mo nang dagdagan ang sasabihin mo pa, sapagkat walang layunin ang mga ito. Kahit na totoo ito, huwag mo nang ulitin pa!”

Anuman ang nasabi ko na ay sapat nang sabihin na ito ay masama. Ngunit nabigla ako na idinetalye ko pa ang mga bagay tungkol doon! Alam ko na dapat na nanahimik na lamang ako at tunay nga, ako ay malalim na pinaramdaman ng Espiritu Santo. Kayat pagkatapos ay tinawagan ko ang aking kaibigan at sinabing, “Humihingi ako ng paumanhin, tsismis ang bagay na iyon. Wala ako sa tama. Huwag mo na sanang ulitin sa iba ito. Kahit na sa isipan ay huwag mo na sanang isipin ito.”

Ang kasalanan ko ba ay tinakpan ng dugo ni Jesus? Oo, sapagkat ganap kong tinanggap na ako ay nagkasala at hinayaan ko ang Espiritu Santo ba ipakita sa akin ang ilan sa aking mga pagmamatwid na pagmamataas na natitira sa akin. Hinayaan ko Siya na maipagpakumbaba ako at pagalingin ako! Ngayon, kapag ako ay may sasabihin laban kaninuman, sumusunod ako sa Espiritu Santo habang naririnig ko siyang sinasabi nang malakas at maliwanag, “Tumigil ka na!”

Huwebes, Oktubre 27, 2011

MULA SA KASAGANAAN NG PUSO

Kapag ako may sinabing masama noong bata pa ako, hinuhugasan ng aking ina ang aking labi ng may sabon. Ngunit hindi ang labi ko ang nangangailangan ng paglilinis, ito ay ang puso ko! Nakita mo, ang dila mo ay nagsasabi lamang kung ano ang laman ng puso mo. Iyon ay ang mismong mga salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sinasabi niya na ang maluwag, walang ingat, masamang pananalita ay nanggagaling lamang mula sa maruming puso.

Bilang mga mananampalataya, hindi natin pinahahalagahan kung ano ang sinasabi ng ating Panginoon tungkol sa pagpapaamo ng ating mga dila. Ibinatay niya mga bagay na ito na may kinalaman sa ating mga puso! Hindi lamang binawasan ng aking walang ingat na mga dila ang lahat ng aking pagiging espirituwal, ginawa rin nito na harapin ko ang katotohanan na ang puso ko ay madumi.

Kapag nakipagtsismisan ako, nagbiro ng malalaswa, sinagasaan ang ibang tao, nagtaas ng boses at sinigawan ang aking pamilya, kailangan tanungin ko ang sarili ko: “Ano ang maruruming mga bagay na nananatili sa akin na nakapagsasalta pa rin ako ng ganoon?”

Kailangang suriin o ang sarili ko at tanungin, “Saan nanggaling ito? Maaring mayroon pang mga bagay na hindi ko pa hinaharap o kung hindi ay hindi ko masasabi ang mga salitang iyon. Bakit patuloy akong nakikipagtsismisan? Bakit nakababanggit pa ako ng masama, walang ingat na mga salita? Anong hindi pa nasasantipikahan na bantayog ang patuloy na humahawak sa puso ko?”

Malubhang binigyan ni Jesus ng mabigat na diin ang mga bagay na ito: “Lahi ng mga ulupong! Paano kayong makapagsasabi ng mabubuting bagay gayong kayo’y masasama? Kung ano ang nag uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig. Mabuti ang sinasabi ng mabuting tao, sapagkat puno ng kabutihan ang kanyang puso. Masama ang sinasabi ng masamang tao, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso” (Mateo 12:34-35). Sinasabi ni Jesus, “Kung ikaw ay walang ingat sa iyong mga dila—nakikipag-away, nagrereklamo, bulong ng bulong, satsat ng satsat—ay mayroon kang malubhang suliranin sa iyong puso! Ang puso mo ay hindi tama sa Diyos, at ito ay lubha nang malalim. Mayroong nakabaong kasamaan sa iyo, na katulad ng ahas na may lalagyan ng lason sa likod ng kanyang panga. Kapag may nakamamatay na lason ang lumalabas galing sa iyo, ito ay sapagkat ang lalagyan ay hindi pa nasisimot!”

Kapag may pagkakataon na hinahayaan ko na may maduming salita ang lumabas sa bibig ko, kailangan huminto ako at sabihin sa Panginoon, “Panginoon, maaring mayroon pang ugat ng panibugho, inggit o mahalay na pita sa aking puso. Hukayin mo ng malalim ang aking puso at bunutin mo ang mga ugat ng kapaitan, pagmamataas o kung anuman ito!” Nais ng Diyos na maalis ang kasamaan sa inyong puso, ang lalagyan ng lason na nakatago sa loob mo! Nais niyang bunutin ito at pagalingin ka ng ganap.

Miyerkules, Oktubre 26, 2011

PAAMUIN MO ANG IYONG DILA

Sa talatang ito mula sa kanyang liham, nangusap si Santiago tungkol sa dila ng mga mananampalataya. Nagpalabas siya ng pagtawag sa iglesya para mapigilan ang kanilang mga dila—bago sila puksain ng mga ito! Maari momg tanungin: Gaano kahalaga na ang bagay na pagpapaamo sa dila? Ang isa bang “di mapigilang dila” ay tunay na nagkakasala?

Ang maluwag na dila ay pinawawalang halaga ang ating relihiyon! Maari nitong gawin na ang lahat ng gawain mong espirituwal ay ganap na walang kabuluhan sa mga mata ng Diyos: “Kung inaakala ninuman na siya’y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso” (Santiago 1:26).

Ang tinutukoy dito ni Santiago doon sa “mga kasama ninyo” ay iyong mga tao sa iglesya. Hindi mga lulong sa droga o taong kalye kundi yaong mga kasapi ng katawan ni Cristo na nagpapakitang madasalin, espirituwal. Sila ay mga aktibo sa mga gawain sa Panginoon, ngunit ang kanilang mga dila ay walang pigil, at hindi na makontrol! Tinutukoy ni Santiago yaong mga akala natin ay banal, mabait, mahabagin at mapagmahal, gayunman ay patuloy na kumikilos sa iglesya o sa kanilang trabaho o sa kanilang pamilya na may mala asidong dila, patuloy na nagpaparating ng mga tsisimis o may taingang handang makinig sa mga ito. Bulong sila ng bulong at patuloy na nagrereklamo at sinabi ng Diyos na ang kanilang relihiyon—ang lahat ng kanilang pagpapakita na pagiging espirituwal—ay walang kabuluhan!

Mga minamahal, ayaw ko na humarap sa trono ng paghuhukom ni Cristo at matuklasan na ang lahat ng aking gawain para sa Panginoon—ang lahat ng aking espirituwal na pagsusumikap—ay wala palang kabuluhan! Hindi ko nais na marinig Siya na sinasabing, “David, marami kang ginawang malalaking gawain para sa Aking pangalan. Pinakain mo ang mga nagugutom, binihisan ang mga hubad, nagpalayas ng demonyo, at nagtatag ng mga rehabilitasyon para sa mga lulong sa droga at tahanan para sa mga lasenggo. Oo, nangaral ka sa mga hindi mabilang na libu-libo at napagwagian ang maraming kaharian. Ngunit ang lahat ng mga ito ay para sa wala! Maraming nakapagpapalakas na mga salita ang nanggaling sa iyong labi ngunit mayroon ding pait, hindi mabuti, may poot, mapanaghiling mga salita! Tinanggap mo ang Aking babala sa mga bagay na may kinalaman sa dila na magaan lamang!”

Maari mong isipin, “Tunay na ang Diyos ay hindi ganap na mapagmahal na babawasin niya ang aking pagiging espirituwal sapagkat may sinabi akong bagay na walang pagmamahal!” nangungusap ako dito ng mga tungkol sa mga Kristiyano na ang mga dila ay hindi kailanman napaamo, na nagsasalita laban sa mga tao ng Diyos na walang kakurap-kurap man lang! Narito ang sinasabi ng salita ng Diyos: “Makapagsalita man sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na kumakalampag. Kung ako man ay kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung mayroon man ako ng lahat ng kaalaman at ng malaking pananampalataya na anupa’t nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit kung wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at iaalay ang aking katawan upang sunugin, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala” (1 Corinto 13:1-3).

Martes, Oktubre 25, 2011

SI HEZEKIAS – ANG LALAKING DUMAIG SA BITAG NG KAMATAYAN!

Nang panahong iyon, nagkasakit ng malubha si Hezekias at nasa bingit na ng kamatayan, kaya siya ay dinalaw ni Isaias na anak ni Amoz. Sinabi niya sa hari ang utos na ito ni Yahweh, ‘Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling; mamamatay ka na.’ Pagkarinig nito, humarap siya sa dingding at nanalangin” (Isaias 38:1-2).

Siya ay isang hari na nakasakay sa palong ng tagumpay,
Himalang iniligtas ng Diyos
Mula sa hukbo ng Haring Senacerib
Siya ay mayaman at kinikilala
Nang dumapo ang karamdaman
Na dinala siya sa bingit ng kamatayan
Nagbabala ang propeta
“Humanda ka na sa kamatayan
Tapos na ang lahat para sa iyo.”
Ngunit iniibig ng hari ang buhay,
At humarap siya sa dingding
Tumangis, at nanalangin sa Panginoon
Para pahabain pa ang buhay.
Narinig ng Diyos at binigyan pa siya ng 15 taon
Ngunit paano mabubuhay ang tao
Sino ang nagtagumpay laban sa kamatayan?
Katulad ng marami na nakaligtas
Ang nalagay sa bingit ng kamatayan.
Hindi ba dapat na nabubuhay siya araw araw na may pasasalamat?
Ngunit ang pamamaraan ng laman ay naiiba.
Ang hari ay nagsimulang magluwalhati sa kanyang kahalagahan--
Nalulong siya sa putik ng pagkamateryalismo
Ipinarada ang kanyang kayamanan sa mga dayuhan.
Ang pangalawang mensahe ng propeta sa ipinaalam
Sa paghuhukom sa kanyang parating na salinlahi
Para sa kanyang pagmamataas at kawalan ng pasasalamat
At ilan sa ngayon ang binigyan
Ng panibagong buhay,
Na ginugol lamang ang kanilang hiram na mga taon
Na may pag-iimbot na paghabol sa mga bagay
Na mga walang kabuluhan?
Ipahahayag ng walang-hanggan
Na mas mabuti pa sanang
Para sa ilan ang namatay
Kaysa madaig ang bitag ng kamatayan.

Lunes, Oktubre 24, 2011

SAAN TAYO PUPUNTA UPANG KUMAIN?

Ang ikapitong kabanata ng Mikas ay nagtataglay ng isa sa pinakamakapangyarihang mensahe tungkol sa bagong tipan na ipinangaral. Sa di-kapani-paniwalang pangangaral na ito, si Mikas ay nagsasalita sa likas na Israel—gayunman siya rin ay nagsasalita sa iglesya ni Jesu-Cristo sa mga huling araw na ito. Sinimulan niya ang kanyang pangangaral sa pamamagitan ng tangis na masakit sa puso—isa na patuloy pa ring nadidinig mula sa mga gutom sa espirituwal na mga mananampalataya sa buong sanlibutan ngayon: “Ang katulad ko’y isang taong gutom…naghahanap ng bungangkahoy ngunit walang makita isa man” (Mikas 7:1).

Isinasalarawan ni Mikas ang naging bunga ng taggutom sa Israel—isang taggutom sa pagkain at sa Salita ng Diyos. Umaalingawngaw ang salita ng naunang hula ni Amos na kung saan ay sinabi ng Panginoon: “Darating din ang araw na paiiralin ko sa lupain ang taggutom. Maguguton sila ngunit hindi sa pagkain; mauuhaw sila ngunit hindi sa tubig, kundi sa pakikinig ng aking mga salita. Mula sa hilaga papuntang timog, mula sa silangan hanggang sa kanluran, hahanapin nila ang salita ni Yahweh, subalit iyon ay hindi nila matatagpuan” (Amos 8:11-12).

Iyon ay panahon ng tag-ani sa Israel at ang mga ubasan ay dapat na hitik sa nagdadamihang mga prutas, ngunit walang kumpol na nakabitin mula sa mga ubasan. Namasdan ni Mikas ang mga tao habang papunta sa mga ubasan naghahanap ng bunga ngunit wala silag nakita. Sa kanyang mga matang manghuhula, nakita ni Mikas ang napakarami sa mga huling araw ang nagtatakbuhan kung saan saan, naghahanap na makarinig sa tunay na salita mula sa Diyos. Nakita niya sa kanyang pangitain ang mga mananampalataya na nag-uunahan bawat iglesya, mula sa panunumbalik patungo sa panunumbalik, mula sa mga bansa patungo sa ibang bansa—ang lahat ay naghahanap na maitawid ang gutom at pagkauhaw para sa bagay na makapagpapabusog sa kanilang mga kaluluwa. Ang kanilang mga daing ay naririnig pa rin, “Ang katulad ko’y isang taong gutom…naghahanap ng bungangkahoy ngunit walang makita isa man!”

Mayroong napakalaking taggutom sa kalupaan. Gayunman, kahit na libu-libo ang naghahanap para sa espirituwal na pagkain, yaong mga tunay naghahangad sa Salita ng Diyos ay binubuo lamang ng mga natira (tingnan ang Mikas 7:14, 18). Ito ay tiyak na ganito rin sa panahong ito katulad noong lumang panahon ng Israel. Kaunti lamang na mga Kristiyano sa ngayon ang tunay na gutom na makarinig ng dalisay na Salita ng Panginoon. Sa halip, ang nakararami ay nagpataba sa kanilang mga sarili sa mga mansanas ng Sodom, kumakain ng mga dayami ng pinasamang mabuting balita.

Biyernes, Oktubre 21, 2011

ANG TUMATAGOS NA TUDLA NG PANA NG ESPIRITU SANTO

Naniniwala ako na kailangang munang magampanan ng Diyos ang pagkilos Niya sa atin bago natin maangkin ang pangako ng tipan. Ano ang naumpisahang gawain na kung saan ang lahat ay magbabase? Sinabi ni Jeremias sa atin: “tuturuan ko silang sumunod sa akin nang buong puso upang hindi na sila tumalikod pa sa akin” (Jeremias 32:40). Ang inumpisahang gawain ng tipan ay ilagay ang Kanyang takot sa ating mga puso sa pamamagitan ng gawain ng Espiritu Santo.

Nagpapahayag dito si Jeremias ng laan ng Diyos sa bagong tipan, hindi ng luma. At maliwanag na sinabi sa atin ng Diyos kung paanong ang unang gawain ng tipan na ito ay gagampanan: “Ilalagay ko ang takot sa kanilang mga puso.” Ipinaaalam Niya sa atin na hindi natin magagawa ang banal na takot sa pamamagitan ng paghawak ng kamay o ng pagsisikap ng laman. Hindi—ang tanging paraan kung paanong ang banal na gawaing ito ay magagampanan sa atin ay kung ito ay gagawin ng Espiritu ng Diyos sa atin.

Ipinapahayag sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng talatang ito. “Gagawa Ako ng mga kamangha-manghang bagay sa inyo. Ipadadala ko ang aking sailing Espiritu na manahan sa inyo at bigyan kayo ng bagong puso. Bibigyan Niya kayo ng kapangyarihan para ipagdalamhati ang mga gawain ng laman at gagabayan Niya kayo sa ganap na kalayaan mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Sa huli, gagawin Niya kayong sadyain at gawin ang Aking mabuting kaaliwan.

“Ngunit mayroon pang isang gawain ang Espiritu na gagampanan bago pa sa lahat ng ito. Ilalagay Niya kayo sa tunay na takot sa Diyos tungkol sa kasalanan. Itatanim Niya sa inyo ang isang malalim na takot ng Aking kabanalan, nang sa gayon ay hindi kayo tumalikod sa Aking mg utos. Kung hindi, ang inyong kasalanan ay laging maglalayo sa inyo.”

Napakasimple lamang, binabago ng Espiritu Santo ang ating pananaw sa ating kasalanan. Alam Niya na habang patuloy natin tinitingnan ng mababaw ang ating pita ng laman, ay hindi tayo kailanman makakalaya. Paano gagawin ng Espiritu Santo ito? Sa pamamagitan ng paggamit ng tumutusok na Salita ng Diyos—ang tumutusok na tudla ng pana ng banal na katotohanan.

Huwebes, Oktubre 20, 2011

ANG TUYONG KALANSAY AY MAARING MABUHAY!

Ang Ezekiel 37 ay tungkol sa kagustuhan ng Diyos para sa atin na panghawakan ang kanyang bagong tipan—pinag-aaralan kung paano tunay na mamuhay sa pamamagitan ng pagpasok sa pagpapala ng tipan.

Narinig nating lahat ang istorya ng “tuyong kalansay” na tinutukoy ni Ezekiel. Ito’y mahalagang pansinin na ang mga sisidlang ito na nakalatag na walang buhay sa lupa ay nasa ilalim ng tipan. Nakita ninyo na sinabi ng Panginoonsa kanila, “Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang salita ni Yahweh” (Ezekiel 37:4). Narinig nila ang pangakong tipan ng Diyos: “Ibibigay ko ang Aking Espiritu sa inyo at kayo ay mabubuhay.”

Gayunman, kahit na ang mga patay na kalansay na ito ay may pangako ng bagong tipan na ipinangaral sa kanila, hindi pa sila nakakapasok sa kagalakan ng mga pagpapala nito. Maraming mga mananampalataya ngayon ay alam ang bagong tipan ng Diyos—gayunman hindi nila ganap na mapaniwalaan ito, sapagkat lubhang hindi kapani-paniwala. Sinabi nila, “Alam ko na ibinigay sa atin ng Diyos ang Espiritu Santo na manahan sa atin. At alam ko rin na inako ng Espiritu na gawin tayong sumunod kay Cristo. O, sadyang sabik ako sa pagpapalang ito, ngunit paano ko ito makakamit sa aking buhay?”

Mayroon tayong dapat na gawin. Isinulat ni Ezekiel na sinabi sa kanya ng Diyos na manghula. “Sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Ezekiel, anak ng tao, tawagan mo ang hangin sa lahat ng dako….hangin, hingahan mo ang mga patay na ito upang sila’y mabuhay” (Ezekiel 37:9). At sinabi ni Ezekiel na siya ay nanghula na katulad ng utos ng Diyos, “…at ang hangin ay pumasok sa kanila. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila’y ubod ng dami, parang isang malaking hukbo” (37:10).

At bigla na lang ay nandoon nakatayo sa harapan ni Ezekiel ang isang malaking hukbo, buhay at humihinga! Hiningahan ng Espiritu Santo ang lahat ng mga patay at sila’y nabuhay—at ngayon sila’y nakahanda nang makipaglaban. Sa isang iglap nakapasok sila sa buong kagalakan at pagpapala ng bagong tipan. Ang Espiritu ng Diyos ay lumagay sa nararapat niyang kalagyan kasama sila—at dala Niya ang lahat ng tungkol sa mga ipinangakong pagbabago.

Miyerkules, Oktubre 19, 2011

HUMANDANG MAMATAY

Sa pagbuo ng bagong kasunduan, inobliga ng Diyos ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng isang sumpa na sangkapan ang lahat ng makakayang kapangyarihan at lakas upang matupad ang lahat ng kabagayan at hinihingi ng kasunduan. Kaya, nang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng pagsumpa, “Gagawin ko ito,” ang pananampalataya natin ay tumugon ng, “Hayaan nawang mangyari ito.”

Hayaan ninyong ipakita ko sa inyo ang kahanga-hangang katotohanan mula sa bagong kasunduan. Nagmumungkahi ito na ang Panginoon ay hindi maaring makalapit ng husto sa kanyang mga tao, hindi Siya maaring lumapit sa Kanya kahit na naiisin Niya ito. Kaya, pinag-isa at itinali Niya at pinag-anyo niya tayo ng pinakamalapit sa kanya at Siya sa atin, sa pamamagitan ng kasunduang ito. Ang bagong kasunduan ay tungkol sa ating ipinangako ng ating Panginoon na maingatan ang Kanyang mga anak sa pagbagsak at upang aliwin, pasayahin at tiyakin sa atin na ang kapangyarihan at paghawak ng kasalanan ay kaya at babaliin ng Espiritu Santo na nananahan sa atin.

Ang katotohanang ito ay siyang tanging pag-asa ng mga mananampalataya na nawalan na ng pag-asa sa kanilang pakikipaglaban sa nananatiling kasalanan. Sa pamamagitan lamang ng bagong kasunduan na inilatag sa atin ay matututunan natin ang lihim ng pagkakaroon ng ganap na tagumpay laban sa kasalanan.

Kamatayan lamang ang natatanging paraan upang makalabas sa lumang kasunduan patungo sa bago. Ang pananampalatayang laman ay kailangang mamatay—hindi na kailangang paghirapan pang maniwala. Kung magkakaroon ako ng pananampalataya—tunay na pananampalataya, ang pananampalataya ni Cristo—kailangang ibigay Niya ito sa akin. Binigyan niya tayo ng sinukat na pananampalataya, gayunman kung tunay na wala akong magagawa ayon sa aking kakayanan, kung ganoon ay kasama nito ang magkaroon ng Kanyang pananampalataya. Iyan ang dahilan bakit tinawag ito ng kasulatan na, “ang pananampalataya ni Cristo.”

Ikaw ba’y sakit sa kasalanan? Tunay bang hinahangad mong mamuhay na banal, malaya mula sa pauli-ulit na pita ng laman? Kung ganoon ay humandang mamatay. Humandang yakapin ang krus. Ang lumang kasunduan ay dadalhin ka sa dulo ng iyong pag-iisip—sa kawalan. Kapag isinuko mo na ang lahat ng pag-asa na manaig sa kasalanan sa pamamagitan ng sarili mong makataong kapangyarihan at kagustuhan, kung ganoon ay handa ka nang pumasok sa maluwalhating kaharian ng kalayaan sa pamamagitan ng bagong kasunduan.

Martes, Oktubre 18, 2011

NATANGGAP NATIN ANG LAHAT NG KAPAKINABANGAN

Ibinigay ng Diyos ang Kanyang Anak, ibinigay ng Anak ang Kanyang buhAy, at natanggap natin ang lahat ng kapakinabangan!

Sa pamamagitan ng magkaayon na kapahintulutan, ang Ama at Anak ay gumawa ng kasunduan upang maingatan at maiimbak ang binhi ni Cristo. Ito ay upang matiyak na kaya nating makapagtiis hanggang sa wakas.

Ako’y tatawaging Ama niya’t Diyos, tagapagsanggalang Niya’t manunubos. Gagawin ko siyang panganay at hari, pinakamataas sa lahat ng hari! Ang aking pangako sa kanya’y iiral at mananatili sa aming kasunduan. Laging maghahari ang isa niyang angkan, sintatag ng langit yaong kaharian. Kung ang mga anak niya ay susuway, at ang aking utos ay di igagalang, kung aking aral ay di pakikinggan at ang kautusa’y hindi iingatan, kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila, sila’y hahampasin sa ginawang sala. Ngunit ang pangako’t pag-ibig kay David, ay di magbabago, hindi mapapatid. Ang tipan sa kanya’y di ko sisirain, ni isang pangako’y di ko babawiin. Sa aking kabanalan, ipinangako ko, kay David ay hindi magsisinungaling. Lahi’t trono niya’y hindi magwawakas, hanggang mayro’ng araw tayong sumisikat” (Awit 89:26-36).

Ginawa ng Ama ang kasunduang pangako sa Kanyang Anak: “Akong si Yahweh ang tumawag sa iyo sa katuwiran binigyan kita ng kapangyarihan upang pairalin ang katarungan sa daigdig. Sa pamamagitan mo ay gagawa ako ng kasunduan sa lahat ng tao, at sa pamamagitan mo’y dadalhin ko ang liwanag sa lahat ng bansa” (Isaias 42:6). Sinasabi ng Diyos, “palagi kang hahawakan ng aking mga kamay at hindi ka kailanman malalayo sa aking nag-iingat na kapangyarihan. Ipinangangako ko na pananatilihin kang ligtas mula sa lahat ng panlilinlang ng diyablo.”

Ang pangakong ito ng Ama ay ginawang pakikinabangan natin sa ngayon sapagkat ang sakripisyo ng Anak sa krus ay dinala tayo sa tipan ng kasunduan. Ipinangako ng Diyos sa Kanyang Anak, “Kung aalis ka, iingatan ko ang bawat isa ng Iyong mga binhi, katulad ng pag-iingat ko sa Iyo. Hindi ko kailanman aalisin ang aking katapatan sa Iyo, maging sa Iyong mga anak.”

Lunes, Oktubre 17, 2011

TINAWAG PATUNGO SA PAKIKIPAG-ISA

Isinulat ni apostol Pablo: “Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon” (1 Corinto 1:9).

Ang nag-iisang talatang ito ay nagbukas sa atin sa isang katotohanan na makapagliligtas sa atin sa bawat bagyo ng buhay. Narito ang isang payak na katotohanan na makapaglalagay sa ating mga puso sa kapahingahan kapag ang lahat sa paligid natin ay nayayanig. Narito ang Salita ng Diyos na makapaglalayo sa atin mula sa takot na ngayon ay bumabalot sa buong sanlibutan.

Ang katotohanan ay ito: Natutunan natin ang katapatan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtugon sa ating tawag para manatili sa pakikipag-isa kay Jesus. “Tinawag upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon” (1:9).

Hindi tayo tinawag upang magtiwala sa sarili nating karunungan. Hindi tayo tinawag upang magtiwala sa laman, o ng kalalakihan o anumang bagay na makasanlibutan. Tinawag tayo ni Jesus, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan” (Mateo 11:28).

Si Cristo lamang ang ating kapayapaan, ang ating pinagtitiwalaan at kasiyahan ng loob. Nakaranas ako ng isang dakilang kasiyahan ng loob nang makita ko sa pamamagitan ng pananampalataya ang aking Panginoon sa kaluwalhatian—iniibig ako, tinawag ako palapit sa Kanyang matamis na presensiya, sinasabi sa akin na Siya ay sapat na. hindi ko kailangang magpalimos o mangatwiran o matakot. Habang lalo akong tumitingin kay Jesus sa lahat ng bagay, lalo kong nalalaman na Siya ay nalulugod, sapagkat kapag walang pananampalataya ay imposibleng malugod Siya.

May lungkot, marami na tunay na umiibig kay Jesus ay madalas na nasisindak sa panahon ng krisis, at sila ay nag-aalala at nagtatampo. Gumugugol sila ng panahon pilit na gumagawa ng sariling pamamaraan para makatakas o mapagtiisan ang pagsubok. Hindi nila kinakalinga ang Kanyang pagtawag na “lumapit at kumain” kasama Siya. Hindi ko tinutukoy na gumugol ng isang oras o higit pa sa bawat araw sa pananalangin, ang tinutukoy ko ay ang tumutok sa Kanya sa buong araw, “Palagi kayong manalangin” (1 Tesalonica 5;17). Ito ay simple lamang, tahimik na pakikipag-usap—na nakikipag-usap sa Kanya lamang, na lalong nagiging malapit sa Kanya, nang sa ganoon sa panahon ng krisis hindi natin kailangang magmadali sa takot patungo sa lihim na silid ng panalanginan at tumaghoy sa paghingi ng tulong na parang estranghero.

Naririnig niya ang lahat ng pagdaing, malakas, mahina, at lagi Niya tayong sasagutin ayon sa Kanyang katapatan.

Biyernes, Oktubre 14, 2011

NASA TUYONG LUPAIN

Iginiit ng Diyos na kailangang may “tuyong lupain” sa dadaanan ninyong Pulang Dagat. Sinabi Niya sa Israel, “Itapat mo sa ibabaw ng dagat ang iyong tungkod; mahahati ang tubig at matutuyo ang lalakaran mo” (Exodo 14:16). Kamangha-mangha, ginamit ng Diyos ang pangungusap na ito ng apat na ulit, sinabi sa kanyang mga tao, “Matutuyo ang lalakaran ninyo.”

Muli nating nakita ang pangungusap na ito noong ang Israel ay akmang papasok sa Canaan. Tumawid sila sa Jordan sa tuyong lupain patungo sa Lupang Ipinangako.

Sa madaling sabi, ang tuyong lupain ay isang daanan. At kung ikaw ay nandito, kung ganoon ay may patutunguhan ka. Hindi ka naliligaw o pabalik; ang tuyong lupain mo ay ang plano ng Panginoon para sa iyo. Ang gawain niya sa buhay mo, ang himala na Kanyang gagampanan. Ikaw ay patungo sa isang pagpapahayag, isang bagong tagumpay kay Crsito, patungo sa isang bagay na dakila.

Pinatunayan ito ng Kasulatan. Pansinin kung saan ang Faraon at ang kanyang hukbo ay nagapi sa labanan: sa ipinagkaloob ng Diyos na tuyong lupain. Ang tuyong lupa ang eksaktong lugar na kung saan ang diyablo ay aatake sa iyo. Nais niyang atakihin ka kung saan ka mahina. Gayunman, Dito rin sa tuyong lupaing ito tinanggal ng Panginoon ang “gulong ng karwahe” mula sa kapangyarihan ni Satanas: “Nang bumalik sa dati ang dagat, natabunan ang mga karwahe’t kabayo ng Faraon, pati ang kanyang buong hukbo at wala ni isa mang natira” (Exodo 14:28).

Sinabi ng Diyos sa atin na may kakanyahan: “Nais kong matutunan ninyo na magpatuloy sa inyong pananampalataya—hindi ayon sa pangitain o sa tinig, ngunit kung kayo ay nasa kalagitnaan ng inyong tuyot na katayuan. Nais Kong kayo ay magkaroon ng sariling tiwala na kapag hindi ninyo nadinig ang Aking tinig o hindi nakita ang kaharap—kapag kayo ay nasa tuyong lupain—kayo ay pinangungunahan Ko.”

Ipinangako ng Diyos na gagawin Niyang bukal ng sariwang tubig ang ating tuyong lupain: “Kapag inabot ng matinding uhaw ang aking bayan, na halos matuyo ang kanilang lalamunan, akong si Yahweh ang gagawa ng paraan; akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya. Magkakaroon ng ilog sa tigang na burol, aagos ang masaganag tubig sa may libis; gagawin kong lawa ang disyerto, may mga batis na bubukal sa tuyong lupain” (Isaias 41:17-18).

Minamahal na banal, ikaw ba’y tigang? Sinasabi ng Diyos sa iyo, “Malapit na na makita mo ang pag-aani. Na kung saan dati ay may tuyong lupain, may buhay na bubukal sa iyong paanan. At nilikha ko ito! Matatag na manindigan at tingnan kung ano ang gagawin ko para sa iyo sa iyong tuyong lupain.”

Huwebes, Oktubre 13, 2011

HINDI KAILANMAN MAGPAPABAYA ANG DIYOS

“Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba’t iiwan niya ang siyamnapu’t siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito’y matagpuan?” (Lucas 14:4)

Si Jesus ay nagpapahayag dito ng isang tupa na kasama sa marami. Maliwanag, ito ay kumakatawan sa isang kabilang sa samahan ng mga tao ni Cristo, isa na malusog at alaga ng isang mapagmahal na pastol. Gayunman ang tupang ito ay naligaw, kaya’t ang pastol ay umalis para hanapin ito.

Pansinin kung ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pastol dito: “Hinanap niya ang nawalang tupa hanggang sa matagpuan niya ito.” Ang Diyos ay hindi nagpapabaya sa sinumang kasama Niya na naligaw. Sa halip, lalakad Siya para hanapin ang tupang ito, yayakapin ito at ibabalik sa kawan nito.

Sa madaling sabi, maaring malugmok ka sa kasalanan na halos umabot ka na sa sukdulan ng impiyerno, at hahanapin ka pa rin Niya. Nagpatotoo si David, “Kung langit ang puntahan ko, tiyak na naroon ka” Awit 139:8).

Narinig na nating lahat ang pangungusap na “impiyerno sa lupa.” Ganyan ang takbo ng buhay noong mga tao na lumayo sa Diyos. Ang kanilang “higaan sa impiyerno” ay isang kakila-kilabot na kalagayan. Ito ay nangangahulugan na nabihag ng kasalanan, napabukod ng malayo mula sa Panginoon na nauwi sa pagkahulog sa isang walang kabuhay-buhay na pagkakaidlip. Ang pagkakaidlip na ito ay may kasamang nakayayamot na takot na bumubulong ng , “lalo kang nababaon ng malalim sa impiyerno. Hindi ka na makakabalik pa sa Diyos.”

Ang mensahe ni Cristo sa atin ay, “Maaring gumawa ka ng sariling higaan sa impiyerno, ngunit hindi ka ganap na nasa ilalim ng kasalanan para sa Akin upang maabot Kita at tanggapin ka ng bukas ang Aking mga kamay.”

Nang matagpuan ng pastol ang nawala, na sugatang tupa, kinarga niya ito pabalik sa bahay. “Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!’ (Lucas 15:6).

“Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa siyamnapu’t siyan na di nangangailangang magsisi.” (Lucas 15:7).

Miyerkules, Oktubre 12, 2011

PAG-IISIP TUNGKOL SA PAG-IBIG AT PANANAMPALATAYA

Hayaan ninyong ibahagi ko ang ilang nakapagpapagaling na isipin tungkol sa pananampalataya at pag-ibig. Naniniwala ako na gumagawa ang Diyos ng mga himala sa mga kasagutan sa mga panalangin na may pananampalataya. At naniniwala ako sa lahat ng pangako sa Salita ng Diyos. Ngunit, sa pamamagitan ng maraming paghihirap at luha, natuklasan ko ang isang bagay na kahanga-hanga tungkol sa paraan ng paggawa ng Diyos. Ang susunod ninyong mababasa ay makakatulong na muli ninyong baguhin ang iyong pagtitiwala sa Panginoon at mapalaya ka sa pagkakagapos sa patuloy na tuklasin ang tungkol sa pananampalataya.

Narito ng aking konklusyon:

  • Kung hindi mo maibibigay ang ganap na pananampalataya, ay ibigay mo ang iyong ganap na pag-ibig. “Ang ganap na pag-ibig ay nagtataboy sa takot.” Ang ganap na pag-ibig ay ang kapahingahan na mayroon ang Diyos para sa Kanyang mga tao. Nais Niyang mamahinga tayo sa Kanyang pag-ibig, nagtitiwala na lagi siyang darating para tulungan tayo bilang ama sa isang nagdudusang anak sa kabila ng ating kakulangan sa pananampalataya.

Tigilan mo na ang pagsusukat o pagbibigay grado sa iyong pananampalataya. At tigilan mo na kung paano tutuusin ang pananampalataya. Sinabi ng Bibliya, “Kaya’t ang tatlong ito’y nananatili: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig” (1 Corinto 13:13). Kung ikaw ay magpapakadalubhasa sa anumang bagay, magpakadalubhasa ka sa pag-ibig—ang pananampalataya ay gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.

  • Kapag ang Diyos ay hindi sumasagot sa ilan nating mga panalangin, makatitiyak tayo na mayroon Siyang dakilang walang hanggang dahilan kung bakit.

Dito mauuwi ito: ang Diyos ay mayroong lahat ng kapangyarihan at kayang gawin ang anumang bagay. Walang imposible sa Kanya. Ipinangako Niyang sasagutin ang bawat panalangin sa pangalan ni Cristo, kaya’t kailangan tayong humiling na may ganap na katiyakan sa pananampalataya, na umaasa sa kasagutan. Ngunit kung iaantala ng Diyos ang sagot o pinili ang ibang paraan para sa atin, tiyak na mayroon siyang kadahilanan para sa lahat ng mga bagay na ito. At kailangan tayong manalig na anumang payagan ni Diyos sa ating mga buhay ay makakabuti para sa atin pagdating ng takdang panahon (Roma 8:28).

Ang ating Amang nasa langit ay tiyak na alam kung saan tayo patungo at ano ang ating pangangailangan. Ibibigay Niya kung ano ang mabuti, sa tamang panahon ayon sa Espiritu Santo (Mateo 7:11).

Hindi hahayaan ng Diyos na ikaw ay daigin ng iyong mga pagsubok. Maaring dumating ka sa kalagayan na sa akala mo ay wala ng pag-asa, gayunman ay malalampasan mo at mabubuhay para ipahayag ang Kanyang katapatan kung hindi mo patitigasin ang puso mo kundi ang kumapit sa Kanyang mga kamay, nananalig sa Kanyang walang hanggang pag-ibig.

Martes, Oktubre 11, 2011

ANG MALAKING KAPAHAMAKAN

Isang siyentipiko ang nagsabi sa malaking kapahamakan, “Ang buong sanlibutan ay nayanig.” Mayroon pang nagsabi “ang pinakamalagim na kapahamakang kalikasan sa buong sanlibutan.” Isinasalarawan nila ang lindol sa ilalim ng tubig na nagwasak sa buong baybay-dagat sa Asya ilang taon na ang nakararaan. Libu-libo ang naiwang patay. Patuloy tayong nakakakita ng mga kapahamakan sa kapaligiran natin.

Kapag may kahindik-hindik na pangyayari ang dumating, lumalapit ako sa Ama na may isang tanong: “Panginoon, ano ang mga nangyayaring ito? Ito ba ay isa lamang di-maipaliwanag na sakuna ng kalikasan, o mayroon bang dapat malaman ang iyong mga tao kung bakit nangyari ito?”

Nagluluksa kami sa hindi maisalaysay na kirot at paghihirap na pinagtitiisan ng marami. Taimtim kaming nananalangin para doon sa mga nasalanta. Ang aming ministeryo ay nagpadala ng libu-libong dolyar sa pamamagitan ng ahensya ng mga Kristiyanong tumutulong upang muling maitayo ang mga iglesya at mga tahanan sa mga nasalantang lugar. Sinasabi ng Kasulatan sa atin na ang ating Amang nasa langit ay nahipo ng pinakabuod ng damdamin ng mga sugatan at ang Espiritu Santo ay nagbuhos ng kaaliwan sa lahat ng mananampalataya sa mga bansang naapektuhan.

Ang bansang Amerika ay isang mahabagin at mapagbigay na nasyon at nagpapasalamat ako sa Diyos para sa mga maraming tumugon na manalangin, nagbigay at nagtungo doon sa mga lugar na iyon para tumulong. Ngunit mayroong isang malalim na alalahanin sa aking kaluluwa ang gumugulo sa akin. Ang kalakihan ng mga kapahamakan ay hindi ko maunawaan. Lumalabas tayong parang manhid, natutulig dahil sa lahat ng ito.

Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil sa mga magagandang lathala ng pagpapala sa maraming lugar sa buong sanlibutan, kasama na ang Amerika. Ngunit kung hindi tayo mapapaluhod sa pamamagitan ng inalpasang kapangyarihan—kung hindi tayo magpapakumbaba pagkatapos na masaksihan ang mga kakila-kilabot na mga sakunang ito—ano ang maaring makapagpatahimik sa mga tumutuya sa Diyos? Tayo ba ay hindi na nayayanig.

Isipin ang mga bagay na ito:

  • Ang pagpapalayas sa Diyos mula sa ating lipunan sa pangalan ng politikal na katuusan
  • Ang pagbaliktad ng buong sanlibutan tungo sa pagiging makamundo at pagkamateryal
  • Iglesyang lumalago na makamundo na higit pa sa sanlibutang ito
  • Ang paglago ng karahasan at kapabayaan
  • Ang hindi na pagtanggap sa Bibliya bilang Salita ng Diyos
  • Isang araw “na kung saan ang lahat ay kayang yanigin” ay nayayanig
  • Kapag ang mga nag-iisip na mga tao sa lahat ng dako ay may pangitain na “mayroong nakikialam sa kalikasan, mayroong nangyayari na hindi kayang ipaliwanag”
  • Kapag ang lipunan ay nagpapatuloy sa gawi nito na ni wala man lamang isang “paghinto tugkol sa Diyos,” ni wala man lamang iniisip na ang Diyos ay hindi tutuyain

Kapag ang mga bagay na ito ay nangyari ay panahon na na tayo ay malapit na o lumampas na tayo sa guhit patungo sa espirituwal na kahangalan na hindi na kayang gisingin ng banal na.

Ang Diyos ay mahabagin, mapagpala at handang magpatawad. Nawa ay maipakita ni Jesus ang Kanyang pag-ibig at kahabagan sa pamamagitan ng Kanyang mga disipulo habang palapit na ang pagbabalik ng Panginoon.

Lunes, Oktubre 10, 2011

MAYROONG NAKAKAUNAWA

“Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay, ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman” (Awit 139:1).

Walang sinuman ang nakakaunawa sa akin
Kundi ang Diyos.
Nauunawaan niya ang kalaliman ng aking isipan.
Walang salita sa aking dila,
Ngunit alam ng Diyos ang lahat ng ito.
Ako’y Kanyang nilupi;
Ang kanyang kamay ay hawak ako.
Ang ganitong karunungan ay lubos na matayog,
Hindi ko maabot ito
Mayroong panahon
Ang kadiliman ay bumabalot sa akin,
Gayunman ay sinisiyasat Niya ang aking puso
At alam Niya ang laman nito.
Kita Niya ang mga kasalanan ko.
Ang kanya lamang karunungan
Ang nakakaalam sa akin
Sumasagot Siya
At pinalalakas ako
Sa aking kaluluwa
Kadiliman at liwanag ay magkatulad lamang para sa Kanya
Nauunawaan Niya ang aking kadiliman
At bibigyan Niya ako ng liwanag
Nauunawaan Niya ako.

Biyernes, Oktubre 7, 2011

INILARAWAN NG DIYOS ANG KANYANG PAG-IBIG SA KANYANG MGA TAO

Inilarawan ng Diyos ang sarili Niya sa paraang ito: “Ako ang nagturo kay Efraim na lumakad, inakay ko siya sa kanyang paghakbang; ngunit hindi niya kinilala ang pag-aalaga Ko sa kanya” (Hosea 11:3).

Sa naunang wika ang talatang ito ay mababasa, “Dumating ako sa kanila sa sandali na kanilang kawalan ng pag-asa at may pagmamahal na inalagaan sila sa sandali ng marumi, magaspang na lugar. Hawak ko sila sa aking mga kamay habang inaalagaan!” Ngunit sinabi sa Hosea 11:7, “Ang bayan ko’y nagpasya nang tumalikod sa Akin. Ang salitang tumalikod dito ay nangangahulugan na “nakabitin sa alanganin, nakabitin sa pagdududa.”

Ang Israel ay hindi nakakasiguro sa pag-ibig at kagiliwan ng Panginoon at sinasabi ng Diyos kay Hosea, “Ang mga tao ay nagdududa sa aking pag-ibig sa kanila. Hindi nila ako lubos na kilala at hindi sila nakasisiguro sa Aking pag-ibig!’

Iyan ay totoo! Hindi makapaniwala ang Israel na iniibig pa rin sila ng Diyos. Sila ay mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, nagbalik sa pagkakasala at mga nagdududa at marahil ay iniisip nila, “Kami ang nagbigay ng dahilan sa Diyos sa pagkawala ng kanyang kaluguran sa amin. Sinadya naming magkasala at tiyak na huhusgahan Niya kami! “Pababayaan ba kita Efraim?. . . Hindi ito kayang gawin ng puso ko; kahabagan ko’y nananaig” (t 8).

Pakinggan ang Kanyang mga salita na nagbibigay aliw at kagalingan sa iyo:

“Ako ang nagbigay ng buhay sa aking bayan, sila’y hindi ko patuloy na uusigin; ang galit ko sa kanila’y hindi mananatili sa habang panahon” (Isaias 57:16). Sinasabi ng Panginoon, “Kung ang lahat lamang ng nakikita ninyo sa Akin ay galit, ang espiritu mo ay mabibigo sapagkat ito lubos na mananaig.”

“Nagalit ako sa kanila dahil sa kanilang kasalana’t kasakiman, kaya sila’y aking itinakwil. Ngunit matigas ang kanilang ulo at patuloy na sumuway sa akin. Sa kabila ng ginawa nila, sila’y aking pagagalingin at tutulungan, at ang nagluluksa’y aking aaliwin” (t 17-18).

Maaring dumadaan ka sa malalim na suliranin ngayon. Hindi tukso o pagsubok ang tinutukoy ko. Ang tinutukoy ko ay ang mga nakapananaig na kalagayan na dumarating sa iyo na hindi mo maunawaan. Lahat ng uri ng hangin at alon ay nilulunod ka, mga bagay na hindi abot ng iyong pang-unawa. Dumarating ito sa iyong tahanan, sa iyong iglesya, sa iyong trabaho, sa lahat ng paligid. Ngunit nais ng Diyos na mailigtas ka sa lahat ng ito! Nais Niyang maipanumbalik ka sa iyong espirituwal na kalusugan! Kung ang lahat ng maari mong paniwalaan ngayon ay ang malaman mo na iniibig ka Niya sa kabila ng lahat ng iyong pagmamatigas na pamamaraan, na nakikiusap Siya sa iyo na tumingin sa Kanya bilang iyon Banal na Tagapag-alaga, at iyan ay sapat na!

Huwebes, Oktubre 6, 2011

PUSPOS NG PAG-ASA, KAGALAKAN AT KAPAYAPAAN!

Kung nais ninyong maghari ang kapayapaan ng Diyos sa inyong buhay, kailangang iwaksi ang ilang mga bagay:

  • Kailangang tigilan na ninyo kung paano tutuusin o uunawain kung paano gagawin ng Diyos ang mga bagay.
  • Kailangang tigilan na ninyo ang mag-alala at magtampo: “Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay… (Filipos 4:6).
  • Kailangang tigilan na ninyo ang sabihin sa Diyos kung alin ang tama para sa iyo.
  • At higit sa lahat, kailangang tigilan na ninyo na ikaw ay bigo; tigilan na ninyo ang pag-iisip na hindi ninyo nalulugod ang Diyos!

Ang isa sa mga pinakamabisang bitag ni Satanas para manakawan niya ang mga Kristiyano ng kapayapaan ay ang paghimok sa kanila na kailangang magpakahirap sila sa laman para malugod ang Diyos. Ito ay pinatatalbog niya sa akin palagi!

Minsan kapag kailangan ko ang isang lugar para manalangin, pupunta ako sa aking sasakyan at magmamaneho sa isang bukod na lugar. Nagagawa kong purihin ang Panginoon at magalak sa kanyang presensiya habang nakatanaw sa berdeng kabukiran at kagubatan. Ngunit minsan sasagi sa aking isipan na wala akong ginagawa para sa Panginoon!

Panalangin ko, “Panginoon wala akong nagagampanan para sa Iyong kaharian. Wala akong ginawa kundi manalangin, kumuha ng mga mensahe sa mga sermon, at magtungo sa simbahan at mangaral. Ang buong sanlibutan ay patungo sa impiyerno, at wala akong nagagawa para sa Iyo!”

Ang ganito bang iniisip ay sumagi sa iyo? Ginagawa mo ang lahat ng kaya mo para malugod ang Panginoon, gayunman hindi ka nakadadama ng kabanalan. Bahagya ko nang madama ang kabanalan. Iyan ang katotohanan maging sa pinakamabuti kong panahon—maging ako man ay nangangaral na may basbas ng Espiritu!

Sinabi mo, “Ikaw, kapatid na David? Lagi mong nadarama na para bang wala kang nagagawa para sa Diyos?” Oo! Ang diyablo ay lumalapit at ginagawa niyang madama natin na tayo ay hindi karapat-dapat, walang nagagawa. At nawawala ang ating kapayapaan dahil bumibigay tayo sa ganitong nadarama!

Makinig sa panalangin ni Pablo para sa atin: “Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Roma 15:13).

Magtiwala sa Kanyang kabutihan. Manalig sa kanyang pag-ibig at kahabagan. Huwag ninyo siyang pagbintangan ng pagiging galit o naguguluhan sa iyo o hindi ka kinakausap. Hayaang ang kanyang kapayapaan ang maghari sa inyong puso at sa inyong buhay!

Miyerkules, Oktubre 5, 2011

ANG HANDOG NG KANYANG KAPAYAPAAN

“Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus” (Filipos 4:6-7).

Nang paulit-ulit kong binasa ang talatang ito kamakailan, ako ay tinamaan ng bagay na hindi ko pa nakikita noon pa. Ipinag-utos ni Pablo sa atin na tigilan na ang mag-alala, lumapit sa Diyos sa pananalangin at humingi ng pangangailangan, at magpasalamat sa kanya sa sagot. Ngunit wala siyang sinabi na makakakuha ng mga kasagutan! Walang sinabi si Pablo na makakatanggap ng salita ng patutunguhan, kaligtasan, mga himala, o kagalingan. Sa halip, sinabi niya nakatanggap tayo ng handog ng kapayapaan ng Diyos!

Sinasagot ng Diyos ang lahat ng ating mga kahilingan at mga pangangailangan na may kasamang kapayapaan Niya: “Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus” (t 6-7).

Sa madaling sabi, unang sinasagot ng Diyos sa bawat panalangin natin at daing ng puso ay Kanyang kapayapaan! Ang lahat ng taong mananalangin ay may isang bagay na nagkakatulad: Gaano man kabigat ang nadarama nila patungo sa kanilang lihim na silid ng panalanginan, ay lumalabas silang puspos ng Kanyang kapayapaan! Nilimitahan ng Diyos ang sarili Niya sa Kanyang sariling pamahalaan. Ito ay kinikilalang laan ng Diyos. Gumagawa siya ng bagay dito at doon, inihahanda ang puso ng mga tao at isinasaayos ang mga pagkakataon, ngunit hanggang sa Kanyang laan ay gumawa sa kasagutan sa inyong mga panalangin, sinabi Niya, “Ibibigay ko sa inyo hindi yaong iniisip ninyo na kailangan ninyo kundi yaong alam ko na kailangan ninyo—kapayapaan ng isipan at puso!”

Marami sa atin ay nakikipagbuno sa Panginoon sa pananalangin. Humihiling tayo na may pagtangis at luha; binabayo natin ang daan ng langit; inaangkin natin ang bawat pangako. Ngunit habang lumilipas ang mga araw, mga linggo at mga buwan, nagsisimula tayong magtaka: “Bakit hindi ka sumasagot, Panginoon? Ano ang humahadlang sa aking mga panalangin? Ano ang nagawa ko na nakapagbigay dalamhati o hindi nakalugod sa Iyo?”

Ang katotohanan ay, sinabi na sa atin ng Diyos. “Narito ang kapayapaan ko na hindi ninyo kayang unawain! Tanggapin ninyo ito at hayaang maghari sa mga puso ninyo habang gumagawa Ako sa lahat ng bagay na makabubuti sa inyo!” Kailangang manatili tayo sa kapayapaan ng Diyos hanggang sa ang Kanyang pangako ay naisaayos na ng Espiritu Santo!

Panghawakan ang Kanyang kapayapaan at hayaang maghari ito sa inyong mga puso!

Martes, Oktubre 4, 2011

HAYAANG ANG KAPAYAPAAN NG DIYOS ANG MAGHARI

“Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayo lagi” (Colosas 3:15).

Ang isang talatang ito ay naglalaman ng isang di-kapani-paniwalang utos: Tinawag ng Diyos ang kabuuang katawan ni Jesu-Cristo para hayaang ang Kanyang kapayapaan ang mamahala sa ating mga puso, pag-iisip at katawan! Ang kapayapaan ng Diyos ang dapat maging tagapamagitan ng ating mga buhay, nakaupong naghahari sa lahat. Kung may panahon mang ang pagtawag na ito kakailanganing patunugin, ito ay ngayon sa sandali ng kaguluhan at kalituhan!

Bakit ipinag-utos ng Panginoon sa mga naunang iglesya na hayaang ang Kanyang kapayapaan ang maghari sa kanilang mga buhay? Ito ay sa dahilang alam Niya ang parating na mga mangyayari at nais Niyang ihanda sila! Sa nalalapit na ilang mga taon, mga di-kapani-paniwalang kaguluhan ay darating sa kanila. Sila ay pahihirapan at aalipustain. Haharap sila sa taghirap na panahon, mawawalan ng mga tahanan, kukumpiskahin ang kanilang mga ari-arian, aatakihin ng mga malulupit na mga tao na ang iniisip ay ginagawan nila ng pabor ang Diyos sa pamamagitan ng pagpatay sa kanila. Nagbabala ang Diyos sa kanila, inihanda sila, “Kayo ay ipapasailalim sa aking kapayapaan sapagkat ito lamang ang makapagliligtas sa inyo sa mga di-kapani-paniwalang pagbabago na parating!”

“Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan” (Filipos 4:9).

Sa mga panahong ito ay mayroong di-totoong kapayapaan na lumalaganap sa maraming simbahan, kapayapaang mabibigo pagdating ng magulong panahon. Ito ay kapayapaan ng mga nagmamatigas, mga Kristiyanong binulag ng kasalanan! Tinawag ni Moses ang mga mananampalatayang kagaya nila “pinagpala ang sarili,” ang kahulugan ay dinadaya ang sarili. Nagbabala Siya sa Israel na may sumpa na darating sa lahat ng mga nagkakasala, mga hindi sumusunod na mga anak ng Diyos na naglalakad sa pagsamba sa mga diyus-diyosan. Sinabi niya na tatapalan nila ng huwad na kaisipan ng kapayapaan ang kanilang makasalanang gawain: “Baka kung marinig niya ang mga tuntunin ng kasunduang ito ay sabihin niya sa kanyang sariling hindi siya mapapahamak kahit sundin ang sariling kagustuhan. Ito ang magdadala ng kapahamakan sa lahat, mabuti man o masama” (Deutoronomo 29:19).

Isinalarawa ni Moses ang anak ng Diyos na nagpasiya na bigyang kasiyahan ang pita ng kanyang laman para sa kasamaan! Nakatagpo siya ng kaaya-ayang doktrina na nagsasabi sa kanya na hindi masama ito, siya’y ligtas pa rin, patungo pa rin ng langit, habang nagpapatuloy sa kanyang kasalanan. Sinasabi niya sa sarili niya, “Gagawin ko kung ano man ang gusto ko at hindi pa rn mawawala ang kapayapaan sa puso ko.”

Kahit ano pa ang mangyari sa Amerika o sa mga bansa sa sanlibutan, walang anumang kapangyarihan sa impiyerno ang makananakaw sa iyo ng kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na kanyang itinanim sa inyong kaluluwa! Gagawin niya sa mga tao niya na ang kapayapaan ang maghahari.

“Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ng Diyos.”