Lunes, Oktubre 24, 2011

SAAN TAYO PUPUNTA UPANG KUMAIN?

Ang ikapitong kabanata ng Mikas ay nagtataglay ng isa sa pinakamakapangyarihang mensahe tungkol sa bagong tipan na ipinangaral. Sa di-kapani-paniwalang pangangaral na ito, si Mikas ay nagsasalita sa likas na Israel—gayunman siya rin ay nagsasalita sa iglesya ni Jesu-Cristo sa mga huling araw na ito. Sinimulan niya ang kanyang pangangaral sa pamamagitan ng tangis na masakit sa puso—isa na patuloy pa ring nadidinig mula sa mga gutom sa espirituwal na mga mananampalataya sa buong sanlibutan ngayon: “Ang katulad ko’y isang taong gutom…naghahanap ng bungangkahoy ngunit walang makita isa man” (Mikas 7:1).

Isinasalarawan ni Mikas ang naging bunga ng taggutom sa Israel—isang taggutom sa pagkain at sa Salita ng Diyos. Umaalingawngaw ang salita ng naunang hula ni Amos na kung saan ay sinabi ng Panginoon: “Darating din ang araw na paiiralin ko sa lupain ang taggutom. Maguguton sila ngunit hindi sa pagkain; mauuhaw sila ngunit hindi sa tubig, kundi sa pakikinig ng aking mga salita. Mula sa hilaga papuntang timog, mula sa silangan hanggang sa kanluran, hahanapin nila ang salita ni Yahweh, subalit iyon ay hindi nila matatagpuan” (Amos 8:11-12).

Iyon ay panahon ng tag-ani sa Israel at ang mga ubasan ay dapat na hitik sa nagdadamihang mga prutas, ngunit walang kumpol na nakabitin mula sa mga ubasan. Namasdan ni Mikas ang mga tao habang papunta sa mga ubasan naghahanap ng bunga ngunit wala silag nakita. Sa kanyang mga matang manghuhula, nakita ni Mikas ang napakarami sa mga huling araw ang nagtatakbuhan kung saan saan, naghahanap na makarinig sa tunay na salita mula sa Diyos. Nakita niya sa kanyang pangitain ang mga mananampalataya na nag-uunahan bawat iglesya, mula sa panunumbalik patungo sa panunumbalik, mula sa mga bansa patungo sa ibang bansa—ang lahat ay naghahanap na maitawid ang gutom at pagkauhaw para sa bagay na makapagpapabusog sa kanilang mga kaluluwa. Ang kanilang mga daing ay naririnig pa rin, “Ang katulad ko’y isang taong gutom…naghahanap ng bungangkahoy ngunit walang makita isa man!”

Mayroong napakalaking taggutom sa kalupaan. Gayunman, kahit na libu-libo ang naghahanap para sa espirituwal na pagkain, yaong mga tunay naghahangad sa Salita ng Diyos ay binubuo lamang ng mga natira (tingnan ang Mikas 7:14, 18). Ito ay tiyak na ganito rin sa panahong ito katulad noong lumang panahon ng Israel. Kaunti lamang na mga Kristiyano sa ngayon ang tunay na gutom na makarinig ng dalisay na Salita ng Panginoon. Sa halip, ang nakararami ay nagpataba sa kanilang mga sarili sa mga mansanas ng Sodom, kumakain ng mga dayami ng pinasamang mabuting balita.