Ang Ezekiel 37 ay tungkol sa kagustuhan ng Diyos para sa atin na panghawakan ang kanyang bagong tipan—pinag-aaralan kung paano tunay na mamuhay sa pamamagitan ng pagpasok sa pagpapala ng tipan.
Narinig nating lahat ang istorya ng “tuyong kalansay” na tinutukoy ni Ezekiel. Ito’y mahalagang pansinin na ang mga sisidlang ito na nakalatag na walang buhay sa lupa ay nasa ilalim ng tipan. Nakita ninyo na sinabi ng Panginoonsa kanila, “Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang salita ni Yahweh” (Ezekiel 37:4). Narinig nila ang pangakong tipan ng Diyos: “Ibibigay ko ang Aking Espiritu sa inyo at kayo ay mabubuhay.”
Gayunman, kahit na ang mga patay na kalansay na ito ay may pangako ng bagong tipan na ipinangaral sa kanila, hindi pa sila nakakapasok sa kagalakan ng mga pagpapala nito. Maraming mga mananampalataya ngayon ay alam ang bagong tipan ng Diyos—gayunman hindi nila ganap na mapaniwalaan ito, sapagkat lubhang hindi kapani-paniwala. Sinabi nila, “Alam ko na ibinigay sa atin ng Diyos ang Espiritu Santo na manahan sa atin. At alam ko rin na inako ng Espiritu na gawin tayong sumunod kay Cristo. O, sadyang sabik ako sa pagpapalang ito, ngunit paano ko ito makakamit sa aking buhay?”
Mayroon tayong dapat na gawin. Isinulat ni Ezekiel na sinabi sa kanya ng Diyos na manghula. “Sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Ezekiel, anak ng tao, tawagan mo ang hangin sa lahat ng dako….hangin, hingahan mo ang mga patay na ito upang sila’y mabuhay” (Ezekiel 37:9). At sinabi ni Ezekiel na siya ay nanghula na katulad ng utos ng Diyos, “…at ang hangin ay pumasok sa kanila. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila’y ubod ng dami, parang isang malaking hukbo” (37:10).
At bigla na lang ay nandoon nakatayo sa harapan ni Ezekiel ang isang malaking hukbo, buhay at humihinga! Hiningahan ng Espiritu Santo ang lahat ng mga patay at sila’y nabuhay—at ngayon sila’y nakahanda nang makipaglaban. Sa isang iglap nakapasok sila sa buong kagalakan at pagpapala ng bagong tipan. Ang Espiritu ng Diyos ay lumagay sa nararapat niyang kalagyan kasama sila—at dala Niya ang lahat ng tungkol sa mga ipinangakong pagbabago.