Miyerkules, Oktubre 26, 2011

PAAMUIN MO ANG IYONG DILA

Sa talatang ito mula sa kanyang liham, nangusap si Santiago tungkol sa dila ng mga mananampalataya. Nagpalabas siya ng pagtawag sa iglesya para mapigilan ang kanilang mga dila—bago sila puksain ng mga ito! Maari momg tanungin: Gaano kahalaga na ang bagay na pagpapaamo sa dila? Ang isa bang “di mapigilang dila” ay tunay na nagkakasala?

Ang maluwag na dila ay pinawawalang halaga ang ating relihiyon! Maari nitong gawin na ang lahat ng gawain mong espirituwal ay ganap na walang kabuluhan sa mga mata ng Diyos: “Kung inaakala ninuman na siya’y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso” (Santiago 1:26).

Ang tinutukoy dito ni Santiago doon sa “mga kasama ninyo” ay iyong mga tao sa iglesya. Hindi mga lulong sa droga o taong kalye kundi yaong mga kasapi ng katawan ni Cristo na nagpapakitang madasalin, espirituwal. Sila ay mga aktibo sa mga gawain sa Panginoon, ngunit ang kanilang mga dila ay walang pigil, at hindi na makontrol! Tinutukoy ni Santiago yaong mga akala natin ay banal, mabait, mahabagin at mapagmahal, gayunman ay patuloy na kumikilos sa iglesya o sa kanilang trabaho o sa kanilang pamilya na may mala asidong dila, patuloy na nagpaparating ng mga tsisimis o may taingang handang makinig sa mga ito. Bulong sila ng bulong at patuloy na nagrereklamo at sinabi ng Diyos na ang kanilang relihiyon—ang lahat ng kanilang pagpapakita na pagiging espirituwal—ay walang kabuluhan!

Mga minamahal, ayaw ko na humarap sa trono ng paghuhukom ni Cristo at matuklasan na ang lahat ng aking gawain para sa Panginoon—ang lahat ng aking espirituwal na pagsusumikap—ay wala palang kabuluhan! Hindi ko nais na marinig Siya na sinasabing, “David, marami kang ginawang malalaking gawain para sa Aking pangalan. Pinakain mo ang mga nagugutom, binihisan ang mga hubad, nagpalayas ng demonyo, at nagtatag ng mga rehabilitasyon para sa mga lulong sa droga at tahanan para sa mga lasenggo. Oo, nangaral ka sa mga hindi mabilang na libu-libo at napagwagian ang maraming kaharian. Ngunit ang lahat ng mga ito ay para sa wala! Maraming nakapagpapalakas na mga salita ang nanggaling sa iyong labi ngunit mayroon ding pait, hindi mabuti, may poot, mapanaghiling mga salita! Tinanggap mo ang Aking babala sa mga bagay na may kinalaman sa dila na magaan lamang!”

Maari mong isipin, “Tunay na ang Diyos ay hindi ganap na mapagmahal na babawasin niya ang aking pagiging espirituwal sapagkat may sinabi akong bagay na walang pagmamahal!” nangungusap ako dito ng mga tungkol sa mga Kristiyano na ang mga dila ay hindi kailanman napaamo, na nagsasalita laban sa mga tao ng Diyos na walang kakurap-kurap man lang! Narito ang sinasabi ng salita ng Diyos: “Makapagsalita man sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na kumakalampag. Kung ako man ay kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung mayroon man ako ng lahat ng kaalaman at ng malaking pananampalataya na anupa’t nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit kung wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at iaalay ang aking katawan upang sunugin, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala” (1 Corinto 13:1-3).