Biyernes, Disyembre 30, 2011

ANG NOBYA NI CRISTO

Ang Awit 45 ay nagdulot sa atin ng magandang larawan ni Cristo at ng Kanyang nobya. Isang dakilang kasalan ay malapit ng mangyari at ang manunulat ay “nag-uumapaw” sa kaligayahan at pananabik: “Kay gagandang pangungusap ang naroon sa isipan…” (Awit 45:1).

Hindi halos mapigilan ng Mang-aawit ang sarili niya! Isinasalarawan niya ang bagay na nakikita niya sa isipan niya—isang kahanga-hangang pagdiriwang, kasama ang isang marangya at maluwalhating Nobyo at isang napakagandang nobya na nakadamit ng ginto!

Noong 1981, ang buong mundo ay namangha sa isang maharlikang kasalan na naganap sa Inglatera. Miyun-milyong manonood ay nakatutok sa telebisyon habang ikinakasal si Prinsesa Diana at Prinsipe Charles. Isa ito sa pinakaglamoroso at pinag-usapang kasalan sa makabagong kasaysayan.

Ang mga himpilan ng telebisyon ay mayroong mga “makukulay na komentarista” na naglalarawan ng mga detalye ng bawat pangyayari. Ang mga pahayagan ay nagbalita tungkol sa maharlikang pamumuhay ni Charles—ang kanyang pakikipagtunggali sa larong polo, ang kanyang tungkulin bilang prinsipe, ang pagiging tagapagmana bilang hari ng Inglatera, ang kanyang trono, ang kanyang kayamanan, ang kanyang palasyo.

Ang mga komentarista ay naglarawan din ng mabusising detalye ng buhay ni Prinsesa Diana. Ang larawan ay kamangha-mangha: ang kanyang buhok, ang kanyang maharlikang kasuotan, ang kanyang mga alalay, ang kanyang sapatos, ang kanyang gayak na mga hiyas, ang kanyang singsing, ang kanyang mga bulaklak, ang kanyang maharlikang karuwahe. Maging sa pagdiriwang ng kasalan, habang ang dalawa ay sabay na tumayong magkasama sa altar, isang komentarista ang bumulong sa mikropono: “Hindi ba napakaganda niya? Tingnan mo ang kasuotan niya, ang kanyang sapatos, ang kanyang mga bulaklak.”

Ito ay napaka romantiko, makapigil-hininga—isang prinsipe at prinsesa na pinag-isa sa isang banal na kasalan “hanggang sa dulo ng kamatayan.” Ang mga tao sa buong mundo ay napaluha sa namalas na kaganapan. Ngunit mabubuhay tayo na ang kasalang ito ay mauuwi sa isang pagkawasak bilang isa sa pinaka marungis, pangit na paghihiwalay sa balat ng lupa!

Ang kasalan na inilarawan sa Awit 45, sa isang banda, ay isang pag-iisa na mas higit na maluwalhati at marangya. Ito man ay puno ng pag-ibig, kagandahan, karangyaan—ngunit ito ay isang kasalan na walang katapusan. Ito ay sinadya para sa isang walang hanggang kaluwalhatian! Ang awit na ito ay tungkol kay Jesus at sa Kanyang nobya! Ang Nobyo ay ang ating Hari at Panginoon, na si Jesu-Cristo, at ang nobya ay ang Kanyang iglesya—mga mananampalataya na naghanda sa kanyang pagbabalik, na may paghihintay ng buong pananabik, at ang puso ay walang dungis at gusot.