Biyernes, Disyembre 16, 2011

ANG IGLESYA SA ZION!

Ang puwersang nagtutulak sa likod ng iglesya ni David ay ang ganap na pagsandal sa Espiritu Santo. Narito kung ano ang nagbukod kay David:

“Kinuha ni Samuel ang sungay na sisidlan ng langis, at binuhusan niya si David ng langis sa harapan ng kanyang mga kapatid. At nilukuban si David ng Espiritu ni Yahweh. Mula noon, sumakanya na ang Espiritu ni Yahweh” (1 Samuel 16:13).

Nang si David ay nasa banig na ng kamatayan, sinabi niya sa kanyang anak na si Solomon: “Nais kong sabihin sa iyo kung bakit ako ay pinagpala ng Diyos. Nais kong sabihin sa iyo ang lihim ng aking ministeryo.” Makinig sa mga huling salita ni David sa kanyang anak: “Nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ni Yahweh, ang salita niya’y nasa aking mga labi” (2 Samuel 23:2).

Sinasabi ni David, “Hindi ako nagtiwala sa aking karunungan at kaalaman. Hindi ako nagtiwala sa anumang bahagi ng aking laman. Ako ay isang mahinang tao—ngunit ako ay sa Espiritu Santo umaasa! Ang bawat salita na aking sinabi ay nasa ilalim ng kanyang basbas at pahid ng langis. Ang salita niya’y nasa aking mga labi!”

Nang binuksan namin ang pintuan ng aming ministeryo para sa Pangkabataang Hamon dito sa Nuweba York, ang aming sagisag ay “Ang Espiritu Santo ang nasusunod dito!” Hindi ito “kung paano makikiayon” na pangangaral ang nagligtas sa mga kasapi sa mga samahang kabataan. Hindi sila napaluhod dahil nangaral kami ng maiksi at dagliang mga sermon. Hindi sila nasakdal sa pamamagitan ng nakaturong paglalarawan at kwento ng kalikasan. Hindi! Ang mga datihang mga lulong sa bawal na droga ay nagpatotoo sa kanilang mga kaibigan, “Minsan din akong nakatira sa lansangan katulad mo. Ngunit tingnan mo ako ngayon! Binago ako ng Espiritu ng Diyos!”

Nangusap si Solomon ng tungkol sa mga puno, mga mababangis na hayop, mga isda, mga gumagapang na hayop. Ngunit si David ay nangusap ng pagiging malapit sa Diyos, ng pagkawasak at pagsisisi. Si David ay nahikayat at binago ng sariling pangangaral. Lubos niyang binigyang halaga ang presensiya ng Espiritu Santo sa kanyang buhay, hiningi niya sa Panginoon na huwag kailanman alisin ang Kanyang Espiritu sa kanya. Alam ni David na wala siyang kabuluhan kung wala ang Espiritu Santo!

Sinabi ni Pablo, “Sa aking pananalita at pangangaral ay hindi ko sinubukang hikayatin kayo sa pamamagitan ng mahuhusay na talumpati at karunungan ng tao. Subalit nangaral ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu, upang ang inyong pananamapalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao” (1 Corinto 2:4-5).

“Kaya nga, kami ay nangaral hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Ang ipinapaliwanag namin ay mga katotohanang espirituwal para sa mga pinapanahanan ng Espiritu. Sapagkat ang taong di pinapanahanan ng Espiritu ay ayaw tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal” (t. 13-14).