Lunes, Disyembre 19, 2011

ANG IGLESYA NG ESPIRITU SANTO!

Hindi ka dapat magsimba nang hindi nananalangin, “Diyos ko, ibigay mo sa akin ang pandinig ng Espiritu Santo. Tulungan mo akong makarinig, makaunawa at magamit ang iyong Salita sa buhay ko!” katulad din ng pagbabasbas ng Espiritu Santo sa bibig ng pastor bago mangusap, kaya babasbasan niya ang iyong tainga para makarinig.

Sa isang iglesya ng Espiritu Santo palagi mong maririnig ang namimilipit na daing ng pagsisisi. Sa katunayan, hindi ka magiging Banal na Esprituwal na tao hanggang hindi ka “dumadaing na namimilipit”. At iyan ang isang bagay na hindi nagawa ni Solomon!

Hindi ganap na dalisay ang iglesya ni David; sa katunayan, ito ay isang uri ng iglesya sa Corinto. Si David ay nangalunya; pumatay siya ng inosenteng tao; isang panahon na naglalakad siya sa isang kahindik-hindik na panlilinlang. Gayunman, pagkatapos magkasala ni David, nabigkas niya itong naghihirap na taghoy mula sa kaibuturan ng kanyang pagkatao: “Linisin mo sana ang aking karumhan, at patawarin mo’ng aking kasalanan! Mga pagkakasala ko’y kinikilala, di ko malilimutan, laging alaala. Sa iyo lang ako nagkasalang tunay, at ang ginawa ko’y di mo kinalugdan; kaya may katuwiran ka na ako’y hatulan, marapat na ako’y iyong parusahan. Sa iyong harapa’y huwag akong alisin; iyong Banal na Espiritu’y paghariin” (Awit 51:2-4,11).

Ang makabagbag-damdaming pagtangis ay isang tatak ng iglesya ng Espiritu Santo! Syempre, mayroong mga tao sa iglesyang ito na nabigo at nabuhay sa panlilinlang. Ngunit katulad ni David, sila ay naging lubhang sensitibo sa gawain at pagkilos ng Espiritu Santo, hindi nila palaging kailangan ang isang propeta para sabihin sa kanila na nagkasala sila. Nagsisi sila bago pa man dumating ang propeta sa kanila—sapagkat nadama nilang nasugatan dahilan sa kanilang kasalanan!

Sinabi ni David tungkol sa kanyang kasalanan: “Daigdig ng mga patay, ako’y pinupuluputan, patibong ng kamatayan, ang aking daraanan. Sa kagipitan ko, ako ay tumawag, ang Diyos na si Yahweh ay aking hinanap. Mula sa templo niya ay kanyang dininig, ang aking pagsamo at ang aking hibik. Mula sa ilalim ng tubig sa dagat, iniahon ako’t kanyang iniligtas. Iniligtas ako sa mga kaaway na di ko makayang mag-isang labanan” (2 Samuel 22: 6-7, 17-18).

Dudurugin ng Diyos ang iglesya ni Solomon at muling ibabangon ang iglesya ni David mula sa pagkaguho na ito! Ang natirang iglesyang ito ay may makadiyos na kalungkutan para sa kasalanan. Tatangis ito ng may hapis at pagsisisi at ganap na sasandal sa Espiritu Santo!

“Pagkatapos nito ay babalik ako, at muli kong itatayo ang bumagsak na kaharian ni David. Muli ko itong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho” (Gawa 15:16).