Miyerkules, Disyembre 28, 2011

SA DULO NG KAPIGHATIAN

Isinulat ni Pablo “. . .subali’t nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na uling bumubuhay sa mga patay” (2 Corinto 1:9). Sinabi niya na may kakanyahan, “Dinala ako ng Panginoon sa dulo ng lahat ng tulong ng tao, sa bingit ng kamatayan. Inilagay ito na wala ng pag-asa, ang Diyos lamang na may kapangyarihang muling buhayin ako ang tanging makapagliligtas sa akin!”

Isang kalalagayan na kamangha-mangha na maari mong marating—sa dulo ng iyong pagdurusa! Palagi kong sinasabi na na kapag sumagad ka na ay matutumbok mo ang Diyos! Gayunman, kung makikinig ka sa nakararaming Kristiyano na nasa gitna ng kanilang pagdurusa, maririnig mo, “Makakayanan ko ito. Kapit lamang ako. Nabubuhay ako ng isa-isang araw.”

Mula pa sa pagkabata kami ay sinusubuan ng katuruan ng kakayanang-pangsarili: “Tanggapin mo itong bilang isang tunay na lalaki! Hindi umiiyak ang lalaki!” Ilang ulit mo nang sinubukang ayusin ang iyong sariling kapighatian? Ilang ulit ka nang binaha ng mga tukso na nadaig ka?

Nakikiusap ako na huwag ninyo akong maliin. Naniniwala ako na nais ng Diyos na labanan natin ang mabuting pakikipaglaban ng pananampalataya, ngunit ang Panginoon ay may paraan na pinapayagan tayo na “madiin ng labis na kabigatan.” Walang anumang bagay ang sinubukan mo ang nakatugon. Walang anumang nabasa mo ang nakatulong. Walang payo ng iba ang may bisa. Kalaunan ay, napilitan ka sa isang krisis na nagwasak ng lahat ng tiwala sa sarili mo. Wala ka nang pag-asa—maliban sa isuko mo na ang lahat ng tiwala sa tao. Napilitan kang magtiwala sa Diyos—at nakita mo na ang tanging lunas ay ang magtiwala sa Kanya!

Maliwanag na sinasabi ni Pablo, “May taning na ang buhay ko. Sinubukan na ako ng sukdulan, sa dulo ng kawalan ng pag-asa. At iyon ang lahat para tuluyan na akong mawalan ng tiwala sa aking sarili! Kailangan nang bumaling ako sa Diyos, may pananampalataya na siya lamang ang tanging makapagliligtas sa aking mga pagdurusa!”

“Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipahihintulot na kayo’y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon” (1 Corinto 10:13).

Ano ang paraan na ito para makatakas? Ito ay umabot ka na sa sukdulan ng iyong kakayahan at ganap na bumaling sa Diyos! Ito ay ang sinasabi, na katulad ni Pablo, “Wala na akong tiwala sa sarili ko!”

Simple lamang ang paraan para makatakas, ang pananampalatayang katulad ng sa bata. Ito ay ang lubos na pananalig sa Kanya para malampasan mo ang lahat ng iyon at sinasabing, “O Diyos, ipinagkakaloob ko ang lahat sa Iyo!”