Huwebes, Nobyembre 10, 2011

NAIS NI JESUS ANG PINAKAMABUTI PARA SA NOBYA

Nadudurog ang puso ng Panginoon kapag tinatanong natin ang kanyang kakayahan at pagnanais na gawin ang pinakamabuti para sa atin! Maliwanag na sinabi sa atin ng Bibliya kung paano nagbigay ang Panginoon ng kahanga-hanga, masusing pag-aalaga kay Ruth. Ipinangako ni Ruth ang kanyang pag-ibig sa Diyos at sinabi kay Naomi, ang kanyang biyenan: “Saan man kayo pumunta, doon din ako pupunta. Kung saan kayo tumira, doon din ako titira. Ang inyong bayan ang magiging aking bayan. Ang inyong Diyos ang magiging aking Diyos” (Ruth 1:16).

Iniibig ng Diyos si Ruth at binuksan ang bawat pintuan para sa kanya. Siya ay mahirap lamang at kinakailangang mamulot sa kabukiran, ngunit sinabi ng Kasulatan, “Nagkataong ang napuntahan niya ay ang bukid ni Boaz…” (Ruth 2:3). Ngayon, hindi maaring basta “nangyari” na lamang ito. Sinadya ito ng Panginoon at alam niya kung ano mabuti para kay Ruth!

Mahal na mahal ni Ruth ang Panginoon—ibinigay niya ang lahat ng pagtitiwala niya sa Kanya—at ang Diyos ay may inihandang napakayamang lalaki para mapangasawa niya! Nakita ni Boaz si Ruth sa bukid at madaliang namasdan niya, “Naiiba siya, tunay na naiiba.” Nabihag ang puso niya!

Isang kahanga-hangang kuwento ng pag-ibig at di kapani-paniwalang kalagayan na nagdala sa lahat ng ito. Pinakasalan ni Ruth ang maka-diyos na lalaking ito, at kung iyon ay gagawin ng Panginoon para kay Ruth, hindi kaya tama lamang ang gagawin niya para sa sarili Niyang nobya, sa bawat pagkakataon?

Mayroon tayong mas mayaman at makapangyarihan ng higit pa kay Boaz. Siya ang nagmamay-ari ng mga kawan ng baka sa libu-libong bulubundukin. Alam niya ang lahat at kaya niyang gawin ang lahat at iniibig niya ang kanyang nobya! Oo, kumikilos ang Panginoon sa lahat ng bagay sa iyong buhay para sa mas makabubuti para sa iyo. At nalulugod siyang gawin ito.

Maging sa pagdurusa at mga pagsubok, ang lahat ng umiibig kay Jesus ay nakukuha ang kanyang panahon! Gayunman, ang nakakalungkot madalas na hindi natin binibigyan ng halaga ang mga bagay na ito. Nagdududa tayo na hindi siya kumukilos sa lahat ng panahon, na ginagawa ang lahat na makabubuti para sa atin.

Minamahal, wala nang makadudurog ng higit pa sa puso niya! Isinalarawan ni Pablo ang nobya ni Cristo, “upang ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili bilang isang maluwalhating iglesya na walang anumang dungis ni kulubot man upang ito ay maging banal at walang kapintasan” (Efeso 5:27). Ang “kulubot” dito ay nangangahulugan na “nakatupi,” katulad sa isang mukha—kulubot na kilay. Ito ay nangungusap ng pag-aalala, nagtatampo, at sinasabi ni Pablo na ang nobya ni Jesus ay hindi magkakaroon ng “guhit ng pag-aalala” sa kanyang mukha.

Ang nobya ni Cristo ay namamahinga sa kanyang pag-ibig. Siya ay may tiwala na alam Niya kung nasaan siya, kung ano ang nararamdaman niya, kung ano ang pinagdadaanan niya, at kung ano ang mabuti para sa kanya. Ang kanyang pag-ibig ay nagbibigay ng kapayapaan at kapanatagan. Alam niya na hindi Niya papayagan ang anumang bagay na maglalayo sa Kanya o makakasakit sa kanya. Siya ay iingatan Niya sapagkat sinabi Niya, “Siya ay akin!”