Ano ang iisipin ng isang lalaki kung iimbitahan siya ng kanyang nobya sa kanyang tahanan, paupuin siya sa salas at pagkatapos ay nagpatuloy siya sa kanyang gawaing bahay? Habang naghihintay siya, nagtatrabaho siya sa kusina, nagpupunas ng mga kasangkapan sa bahay, naglalampaso ng sahig—at hindi man lamang siya kinakausap!
Si Jesus din ay nagdusa ng kahalintulad na kirot na maaring madama ng isang tao kapag ang kanyang minamahal ay patuloy na nagpupuri sa kanya, sinasabing “Iniibig kita” ng paulit-ulit, ngunit hindi naman nagbibigay sa kanya ng kahit na maliit na panahon man lang.
Ang minamahal ay maaring magsabi, “Siya naman ay laging nasa isipan ko.” Narinig ko na iyan sa mga tao tungkol kay Jesus: “Lagi siyang nasa isipan ko sa buong araw.” Ngunit maaring nasa isipan mo siya sa buong araw ngunit patuloy mo naman siyang binabalewala! Kapag ito ay ginagawa ng babaeng pakakasalan, ang sinasabi niyang pag-ibig ay isang kasinungalingan! Maaring sabihin niya sa lalaking pakakasalan na tunay siyang iniibig, ngunit iba naman ang ipinakikita ng kanyang mga kilos.
Tanong ng Panginoon, “Malilimutan ba ng dalaga ang kanyang mga alahas, o ng babaing ikakasal ang kanyang damit pangkasal? Subalit ako’y kinalimutan ng sarili kong bayan nang napakahabang panahon” (Jeremias 2:32). Sinabi rin ni David na patuloy na kinalilimutan ng Israel ang Panginoon: “Kanilang nilimot ang Diyos na si Yahweh, ang Tagapagligtas, ang kanyang ginawa doon sa Egipto’y kagila-gilalas” Awit 106:21).
Binanggit ng Panginoon sa Kasulatan ang kirot na nadama niya para makita ng lahat! Maliwanag na sinabi niya, “Pinabayaan na ako ng mga tao ko ng nakapahabang panahon!” Bakit kailangan sabihin ng Panginoon sa sanlibutan ang ganitong pagpapabaya? Hindi ba nararapat na ang mga bagay na hindi tugma sa nagmamahalan ay sinasarili na lamang? Hindi—nais niyang malaman natin kung gaano siya nasasaktan! Sinabi niya sa buong sanlibutan sapagkat lubos na nadurog ang puso niya dahilan sa ating mga ikinikilos!
Isipin mo na ikaw ay isang babaing nakatakda ng ikasal na kasama ang lalaking iyong pakakasalan sa pagsimba. Hinawakan mo ang kanyang kamay at sinabi sa lahat na, “Ikakasal na kami. Mahal na mahal ko siya—siya ay tunay na kahanga-hanga!” Ngunit pagkalabas ninyo ng pintuan, ay bigla ka na lamang nanahimik at hindi mo man lamang siya kinakausap! Ano sa palagay mo ang iisipin niya?
Ayoko ng isang pakakasalan na pinupuri ang aking pagiging mabuting tao, sinasabi ang mga malalambing na pananalita sa publiko, sinasabi kung gaano ako kahalaga, at pagkatapos ay manlalamig at umiiwas na gumugol ng panahon na kasama ako. Hindi ito tunay na pagmamahal!
Minamahal, kapag wala kang mahalagang sandali kasama si Jesus sa araw-araw—kung hindi ka gumugugol ng sandali ng pananalangin sa kanya, o sinasaliksik ang kanyang mga Salita—hindi mo siya tunay na iniibig at dinudurog mo ang kanyang puso!