Dahilan sa pagiging makasalanan ng pagkasaserdote at ng mga tao, ang Diyos ay hindi nakikipa-usap sa Israel. Sinabi ng Bibliya, “Nang panahong iyon, bihira nang magpahayag si Yahweh at bihira na rin ang mga pangitaing galing sa kanya” (1 Samuel 3:1). Gayunman, sa kalagitnaan ng taggutom sa Salita, ang Panginoon ay nagpakita sa batang si Samuel: “Siya’y tinawag ni Yahweh, ‘Samuel, Samuel’.. ‘narito po ako,’ sagot niya. Hindi pa kilala noon ni Samuel si Yahweh sapagkat hinid pa ito nagpahayag sa kanya” (3:4,7).
Si Samuel ay labindalawang taong gulang lamang noon at kahit na siya ay isang banal na bata, hindi pa niya kilala ang tinig ng Panginoon. Kaya ang Diyos ay lumapit sa higaan ni Samuel at tinawag siya na naririnig niya. Noong una ang akala niya ay si Eli ang nagsasalita; hindi niya alam na siya ay sinasanay na makilala ang mga tinig—para deretsuhang makarinig mula sa Diyos!
Ang Diyos ay hindi nakikipag-usap sa saserdoteng si Eli, na lumaking bingi sa tinig Niya! Ang katotohanan, mistulang isang propeta lamang ang nakakarinig mula sa Diyos—isang hindi kilalang lalaki na nagbabala kay Eli na siya ay iiwan na ng Diyos (1 Samuel 2:27-36).
Ang makarinig mula sa Diyos ay nangangailangan ng higit pa sa tahimik na pag-iisa. Nangangailangan ito ng higit pa sa simpleng pagsasabi ng, “Mangusap ka Panginoon, para marinig ka ng iyong lingkod!” Hindi, walang anumang pamamaraan para marinig ang Diyos; walang sampung hakbang na susundin. Bago mo marinig ang Diyos, kailangang siya muna ang mangungusap sa iyo—at nakikipag-usap siya doon sa mga inihanda ang kanilang mga puso para makarinig!
Si Samuel ay walang malalim na teolohiyang pagkakakilala sa Diyos noong unang nakipag-usap ang Diyos sa kanya. Ngunit siya ay mayroong magiliw, dalisay, debotong puso na bukas para sa Panginoon. Kaya, ano sa palagay ninyo ang unang itinuro ng Diyos kay Samuel pagkatapos na makipag-usap sa kanya?
Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Hindi magtatagal at may gagawin akong kakila-kilabot na bagay sa Israel. Lahat ng makakabalita nito’y mabibigla. Pagdating ng araw na iyon, gagawin ko ang lahat ng sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli, mula sa umpisa hanggang sa katapusan. Sabihin mo sa kanya na habang panahon kong paparusahan ang kanyang sambahayan sapagkat hinayaan niyang lapastanganin ako ng kanyang mga anak. Ni hindi man lamang niya pinahinto ang mga ito. Dahil dito, isinusumpa kong hindi mapapawi ng anumang handog ang kalapastanganang ginawa ng sambahayan ni Eli” (tingnan 1 Samuel 3:11-14).
Hindi nakapagtataka na sinabi ng Bibliya na sinabi ni Samuel ang mga salitang iyon—narinig niya ang tinig ng Panginoon, gumugol siya ng panahon na nakatuon sa Kanya, nananalangin, hinahanap siya, at maliwanag na kinausap siya ng Diyos sa lahat ng sandali.
Mayroong mga tao ngayon na sinanay na makilala ang tinig ng Diyos. Ang mananalanging banal na ito ay ibinuhos ang kanilang puso sa Kanya—at bilang kapalit ay ibinuhos Niya rin ang sarili niya!