Martes, Abril 12, 2011

TUMAYO AT LUMAKAD

Ang paralisadong lalaki sa Marcos 2 ay pinatawad na at malaya na sa mga mata ng Diyos, ngunit siya ay bilanggo pa rin ng kanyang pagdadalamhati. Siya ay pinaginhawa na mula sa kanyang mga kasalanan, ngunit nanatili pa ring walang lakas. Alam niya na si Cristo ay isang kaluwagan ngunit hindi bilang isang pananauli!

Hindi sapat na maging isang pinatawad nang lumpo, isang pinalayang bilanggo. Mayroon tayong dapat gawin. Ang bahagi ni Cristo ay para mapalaya tayo sa harapan ng Diyos at ang bahagi natin ay tumayo at lumakad! Kailangan tayong humayo ng higit pa sa pagkakapalaya mula sa mga kasalanan patungo sa kalayaan ng kanyang mga pananauli.

“Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, 'Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,' o ng sabihing, 'Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka'? Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa..." sinabi niya sa paralitiko, "Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!" (Marcos 2:9-11).

Ang lalaking iyon ay hindi tumayo sa sarili niyang lakas; kundi ang kanyang lakas ay nanggaling kay Cristo. Kung wala si Cristo ay wala tayong magagawa. Makakayanan lamang natin ang mga bagay sa pamamagitan ng kanyang lakas at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo!

Sinasabi ni Cristo sa lalaking ito, “Gagawin kitang halimbawa ng aking kapangyarihan laban sa kasalanan! Kung saan ka mahina doon ka magiging malakas. Ang bagay na naging dahilan nang iyong pagkakabilanggo, pupulutin mo at iyong dadalhin. Mapangingibabawan mo angtanging naging dahilan nang iyong pagkakabagsak.”

Ang isang lumpo sa espirituwal ay hindi maaring maging tunay na pahayag ni Jesu-Cristo. Kailangan tayong mamuhay sa buong kapangyarihan at tagumpay ng buhay na malaya sa pagkakabihag ng kasalanan. Alam nating lahat ang ating kahinaan, mga lugar na kung saan tayo tinatablan, sinasabi ni Satanas sa atin na tayo ay mananatiling mahina sa ganitong situwasyon, at isang araw ay dadaigin nito.

Ngunit hindi! Sa pamamagitan ng kanyang maluwalhating kapangyarihan, kaya ng Diyos na gawin tayong malakas kung saan tayo mahina. Iyan ang ibig sabihin ng Kasulatan ng nagpahayag ito ng kanyang lakas na ginawang ganap sa pamamagitan ng ating kahinaan.

Ano ang humahadlang sa iyo? Isang nanatiling kasalanan, isang kahinaan, isang hindi pa naisasaayos na pansariling mabigat na dalahin? Kung ano man ito, kailangang mawala ito! Hindi ka maari pang nakagapos sa higaan ng kabiguan. Ang lahat ng ito ay nagampanan na sa pamamagitan ng pananampalataya sa mga pangako ng Diyos.

Nais ng Panginoon na ikaw ay bumangon na mula sa higaang iyan! Ibibigay niya sa iyo ang lahat ng kapangyarihan na kailangan mo para makapanaig at lumakad ng ganap na malaya!