Ang alalahanin ng Diyos ay ang kanyang mga tao ay nayayanig sa kanilang pananampalataya—at hindi sila nanalig sa kanya sa kanilang kagipitan. Mga minamahal, ang pinakamalala nating kasalanan ay ating kawalan ng paniniwala na tutuparin niya ang kanyang mga pangako. At iyan ay nakakasakit sa kanya ng higit pa sa pangangalunya, kalaswaan, droga at abuso sa alak o sa iba pang kasalanan ng laman.
Sinabi ng kanyang Salita, “Alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya” (2 Pedro 2:9). “Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon” (1 Corinto 10:13).
Ang mga talatang ito ay mabuting balita o ito ay kasinungalingan. Ngunit kung ito ay mabuting balita, kung ganoon ay kailangan natin itong panindigan. Nais ng Diyos na kaya nating sabihin, “Panginoon, kung ako ay mamamatay sa kinatatayuan ko ngayon, nagtitiwala sa iyo na sasamahan mo ako, kung ganoon ay hayaan mo akong mamatay na may pananampalataya. Mabuhay o mamatay, ako ay sa iyo.”
Hayaaang ang lahat ng hangin at alon ng impiyerno ay dumating sa iyo. Hayaang ang lahat ay dumating sa iyo. Sinabi ng Diyos natin na kaya niya—at alam niya kung paano ka ililigtas.
Hangarin niya na ikaw at ako ay may kagalakan, kapayapaan, tagumpay at kapahingahan sa ating paglalakad. Naghahanap siya ng mga lalaki at babae na maninindigan laban sa kung ano man ang darating sa madilim na panahong ito—mga lingkod na tatayong mahinahon at may kapayapaan sapagkat si Cristo ay nananahan sa kanila.
Lubos na ninanais ng Diyos na ikaw ay makarating sa lugar na iyon na may buong pagtitiwala. Nais niya na huwag ka nang mangangamba kailanman, kundi tunay na mamahinga sa kanyang kapangyarihan at kakayahan. Alam niya kung paano ka ililigtas mula sa lahat ng bitag, pagsubok at tukso—kung ikaw lamang ay magtitiwala sa kanya.