Noong 1958, ako’y namighati tungkol sa isang balita sa pahayagan na tumalakay sa pitong kabataan na humaharap sa isang paglilitis sa pagkakapatay sa isang batang-lumpo. May masidhing pagpukaw sa akin ang Banal na Espiritu na may matinding pagkakadama na ako ay itinutulak na magtungo sa hukuman sa Nuweba York na kung saan ginagawa ang paglilitis, at ako’y pumasok sa hukuman na inudyukan ng Espiritu na subukan kong makipag-usap sa mga kabataang iyon.
Habang patapos na ang pagpupulong sa araw na yaon, gayunman, isang kagyat na pang-unawa ang naramdaman ko. Naisip ko, “Ang mga kabataang iyon ay ilalabas sa tagilirang pintuan na nakakadena, at hindi ko na sila makikitang muli.” Kaya’t tumayo ako at nagtungo sa daraanan patungo sa upuan ng hukom, na kung saan ako’y naki-usap na payagan na makipag-usap sa mga kabataang iyon bago sila bumalik sa kanilang kulungan.
Sa isang saglit, sinunggaban ako ng mga pulis, at ako’y padalos-dalos na inihatid palabas mula sa hukuman. Ang mga kamera’y nagkislapan sa buong paligid ko, at ako’y pina-ulanan ng mga katanungan mula sa mga mamamahayag na kumukuha ng salaysay sa paglilitis na iyon. Nakatayo lamang ako doon na hindi makakibo, ganap na gulilat, sa isang nakakahiyang kalagayan. Naisip ko, “Ano ang iisipin ng simbahan pagbalik ko? Iisipin ng mga tao na ako’y hibang. Naging isang walang ka-alam-alam.”
Sa gitna ng lahat ng kaguluhang ito, Nanalangin ako ng tahimik, “Panginoon, akala ko ay pinapunta mo ako rito. Ano ang mali sa nangyari?” Hindi ako makapanalangin ng malakas, oo nga, sapagkat ang mga mamamahayag ay iisipin na mukha talaga akong hibang. (Nagmukha na nga akong tanga, sapagkat naka kurbata akong maliit!)
Narinig ng Diyos ang daing ng kawawang lalaking ito sa araw na iyon, at lagi na niyang pinaparangalan ang aking tahimik na pagdaing mula noon. Nakita mo, mula sa nakakahabag na kalagayan ng tagpong iyon sa hukuman, ang ministeryo ng Hamon Pangkabataan (Teen Challenge) ay isinilang, na umaabot na sa buong–daigdig. At nagagalak ako sa mapagpakumbabang patotoo ni David mula sa Awit 34: “Aking pupurihin kanyang mga gawa, kayong naapi, makinig, matuwa” (Awit 34:2).
Sinasabi dito ni David, na may kakanyahan, “Mayroon akong nais sabihin sa lahat ng mapagpakumbabang mga tao ng Diyos dito sa sanlibutan, ngayon at sa mga panahon pang darating. Habang ang mundong ito ay nananatili, ililigtas ng Panginoon ang lahat na tumatawag sa kanya at nananalig sa kanya. Sa di-kapani-paniwalang kahabagan at pag-ibig niya, iniligtas niya ako, kahit na gumawa ako ng isang kahangalan.”
Ang dapat mo lamang malaman ay ang ating Banal na Panginoon ay naririnig ang lahat ng taus-pusong pagdaing, malakas man o hindi binibigkas, at siya ay tumutugon. Kahit na kumilos ka ng may kahangalan o may labis na kabiguan sa pananalig, kailangan mo lamang na bumalik sa pagtawag sa iyong Tagapagligtas. Siya ay tapat upang pakinggan ang iyong daing at para kumilos.