Ang buong sanlibutan ay nanginginig sa takot ngayon dahilan sa pagsiklab ng sindak at mga kalamidad na nangyayari sa buong daigdig. Araw-araw gumigising tayo na mayroon na namang kapahamakang nangyari. Sinasabi ng ibang tagamasid na tayo ay sumasaksi sa simula ng Pangatlong Digmaang Pandaigdig.
Ang mga hindi mananampalataya ay naniniwala na wala nang sulusyong natitira, na ang lahat ay umiinog sa kaguluhan sapagkat walang “panlahatang-nakakakita ng pamamahala.” Ngunit ang mga tao ng Diyos ay iba ang pananaw. Alam natin na walang dapat ikatakot, sapagkat ang Bibliya ay nagpapaalala sa atin paulit-ulit na ang lahat ay nasa pangangalaga ng Panginoon. Walang nangyayari sa sanlibutan na hindi niya alam at hindi niya pinangangalagan.
Ang Taga-awit ay sumulat, “Ang Diyos ay Panginoon, hari siya ng nilikha, maghahari sa daigdig sa lahat ng mga bansa” (Awit 22:28). Kahalintulad, ang propetang si Isaias ay nagpahayag sa sanlibutan, “Lumapit kayo mga bansa, mga lahi at mga bayan! Unawain ninyo ito, kayong lahat ng narito sa daigdig” (Isaias 34:1). Sinasabi niya, “Makinig, mga bansa, at makinig na mabuti. Nais kong sabihin sa inyo ang isang bagay na mahalaga tungkol sa Lumikha ng Sanlibutan.”
Isinalaysay ni Isaias na kapag ang galit ng Diyos ay pinukaw laban sa mga bansa at sa mga sandatahan nito, ang Panginoon mismo ang pupuksa sa kanila. “Di ba ninyo alam, sa harap ni Yahweh ang alinmang bansa ay walang kabuluhan? Tulad lang ng isang patak ng tubig sa isang sisidlan ang mga pulo ay parang alikabok lamang ang timbang…Sa kanyang harapan ay walang halaga ang lahat hg bansa…Ang lumikha nito ay ang Diyos na nagluklok sa kanyang trono doon sa kalangitan, mula roon ang tingin sa tao’y tulad lang ng langgam…Saan ninyo ngayon ipaparis ang Diyos? Siya’y kanino katulad?” (Isaias 40: 15, 17, 22, 25).
At noon si Isaias ay nagwika sa mga tao ng Diyos , na lubhang bugbog at naguguluhan sa mga nangyayari sa sanlibutan. Nagpayo siya, “Tumingin sa langit, sa maluwalhating kalangitan. Pagmasdan ang miyun-milyong mga bituin na inilagay doon. Ang Diyos mo ang lumikha at nagbigay ng pangalan ng bawat isa. Hindi ba’t mas mahalaga ka sa kanya kaysa sa kanila? Kaya huwag matakot.”
Dapat nating malaman na mayroong mapa sa langit, isang plano na iginuhit ng Ama para sa daraanan ng kasaysayan. At alam niya ang katapusan mula sa simula. At sa pagbubunga ng mga planong ito, naniniwala ako na dapat nating itanong sa ating sarili: “Saan nakatuon ang tingin ng Panginoon sa lahat ng ito?” Ang Diyos ay hindi nakatingin sa mga malalatang-diyos na diktador o sa kanilang mga pananakot.
Sinigurado ng Kasulatan sa atin, “Ang mga pinuno’y iniaalis niya sa kapangyarihan at ginagawang walang kabuluhan. Tulad nila’y mga halamang walang ugat, bagong tanim agad natutuyo at tila dayaming tintangay ng hangin” (Isaias 40: 23,24).