Tinawag tayo ni Hesus sa isang uri ng pamumuhay na hindi nag-iisip o nag-aalala tungkol sa kinabukasan at ilagay ang ating buong kinabukasan sa kanyang mga kamay: “Kaya’t huwag isipin, sasabihing, Ano ang aming kakainin? O, Ano ang aming iinumin? O, Ano ang aming damit na isususot? (Dahil ito ang mga hinahanap ng mga Hentil). Ang inyong Amang nasa langit ay alam ang lahat ng inyong pangangailangan.
“Ngunit pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ipagkakaloob niya ang lahat ng kailangan ninyo. Kaya, huwag ninyong ikabahala ang para sa araw ng bukas, saka na ninyo harapin kapag ito’y dumating. Sapat na sa bawat araw ang kanyang mga suliranin” (Mateo 6:31-34).
Hindi ipinapakahulugan ni Hesus na hindi na tayo magpaplano nang maaga o wala nang gagawin para sa ating kinabukasan. Sa halip, sinasabi niya, “Huwag mabagabag o mag-alala tungkol sa kinabukasan.” Kapag inisip mo ito, ang marami na nakakabagabag sa atin ay tungkol sa kung ano ang maaring mangyari sa kinabukasan. Madalas tayo ay ginugulo ng dalawang salita: Paano kung?
“Paano kung bumagsak ang ekonomiya, at mawalan ako ng trabaho? Paano ko mababayaran ang isinanla ko? Paano kami mabubuhay ng pamilya ko? Paano kung mawala ang aking pangkalusugang seguro? Kapag ako ay nagkasakit o kailangang madala sa pagamutan, masisira na ang buhay namin. O, paano kung manghina na ang kalusugan ko sa panahon ng mga pagsubok?” Tayong lahat ay may libu-libong “paano kung” na pagkabagabag.
Pinigilan ni Hesus ang ating mga “paano kung” at sinasabi sa atin, “Alam ng iyong Amang nasa langit kung paano ka kakalingain.” Patuloy pa niyang sinabi, “Wala kang dapat ipag-alala. Alam ng iyong Ama na mayroon kang mga pangangailangan sa lahat ng mga bagay na ito, at hindi ka niya kailanman pababayaan. Siya ay tapat para pakainin ka, bihisan ka at kalingain upang ipagkaloob ang lahat ng pangangailangan mo.
“Masdan ninyo ang mga ibon: hindi sila naghahasik ni nag-aani o kaya’y nagtitipon sa bangan. Gayunman, pinakakain sila ng inyong Amang nasa langit…isipin ninyo kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagpapagal o humahabi man…maging si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng isa sa mga bulaklak na ito.
Kung ang mga damo sa kabukiran, na buhay ngayon at kinabukasa’y iginagatong sa kalan, ay dinaramtan ng Diyos, kayo pa kaya? Kay liit ng pananalig ninyo sa kanya” (Mateo 6:26, 28-30).
Magalak naming ipinagkakaloob ang aming mga kahapon sa Panginoon, ibinigay sa kanya ang aming mga nakalipas na mga kasalanan. Nanalig kami sa kanya sa kapatawaran ng lahat ng aming mga nakalipas na kabiguan, pagdududa at mga pagkatakot. Kaya’t bakit hindi natin gawin kahalintulad pati na ang para ating mga kinabukasan? Ang katotohanan ay, marami sa atin ay mahigpit ang kapit sa ating kinabukasan, nagnanais na panghawakan ang ating mga pangarap. Gumagawa tayo ng pansariling balak na walang pakialam ang Diyos, at pagkatapos ay hihingin natin na pagpalain niya at isakatuparan ang mga pag-asa at mga hangaring iyon.