Biyernes, Mayo 16, 2008

IHAGOD MO ANG IYONG MGA DALIRI SA IYONG BUHOK

Inilarawan ni Kristo ang mga huling araw bilang magulo at kasindak-sindak na panahon: “Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga sakunang darating sa sanlibutan…Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat” (Lucas 21: 26, 25).

Ano ang ibinigay ni Hesus sa atin upang mapaghandaan ang mga kapahamakang ito? Ano ang kanyang lunas sa katatakutan na darating?

Ibinigay niya ang pagsasalarawan ng ating Ama na pinagmamasdan ang maya, ang Diyos na bilang ang bawat hibla ng ating buhok sa ating ulo. Ang mga pagsasalarawan nito ay lalong naging makahulugan noong ating isina-alang-alang ang susi ng kahulugan na ibinigay ni Hesus sa kanila.

Sinabi niya ang mga pagsasalarawan nito sa kanyang labindalawang disipulo, habang ipinadala niya sila upang mangaral sa mga lunsod at bayan ng Israel. Pinagkalooban sila ng kapangyarihan na makapagpalayas ng dimonyo at makapagpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman. Isipin kung gaano nakapagpapasiglang sandali ang mga iyon para sa mga disipulo. Binigyan sila ng kapangyarihan upang gumawa ng mga himala at mga kababalaghan! Ngunit pagkatapos ay dumating ang nakakasindak na babala mula sa kanilang Panginoon:

“Hindi kayo magkakaroon ng salapi sa inyong mga bulsa. At hindi kayo magkakaroon ng tahanan, maging ng bubong na tutulugan. Sa halip, kayo ay tatawaging erehe at mga diyablo. Kayo ay bubugbugin sa mga sinagoga, hihilain sa harapan ng mga hukom, itatapon sa piitan. Kayo ay kapopootan at kamumuhian, ipagkakanulo at uusigin. Kayo ay tatakas mula sa bawat lunsod upang makaiwas na pamatuhin.

Ngayon isalarawan ang mga lalaking ito na mulat na mulat ang mga mata habang nakikinig kay Hesus. Malamang sila’y kinapitan ng takot. Naisip ko habang sila ay nagtataka, “Anong uri ng ministeryo ito? Yaon ba ang naghihintay sa aking kinabukasan? Ito ang pinakamalungkot na pananaw sa buhay na narinig ko.”

Gayunman, sa ganito ring tagpo, sinabi ni Hesus sa mga iniibig na kaibigan ng tatlong ulit: “Kaya huwag kayong matakot sa kanila!” (Mateo 10:26, 28, 31). At ibinigay niya ang lunas sa lahat ng katatakutan: “Ang mata ng Ama ay laging nakamasid sa maya. Gaano pa kaya para sa inyo. Higit kayong mahalaga, mga iniibig”

Sinasabi ni Hesus, “Kapag pumasok ang pagdududa—kapag kayo ay nasa dulo na nang pang-unawa at naiisip ninyo na wala nang nakakakita ng inyong pinagdadanasan—narito kung paano matatagpuan ang kapahingahan at kasiguruhan. “pagmasdan ang mga maliliit na ibon sa labas ng inyong bintana. At ihagod ang inyong mga daliri sa inyong buhok. Pagkatapos ay alalahanin ang sinabi ko sa inyo, na ang maliliit na nilikhang ito ay may di-masukat na kahalagahan sa inyong Ama. At ang inyong buhok ay magpapa-alala na kayo ay may dakilang kahalagahan sa kanya. Ang mata Niya ay laging nasa inyo. At siyang nakakakita at nakaririnig ng bawat galaw mo ay malapit lamang.

Iyan ay kung paano tayo kinakalinga ng Ama sa panahon ng mga kagipitan.