Inutusan ni Jesus ang kanyang mga disipulo na sumakay ng bangka na patungo sa isang banggaan. Sinabi ng Bibliya na kanyang “inutusan sila na sumakay sa bangka…” na patungo sa maalong dagat na kung saan ito ay hahampas-hampasin ng malalakas na alon na parang isang tapon. Ang mga disipulo ay dinala sa isang mapanganib na karanasan—at alam ni Jesus ang lahat ng ito.
“Pinasakay kaagad ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa isang bangka. Pinauna niya sila sa kabilang ibayo, habang pinaaalis niya ang napakaraming tao” (Mateo 14:22).
Nasaan si Jesus? Siya ay nasa itaas ng bundok nakatanaw sa dagat. Nandoon siya nananalangin para sa kanila na huwag silang mabigo sa pagsubok na alam niya na dapat nilang pagdaanan. Ang paglalakbay sakay ng bangka, ang bagyo, ang malakas na alon, ang malakas na hangin ay bahagi lahat ng pagsubok na kasama sa plano ng Ama. Matututunan na nila ang pinakamahalagang liksyon na dapat nilang maranasan—ang kung paano kilalanin si Jesus sa sandali ng bagyo.
Sa puntong ito, kilala ng mga disipulo si Jesus bilang gumagawa ng himala, ang Lalaki na ginawang himalang pagkain ang mga tinapay at isda. Kilala nila siya bilang kaibigan ng mga makasalanan, Siyang nagdala ng kaligtasan sa bawat uri ng sankatauhan. Kilala nila siya bilang tagapamahagi ng lahat ng kanilang mga pangangailangan, maging ang pagbabayad ng kanilang mga buwis ng salapi na galing sa bibig ng isda.
Kilala nila si Jesus bilang “si Cristo, ang tanging Anak ng Diyos.” Alam nila na nasa kanya ang salita ng buhay na walang hanggan. Alam nila na may kapangyarihan siya laban sa lahat ng gawain ng diyablo. Kilala nila siya bilang guro, nagturo sa kanila paano manalangin, ang magpatawad, ang magtali at ang makaalis sa pagkakatali. Ngunit hindi nila nakilala si Jesus sa sandali ng bagyo.
Ito ang ugat na pinamulan ng halos lahat ng ating mga kaguluhan sa panahong ito. Nagtitiwala tayo kay Jesus para sa mga himala at pagpapagaling. Naniniwala tayo sa kanya para sa ating kaligtasan at kapatawaran ng ating mga kasalanan. Nakatingin tayo sa kanya bilang siyang tagapamahagi ng lahat ng ating mga pangangailangan at nagtitiwala tayo sa kanya na dadalhin niya tayo sa kaluwalhatian isang araw. Ngunit kapag biglang dumating ang bagyo sa ating buhay at ang lahat ay mukhang wala ng pag-asa, nahihirapan tayo na makita si Jesus sa tabi natin. Hindi tayo makapaniwala na hahayaan niya ang bagyo na turuan tayo kung paano magtiwala. Hindi tayo makasiguro na malapit lamang siya kapag dumating ang mga mabibigat na pagsubok.
Mayroon lamang isang liksyon para sa mga disipulo na dapat matutunan sa bagyong ito—isa lamang! Isang payak na liksyon—hindi isang malalim, mahiwaga, isang makayanig-mundo. Nais lamang ni Jesus na mapanatili nila ang kanilang kagalakan at tiwala sa sarili maging sa pinakamadilim na bahagi ng ating mga pagsubok. Iyon lamang!