Huwebes, Marso 4, 2010

IDALANGIN ANG PANGINOON NG PAG-AANI

Habang nakatingin si Hesus mula sa kanyang sariling panahon hanggang sa katapusan ng panahon, tinukoy niya ang isang kakila-kilabot na suliranin. Kaya’t sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani” (Mateo 9:37).

Habang binabasa ko ang mga salitang ito, nag-isip ako, “Ano ang kasagutan? Paano makapagpapadami ng manggagawa upang magtungo sa mga bansa?” Ibinigay ni Hesus ang sagot sa sumunod na berso: mayroon dapat manalangin para sa mga manggagawang ito para sa pag-aani. “Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala ng mga manggagawa sa kanyang aanihin” (Mateo 9:38).

Maari ninyong isipin, “Ang mga pintuan ay nagsasara sa buong sanlibutan.” Maaring iyan ay totoo, ngunit hindi mahalaga gaano man kasarado ang ibang bansa sa ating mga paningin. Kung kaya ng Diyos na wasakin ang Bakal na Kurtina sa Europa at ang Kawayang Kurtina sa Asya, walang makapipigil sa kanya sa paggawa kung saan man niya naisin.

Sa mga panahon ng 1980, noong aming ministeryo ay nakahimpil sa Texas, gumugol ako ng isang taon sa pananalangin sa Diyos na sana ay magpadala siya ng tao sa Nuweba York upang magtatag ng iglesya sa Times Square. Nangako ako na tutulong sa kung sinuman ang pipiliin ng Diyos: ang magpadami ng salapi, magsagawa ng mga pagpupulong, magpadami ng mga tatangkilik. Gayunman, habang ako ay nananalangin sa Diyos na sana’y magpadala siya dito sa tinukoy na pag-aani, inilagay ng Panginoon ang pasanin sa akin.

Ang apostol na si Pablo ay ipinadala bilang misyonaryo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng panalangin. Nangyari ito sa Antioch, na kung saan ang mga pinuno ng mga iglesya ay nananalangin para sa pag-aani (tingnan ang Gawa 13:2-6). Ang unang paglalakbay niya bilang misyonaryo ay nangyari pagkatapos ng pulong-panalangin. Ito ang tiyakang bunga ng pagsunod ng mga makadiyos na kalalakihan sa mga salita ni Hesus, na manalangin upang magpadala ang Diyos ng mga manggagawa sa pag-aani.

Iyan ay totoo sa mga panahon ngayon. Kailangan din natin manalangin para sa pag-aani, katulad nang ginawa ng mga makadiyos sa Antioch. Ang katunayan ay, habang tayo ay nananalangin, ang Banal na Espiritu ay naghahanap sa buong mundo, naglalagay ng pangangailangang madalian sa puso nang mga nagnanais na magamit ng Panginoon. Hinihipo niya ang mga tao sa lahat ng lugar, itinatakda sila para sa paglilingkod sa kanya.

Sa Mateo 8, isang senturyon ang lumapit kay Hesus humihiling ng pagpapagaling para sa kanyang mamamatay ng alipin. Sinagot ni Hesus ang senturyon, “Umuwi na kayo; mangyayari ang hinihiling ninyo ayon sa inyong pananalig. Noon di’y gumaling ang alipin ng Kapitan” (8:13). Naniniwala ako ito ay nangyayari din sa lahat ng mga namamagitan para sa pag-aani. Habang hinihiling natin sa Diyos na magpadala ng manggagawa, ang Banal na Espiritu ay namumukaw sigla ng ibang mga tao sa ibang lugar at hindi mahalaga kung saan man ito nangyayari. Ang makapangyarihang katotohanan ay, ang ating mga panalangin ay ginagamit upang magpadala ng mga manggagawa para sa pag-aani.