Ang Espiritu ng Diyos ay patuloy na nanawagan sa sangkatauhan para sa kanya—para sa kabanalan, dalisay ng puso, isang buhay na nakabukod—at sa bawat salinlahi may mga natira na tumugon sa tawag. Si Jose ay tumugon sa tawag ng Diyos sa murang gulang pa lamang; ang kanyang sampung nakatatandang kapatid ay nakatanggap din ng katulad na tawag na sumuko at matuwid na mamuhay, ngunit mas pinili nilang manatili sa tawag ng sanlibutan.
Mayroong dalawang pagkakataon na ang lahat ng anak ni Jacob ay nakatanggap ng maliwanag na tawag ng Espiritu. Ang una ay noong si Jacob ay nagtatag ng dambana para sa Diyos ng Israel (Genesis 33:18-20). Tinawag ni Jacob ang kanyang mga anak sa dambana para kasama siyang sumamba, lumuhod sa harapan ng Panginoon at sumunod sa kanya, ngunit sa halip ay mas pinili ng mga kapatid ni Jose na maghiganti at magkamatayan.
Ang pangalawang pagkakataon na maliwanag na tinawag ng Diyos ang sampu sa Bethel. Alam ni Jacob na ang kanyang mga anak ay nakagapos sa pagsamba sa mga diyus-diyosan at tumatanggi sa tawag ng Diyos sa pagkadalisay at katuwiran, kayat nagbabala siya sa kanila: “Itapon ninyong lahat ang diyus-diyosang taglay ninyo, maglinis kayo ng inyong katawan, at magbihis kayo. Aalis tayo rito at pupunta sa Bethel. Magtatayo ako roon ng altar para sa Diyos na kasama ko saan man at laging tumutulong sa akin sa panahon ng kagipitan” (Genesis 35:2-3).
Ito ang isa sa pinakamaliwanag na tawag sa lahat ng Salita ng Diyos! Ang salitang “magbihis kayo” sa Hebreo ay nangangahulugan na isang moral at espirituwal na paglilinis ng isipan at puso. Sa panglabas ang mga anak ni Jacob ay sumuko: “Ibinigay nila kay Jacob ang kanilang mga diyus-diyosan at ang suot nilang mga hikaw” (talata 4). Ngunit ang kanilang pagsisisi ay panglabas lamang—hindi sila nagkaroon ng tunay na pagbabago sa kanilang mga puso. At muling nagsibalik sa dating gawi ng paghihimagsik, poot, inggit at kaguluhan!
Si Jose ay naiiba sa kanyang mga kapatid: ang kanyang pagsisisi ay galing sa puso. Tumugon siya sa tawag ng Espiritu at nakatalang sumunod sa Panginoon. Sa gitna ng isang, makasalanang kapaligiran, napanatili ni Jose ang malinis na kamay at dalisay na puso.
Si Jose ay ipinadala sa bukirin para tulungan ang kanyang mga kapatid na alagaan ang kanilang mga alaga. Ngunit siya ay nahapis sapagkat ang kanyang mga kapatid ay nangungusap at namuhay na parang hindi kristiyano! Ang kanyang dalisay na puso ay nawasak ng kasamaan ng sarili niyang pamilya.
“Kaya't ang mga ito'y isinumbong niya sa kanilang ama” (37:2). Ibinuhos ni Jose ang puso niya sa kanyang ama: “Hindi ka maniniwala sa paraan ng kanilang pamumuhay, Ama. Nagsasalita sila laban sa iyong Diyos. Sinasaktan nila siya!”
Ang tanda ng Samahan ni Jose ay ang kalungkutan nila sa mga ksalanan! Iwinaksi na nila ang lahat ng diyus-diyosan at umiibig kay Jesus, ang kanilang mga puso ay nag-aalab sa kanilang kabanalan! Nakikita nila ang mga kasalanan sa kapaligiran, ngunit higit silang nasasaktan sa kasalanan sa iglesya. Tumatangis sila mula sa kanilang mga kaluluwa, “O Ama, tingnan mo kung ano ang nangyayari sa iyong mga anak!” kung ikay ay bahagi ng ganitong samahan sa mga huling araw, hindi mo maaring makaligtaan ang kasalanan. Sa halip, mayroong magsusumigaw sa puso na nagsasabi, “O Diyos ko, hindi ko na makayanan ang ginagawa nila sa pangalan mo!” nagsimula kang manalangin—hindi laban sa mga tao, kundi laban sa loob ng mga maladiyablong kapangyarihan sa iglesya ni Jesu-Cristo!