“Subalit ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki, tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose… Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh, na siyang nangakong siya'y tutubusin” (Awit 105:17,19). si Jose ay sinuri at sinubok sa maraming paraan ngunit ang pinakamalaki niyang pagsubok ay ang salitang tinanggap niya!
Isaalang-alang ang lahat nang pinagtiisan ni Jose: Sa edad na 17 pa lamang, hinubaran siya at inihagis para gutumin hanggang sa mamatay. Ang kanyang mga walang-pusong mga kapatid ay pinagtawanan lamang ang kanyang pagmamakaawa at ipinagbili siya sa mga mangangalakal na Ismaelita na nagdala sa kanya sa kalakalan ng mga alipin sa Egipto at ipinagbili bilang isang pangkaraniwang alipin.
Gayunman ang pinakamalaking pagsubok ni Jose ay hindi ang pagkakatakwil sa kanya ng kanyang mga kapatid o maging hindi makataong pag-alipusta sa pagiging alipin niya o ang pagtapon sa kanya sa bilangguan. Hindi—ang nakapagpalito at sumubok sa espritu ni Jose ay ang maliwanag na salita na narinig niya mula sa Diyos!
Ang ipinahayag kay Jose ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip ay siya ay bibigyan ng malaking kapangyarihan na gagamitin niya para sa kaluwalhatian ng Diyos. Ang kanyang mga kapatid ay yuyuko sa harapan niya at siya ay magiging isang dakilang tagapagligtas ng maraming tao.
Hindi ako naininiwala na ang anuman sa mga bagay na ito ay isa lamang pansariling pagmamalaki para kay Jose. Ang kanyang puso ay ganap na nakatalaga sa Diyos na ang salitang ito ay nagbigay sa kanya ng isang mapagkumbabang damdamin ng kapalaran: “Panginoon, inilagay mo ang mga kamay mo sa akin para magkaroon ako ng bahagi sa iyong dakila, walang-hanggang layunin.” Si Jose ay pinagpala na malaman man lang na siya ay may gagampanang mahalagang bahagi na madala ang kalooban ng Diyos na mangyari. Siya ay ang lingkod—kailangan siyang yumuko! Paano siya makakapaniwala na isang araw ay ililigtas niya ang marami na kung saan siya ay isang alipin lamang! Maaring naisip niya, “Hindi kapani-paniwala ito. Paanong ipag-uutos ng Diyos na ako ay ipabilanggo, sa kawalan ng pa-asa? Sinabi ng Diyos na ako ay pagpapalain ngunit hindi niya sinabi na ganito ang mangyayari!”
Sa loob ng sampung taon si Jose ay matapat na naglingkod sa tahanan ni Potipar ngunit sa huli siya ay maling naakusahan at ipinagsinungaling. Ang kanyang tagumpay na makaiwas sa panunukso ng asawa ni Potipar ay naging sanhi pa ng kanyang pagkakakulong. Sa mga sandaling iyon maaring nakapagbulay-bulay siya sa mga hindi kaaya-ayang mga katanungan: Tama ba ang pagkakadinig ko? Ang pagmamataas ko ba ang lumikha sa mga masasamang pangyayaring ito? Maari kayang ang mga kapatid ko ay tama? Maaring ang lahat ng ito ay nangyayari sa akin bilang pagdidisiplina sa ilang bagay na aking makasariling paghahangad.
Mga minamahal, mayroong mga pagkakataong ipinakita sa akin ng Diyos ang mga bagay na hangad niya para sa akin—ministeryo, paglilingkod, kagamit-gamit—subalit ang bawat pagkakataon ay taliwas sa mismong mga pahayag na iyon. Sa mga sandaling iyon naisip ko na, ”O Diyos, hindi maaring ikaw ang nagsasalita; maaring ito ay laman ko,” Ako ay sinubok ng salita ng Diyos para sa akin ngunit binigyan tayo ng kanyang mga pangako at maari tayong magtiwala sa mga ito, sa lahat ng ito!