Hayaan mong ipakita ko sa iyo ang Samahan ni Jose—isang samahan ng mga huling-araw na mga mananampalataya na lubos na ipinagkaloob ang buhay sa Panginoon. Sila ay araw-araw na nakikipag-isa sa Diyos at pinangungunahan ng Espiritu sa bawat bahagi ng kanilang mga buhay. Sa mga sandaling ito sila ay nanggagaling sa mga malalaking pagsubok para makapasok sa lugar ng pagpapahayag, karunungan at katapatan. Ang Diyos ay kumikilos sa kanila, ipinagkakaloob sa kanila ang katotohanan at karunungan, at sa nalalapit na panahon sila ay tatawagin niya katulad ni Jose!
Sa maraming bahagi, ang iglesya ngayon ay dumadanas ng pangmalawakang espirituwal na gutom: mababaw na mga pangaral, mga patay sa pakikinig, “buhay na buhay” na pagsamba na hindi sinasamahan ng matuwid na pamumuhay.
Ang Diyos ay matagal nang kumikilos sa bawat espirituwal na taggutom sa kanyang iglesya. Sa bawat salinlahi nauna na siyang kumilos para maihanda ang kanyang mga tao na mailigtas!
Ang pitumput-limang kasapi ng angkan ni Jacob ay maaring namatay sa malaking pandaigdigang taggutom (at ang pangako ng Israel ay maaring nawasak) kung hindi naunang kumilos ang Diyos para paghandaan ang lahat ng ito. Sa katunayan, mayroong dalawampung taon na bago nangyari ang taggutom, ang Diyos ay nauna nang naghanda ng plano para iligtas ang kanyang mga tao sa pagkawasak.
Una nang ipinadala si Jose sa Egipto! Sa loob ng dalawangpung taon ang Diyos ay kumilos sa taong ito—ibinukod siya, sinubok, inihanda siya para sa isang lugar na may kapangyarihan—sapagkat si Jose ay magiging tagapagligtas ng mga pinili ng Diyos. Inilayo niya si Jose sa mata ng publiko upang maihanda siya sa padating na mga kaguluhan at kamatayan!
Minamahal, katulad nang kasiguruhan sa pagbubukod kay Jose, mayroon siyang Samahan ni Jose sa panahong ito na nakatago sa mata ng publiko. Ito ay nasa pugon ng dalamhati, kulungan ng pagsubok, labanan ng mga pagsubok at mga tukso. Sila ay namamatay sa sanlibutang ito, ayaw magkaroon ng kinalaman sa katanyagan nito, karangalan, salapi o kasiyahan. At sila ay patuloy na nagugutom na lalo pang maging malapit kay Crsito, upang malaman ang kanyang puso at makilala ang kanyang tinig.
Maaring hindi mo maunawaan ang mga mahiwagang pagsusuri at pagsubok sa iyong buhay. Ngunit kung ang puso mo ay nakatuon sa pagsunod kay Cristo, makaaasa ka na ang Diyos ay may layunin sa lahat ng ito: nais niyang isama ka sa Samahan ni Jose.