Sa pagsasara ng aklat ng Genesis, pumili ang Diyos ng munting grupo ng mga di-kilalang tao upang maging mangangaral na nasyon. Nais niyang magbuo ng mga tao na magiging buhay na patotoo ng kanyang kabutihan sa makasalanang sanlibutan. Kaya’t, upang makagawa ng isang patotoo, dinala ng Diyos ang kanyang mga tao sa isang lugar na wala sa kanilang sariling pamamahala. Ibinukod niya ang Israel sa ilang, na kung saan ay siya lamang ang panggagalingan ng kanilang buhay, kumakalinga sa kanilang bawat pangangailangan.
Ang Israel ay walang kapangyarihan na kontrolin ang kanilang pananatili sa walang-taong lugar na iyon. Wala silang kontrol sa makukunan ng pagkain at tubig. Hindi nila kayang kontrolin ang ang kanilang patutunguhan, sapagkat wala silang kompas o mapa, Paano sila kakain o iinom? Anong direksiyon ang patutunguhan nila? At saan sila hahantong?
Ang Diyos ang gagawa ng lahat ng ito para sa kanila. Gagabayan niya ang mga ito araw-araw sa pamamagitan ng himalang ulap, yaong magniningning sa gabi at papawiin ang kadiliman sa harapan nila. Pakakainin niya sila ng pagkain ng mga anghel mula sa langit at bibigyan sila ng tubig mula sa bato. Oo, ang bawat pangangailangan nila ay ibibigay ng Panginoon, at walang kaaway ang maaring makagapi sa kanila.
“Mula sa langit, nagsalita siya sa inyo upang kayo’y turuan. At dito sa lupa nagsalita siya mula sa apoy” (Deutoronomo 4:36). Ang mga tao ng Diyos ay maririnig ang kanya mismong mga salita na gagabay sa kanila, at kapalit nito’y magpapatotoo sila, “Maliban sa inyo, sino pa ang nakarinig sa tinig ng Diyos mula sa haliging apoy at nanatiling buhay?” (tingnan 4:32-34).
Ang mga bansa na pumapaligid sa lumang Israel ay puno ng mga “ibat-ibang diyos,” mga diyus-diyusan na gawa sa kahoy, sa pilak at ginto. Ang mga diyus-diyusang ito ay pipi, hindi nakakakita o nakakarinig, hindi maaring umibig, gumabay o magtanggol sa mga taong sumasamba sa kanila. Gayunman kahit isa sa mga bansang ito ay maaring tumingin sa Israel at makikita ang mga itinatanging mga tao na siyang dinala ng Diyos sa nakakatakot na ilang. Makikita nila ang isang Diyos na nakikipag-usap sa kanyang mga tao, umiibig at nakadadama, sumasagot sa mga panalangin at nagbibigay ng himala. Narito ang buhay na Diyos, na siyang gumagabay sa kanyang mga tao sa bawat bahagi ng kanilang buhay.
Nagbuo ang Diyos ng mga tao na kanyang sasanayin. Kailangang may mga tao na mabubuhay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, ganap na mananalig sa kanya, na ibibigay ang buong pamamahala sa bawat bahagi ng kanilang buhay. Ang mga taong ito ang kanyang magiging patotoo.
Bakit nanaisin ng Diyos ang magkaroon ng ganap na pamamahala sa mga tao at ipipilit ang kanilang ganap na pagtitiwala sa lahat ng oras? Sapagkat ang Diyos lamang ang nakakaalam ng daan at siya ang gagawa ng mga imposible na kinakailangan para madala sila doon.