“Kaya nga, mga kapatid, tayo’y malaya na makapapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa kamatayan ni Hesus. Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buhay na daang naglagos hanggang sa kabila ng tabing-alalaong baga’y ang kanyang katawan…kaya’t lumapit tayo sa Diyos nang may tapat na kalooban at matibay na pananalig sa kanya” (Hebreo 10:19-20, 22).
Mayroong dalawang panig sa gawain ni Kristo sa Kalbaryo. Ang isang panig ay para sa kabutihan ng tao, at ang isang panig ay para sa kapakinabangan ng Diyos. Ang isa’y para sa kabutihan ng makasalanan, habang ang isa’y sa kapakinabangan ng Ama.
Tayong lahat ay may malawak na kaalaman sa pakinabang ng panig ng sankatauhan. Ang krus ni Kristo ay nagbigay ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Binigyan tayo ng kapangyarihan ng tagumpay sa lahat ng pagkakagapos at kapangyarihan laban sa kasalanan. Tayo ay tinustusan ng kahabagan at pagpapala. At, ang katunayan, tayo ay binigyan ng pangako ng walang-hanggang buhay. Ang krus ay binigyan tayo ng pamamaraan ng pagtakas mula sa sindak ng kasalanan at impiyerno.
Pinasasalamatan ko ang Diyos para sa kapakinabangan ng krus sa sankatauhan, at para sa kahanga-hangang ginhawa na dulot nito. Nagagalak ako at ito’y ipinangangaral linggo-linggo sa mga iglesya sa buong sanlibutan.
Gayunman, mayroon pang isang kabutihan ang dulot ng krus, isang bagay na halos wala tayong kaalaman tungkol dito. At ito ay sa kapakinabangan ng Ama. Nakita mo, maliit lamang ang ating pang-unawa tungkol sa kasiyahan ng Ama na naging bunga ng krus. Ito’y ang kasiyahan na dumarating sa kanya sa tuwinang tatanggapin niya ang isang alibughang anak sa kanyang tahanan.
Kapag tayong lahat ay nagtuon ng tungkol sa kapatawaran na dulot ng krus---kapag ito ang buod ng lahat ng ating pangangaral---kung ganon ay nawala sa atin ang mahalagang katotohanan na siyang ipinakakahulugan ng Diyos para sa atin tungkol sa krus. Mayroong isang ganap na pang-unawa na dapat mayroon dito, at ito ay may kinalaman sa kanyang kasiyahan. Ang katotohanang ito ay nagdudulot sa mga tao ng Diyos ng higit pa sa kaginhawahan. Ito’y nagdadala ng kalayaan, kapahingahan, kapayapaan at kagalakan.
Sa aking pananaw, ang nakararaming Kristiyano ay natutong lumapit sa Diyos ng walang-takot para sa kapatawaran, para sa mga pangangailangan, para sa mga katugunan sa mga panalangin. Ngunit nagkukulang ang mga ito ng kawalan ng takot sa katayuan ng pananalig---sa katayuan na kasing-halaga ng kanilang paglalakad kasama ang Panginoon.
Ang Panginoon ay may lubos na kagalakan sapagkat ang krus ay nagdulot sa atin ng bukas na daanan patungo sa kanya. Sa katunayan, ang pinakamaluwalhating sandali sa kasaysayan ay nang ang tabing ng templo ay napiraso sa dalawa, sa araw ng kamatayan ni Kristo. Ito ang sandaling ang kapakinabangan sa Diyos ay pumutok. Sa sandaling iyon ang tabing ng templo---ay naghiwalay sa tao mula sa banal na presensiya ng Diyos---ay nagkapira-piraso, isang di-kapani-paniwalang bagay ang nangyari. Mula sa puntong iyon, hindi lamang ang tao ang nakapapasok sa presensiya ng Panginoon, kundi pati ang Diyos ay makalalabas sa tao.