Bilang taga-sunod ni Kristo, kailangang tanggapin natin ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang Salita at tanggapin bilang katotohanan kung ano ang sinabi niya na kung ano tayo. Nangangahulugan ito na ang ating “dating sarili” ay kumakatawan sa tao na patuloy na hinahangad na malugod ang Diyos sa laman. Ang ganitong tao ay galit sa kasalanan, hindi nais na pasamain ang loob ng Diyos, gayunman ang isipan niya ay patuloy na dinadala ang kanyang kasalanan. Kaya ipinangako niya na paglalabanan niya ang kanyang suliranin sa kanyang kasalanan: “Magbabago na ako! Magsisimula ako sa araw na ito na mapaglabanan ang aking nananatiling mga kasalanan, anuman ang mangyari. Nais kong makita ng Diyos kung paano ko pagsusumikapan ito.”
Ang ganitong tao ay dinadala sa Diyos ang pagpapawis at mga luha. Nananalangin siya at nag-aayuno upang patunayan sa Diyos na may mabuti siyang puso. Nagagawa niyang paglabanan ang kasalanan ng maramimg araw sa bawat pagkakataon, kaya’t sinasabi niya sa sarili niya, “Kung kaya ko ng dalawang araw, bakit hindi apat, bakit hindi isang linggo?” Sa katapusan ng buwan masarap ang pakiramdam niya, naniniwala na nagawa na niyang mailigtas ang sarili. Ngunit ang kanyang dating mga kasalanan ay muling babalik, at muli babagsak siya, malalim na nagdadamdam. At simula na naman ng ikot ng panahon. Ang ganitong tao ay nasa gilingang pinepedalan na walang katapusan, isang lugar na hindi niya kayang alisan.
Huwag sana magkaganito! Ang kanyang katawang tao ay ipinako sa krus kasama ni Kristo, pinatay sa mata ng Diyos. Sa katunayan, Sinasabi ni Pablo sa atin na ang dating pagkatao ay ibinilang na sa patay sa krus ng kalbaryo. Isinama na ni Kristo ang dating tao sa libingan kasama niya, na kung saan iniwan siyang patay na at nalimot na. Katulad ng ama ng alibugha na kinalimutan na ang “dating pagkatao” ng anak niya, sinabi ng Panginoon sa ating dating pagkatao, “Hindi ko na kikilalanin o makikipagkasundo sa dating tao. Iisa lamang ang taong kinikilala ko ngayon, isang kung kanino ako makikipagkasundo. Iyan ang aking Anak, na si Hesus, at sa lahat na kasama niya sa pananampalataya.”
Ang bagong nilalang ay yaong isinuko na ang lahat ng pag-asa na malugod ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapakahirap ng laman. Namatay na siya sa dating buhay ng katawan niya. At sa pananampalataya nalaman niya na mayroong isa lamang na paraan para malugod ang Diyos, isang paraan para masiyahan siya: Si Kristo ay kailangang maging lahat. Alam niya na mayroong iisa lamang na kinikilala ang Ama: si Kristo at ang lahat na nasa kanya.
Ang bagong nilalang ay nabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya lamang: “Ang makatarungan ay mabubuhay sa pananampalataya.” Nananalig siya sa Salita ng Diyos ng lubusan at hindi na siya sumasandal sa anuman. Natagpuan niya ang panggagalingan ng lahat ng kailangan niya kay Kristo, na sapat na sa lahat. At nananalig siya sa sinasabi ng Diyos sa kanya: “Ang dating pagkatao mo ay patay na, at ang buhay mo ay nakatago kay Kristo sa Diyos.” Maaring hindi niya mararamdaman ito, o mauunawaan ng lubusan, ngunit hindi siya makikipagtalo sa mapagmahal na Salita ng Ama. Tinatanggap niya ito sa pamamagitan ng pananampalataya, nananalig na ang Panginoon ay tapat sa kanyang Salita.