Hayaan ninyong ipahayag ko sa inyo kung paano dinadala ng Diyos ang mga tao sa kanyang tahanan, paano sila kinakausap, at paano sila iniligtas. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng buhay. Ang Panginoon ay itinatag ang kanyang iglesya sa pamamagitan ng mga patotoo ng mga ilaw na nagniningning mula doon sa mga umiibig sa kanya. At nagawa niya ito hindi dahil sa ang mga lingkod niya ay ginamit ang tamang pamamaraan, kundi dahil ipinamuhay nila ang buhay.
Ang buhay ni Kristo ay nagbunga ng liwanag sa mga tahanan, sa kapaligiran, sa lugar ng mga gawaan nila. Paano nakakamit ang buhay na ito? Bumababa ito sa mga banal na namumuhay ng matuwid, malayo sa sisi, bilang halimbawa ng kahabagan ng Diyos. Ang mga lingkod na ito ay matapat na nakikitungo, di-mapag-imbot, at walang itinatagong kadiliman sa kanilang sarili. Namumuhay sila na ganap na matapat kay Hesus, at handang maglingkod sa iba sa lahat ng sandali.
Si Pablo ay nagpahayag sa mga lingkod na “Nalalaman mo ang kanyang kalooban at nakilala ang mabubuting bagay, sapagkat itinuro sa iyo ng Kautusan. Ang palagay mo’y tagaakay ka ng bulag, tanglaw ng nadirimlan” (Roma 2:18-19). Ang mga banal na iyon na inilarawan ni Pablo ay dapat papurihan.
Hayaan ninyong magbigay ako ng halimbawa ng ganoong ilaw. Kamakailan, isang mataas na pinuno ng isang kompanya sa Nuweba York ay tumawag sa aming iglesya. Tinanggap ni Pastor Neil ang tawag. Ang mataas na pinuno ay nagsabi kay Pastor Neil nang tungkol sa dalawang babae na kabilang sa aming iglesya na nagtatrabaho sa kanya. Sinabi niya na hindi sila katulad ng iba sa kanyang tanggapan. Ang dalawang babaeng ito ay palaging magalang, palaging nakangiti, matulungin sa iba, hindi naghihimutok o naninirang-puri. “Mayroong kakaiba sa kanila,” sinabi niya. “Nais kong makipagpulong sa inyo para malaman kung ano ang pinagkaiba.”
Ang mga babaeng ito ay mga makalangit na kandila, na inilagay ni Hesus sa gawaan nila. At ang ilaw na kanilang ipinakikita ay nagniningning sa kabuuan ng kanilang gawaan. Paano napasa-kanila ang buhay ni Kristo. Nakita ito ng kanilang amo bilang isang bagay na higit pa sa maaring ihandog ng sanlibutan.
Ang mataas na pinuno ay isang Hudyo. Sa palagay ba ninyo ay tutugon siya sa isang paanyaya ng pulong ng pagmumuling-buhay? Babasahin kaya niya ang munting pakete ng babasahin na ginawa ng iglesya? Hindi, maaring itinapon na niyang lahat ito sa “Bunton 13” at hindi na muling titingnan. Ang lalaking ito ay tumugon sa tunay na ilaw---isang ilaw na isinilang mula sa buhay
na nakatago kay Kristo, at ipinamumuhay araw-araw ng dalawang mapagkumbabang babaeng ito
Kailangan lamang nating dalhin ang ilaw sa ating komunidad dahil tayo ay puno ng buhay ni Kristo. Kailangan nating ipamuhay ang mensahe na dala-dala natin, kung ito ay ipangangaral natin ng may kapangyarihan. Tinutulungan tayo ng Diyos na maalala na ang ilaw ay magniningning sa pamamagitan ng maliliit na bagay ng buhay.