“Si Saul ay natakot kay David pagkat nadama niyang hindi na siya kundi ito ang pinapatnubayan ni Yahweh” (1 Samuel 18:12).
Kinaiinggitan at kinatatakutan ni Satanas yaong mga nakasama ng Diyos sa panalangin at tiyak na tatayo at lalaban para sa pananampalataya. Kinatatakutan ni Satanas maging ang isang maliit na hukbo, yaong mga nakahanda sa pananampalataya para lumaban. Yumuyuko siya doon sa mga nakatayo at handang lumaban. At dahil takot siya sa iyo, ang kanyang layunin ay neutralisahin ang iyong palabang espiritu.
Ginagawa ito ng diyablo sa pamamagitan ng pagsusubok na guluhin ang iyong isipan ng mga nakagagapi, nanggugulo, mala-impiyernong pag-iisip na nagpapalago ng kawalan ng pagtitiwala at tinatanong ang tungkol sa kapangyarihan ng Diyos. Sisigaw siya sa iyong isipan at espiritu, “Wala nang halagang makipaglaban pa. Masyado ka nang nanghihina dahil sa iyong pansariling kaguluhan. Hindi ka maaaring maging matagumpay. Ang kapangyarihan ng impiyerno ay lubhang malaki para mapagtagumpayan. Kaya’t mabuti pang maglibang-libang ka na lang. Hindi mo na kailangang maging marubdob sa pakikipaglaban.”
Ang lahat ng ito ay isang panglilito! Ang kabuuan ng kanyang panlilinlang ay alisin ang iyong mga mata sa tagumpay ng Krus. Nais niyang itutok mo ang iyong pagtuon sa iyong mga kahinaan, iyong mga kasalanan, iyong mga pagkukulang---at iyan ang dahilan kaya pinag-aalab niya ang apoy sa iyong mga pangkasalukuyang suliranin at mga paghihirap. Nais niyang papaniwalain ka na hindi sapat ang iyong lakas para magpatuloy. Ngunit ang iyong lakas ay hindi pinag-uusapan dito: kundi ang lakas ni Hesus.
Ang katunayan ay, tayong lahat ay makikipaglaban hanggang tayo ay mamatay o hanggang bumalik si Hesus. Maaring bigyan tayo ng panahon ng pagiging kalma, panahon ng palugit. Ngunit habang tayo ay nasa sanlibutan, patuloy ang ating espirituwal na pakikidigma. At walang katapusan ang mga pakikipaglabang ito. Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Pablo na binigyan tayo ni Hesus ng sandatang makapangyarihan upang mapabagsak ang mga matatag na moog. Tayo ay binigyan ng mga sandatang hindi kayang matagalan ni Satanas: ang panalangin, pag-aayuno at pananalig.
Dumating na ang sandali para sa atin upang maalis ang ating pagtuon sa ating mga pangkasalukuyang kapighatian. Kailangang alisin natin ang ating pansin mula sa ating mga pagsubok at itutok ito sa Kapitan ng digmaang ito. Hawak ni Hesus ang susi sa lahat ng tagumpay at ipinangako niya sa atin: “Pinagkalooban kita ng lahat ng sandata na kailangan para sa pakikipaglaban. At ako ay handa at pumapayag na bigyan ka ng lakas sa sandali ng mga kahinaan.”