Naniniwala ako na ang alibughang anak (tingnan ang Lucas 15) ay bumalik sa tahanan nila dahilan sa kasaysayan nila ng kanyang ama. Ang batang anak na ito ay kilala ang pagkatao ng kanyang ama, at hayagang natanggap niya ang dakilang pag-ibig mula sa kanya. Kung hindi, bakit pa siya babalik sa amang maaring galit at maghihiganti, na maaring bugbugin siya at pabayaran sa kanya ang bawat sentimong kanyang nilustay?
Natitiyak ng alibugha na kung babalik siya ay hindi siya kagagalitan at huhusgahan sa kanyang mga kasalanan. Maaring naisip niya, “Alam ko na mahal ako ng ama ko. Hindi niya ibabato ang kasalanan ko sa aking mukha. Muli niya akong tatanggapin.” Kapag mayroon kang ganyang kasaysayan, maaari kang bumalik palagi.
Masdan kung paano siya “inagapan” ng ama sa mga pagpapala ng kabutihan. Ang batang lalaki ay nagtangka na mag-alay ng taus-pusong pangungumpisal sa kanyang ama, sapagkat ito ay pinaghandaan niya habang pauwi. Gayunman nang makaharap niya ang kanyang ama, hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na lubusang magkumpisal. Pinigilan siya ng kanyang ama sapagkat patakbo siyang sinalubong at niyakap.
“Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya’t patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinagkan” (Lucas 15:20). Ang kanyang ama ay lubos na maligaya sapagkat bumalik ang kanyang anak, pinaghahagkan siya at sinasabing, “Mahal na mahal kita, anak. Magbalik ka at muling magbago.”
Ginawa lahat ito ng ama bago pa man matapos ng anak ang pangungumpisal. Ang batang lalaki ay nagawang simulan ang kanyang pagsasalita. Ngunit ang kanyang ama ay hindi na siya pinayagan pang makatapos. Para sa kanya, ang kasalanan ng anak ay napatawad na. Ang tanging tugon ng ama ay mag-utos sa kanyang mga lingkod na: “Suutan siya ng pinakamahusay na damit at singsing. Maghanda ng pagkain at tayo ay magdiriwang. Lahat ay magalak, sapagkat ang anak ko’y bumalik na!”
Hindi paksa ang kasalanan sa kanyang ama. Ang tanging paksa sa isipan niya ay pag-ibig. Nais niyang malaman ng anak niya siya ay tinanggap bago pa man makabigkas ng pangungumpisal. At iyan ang punto na nais ng Diyos para sa ating lahat: “Ang kanyang pag-ibig ay pinakadakila higit pa sa ating mga kasalanan. “Hindi mo ba alam na binigyan ka niya ng pagkakataong magsisi at magbagong-buhay kaya napakabuti niya sa iyo?” (Roma 2:4).