Miyerkules, Agosto 27, 2008

MAGTUNGO “SA ESPIRITU”

Maari kang magtungo “sa Espiritu” kahit saang bansa sa mundo. Maari mong hipuin ang mga hindi maabot na tao habang ikaw ay nakaluhod. Sa katunayan, ang iyong lihim na silid ay maaring maging himpilan mo para sa kilusan ng Espiritu ng Diyos para sa isang buong bansa.

Naisip ko ang halimbawa ni Abraham. Ipinanalangin niya ang walang diyos , makasalanang Sodoma. At tumugon si Yahweh, “Hindi ko ipinahamak ang lunsod dahil sa limampung matuwid” (Genesi 18:26).

Nang marinig ito ni Abraham, nagsimula siyang makipagkasundo kay Yahweh. Itinanong niya, “Kung wala pong limampu, at apatnapu’t lima lamang ang matuwid, wawasakin ba ninyo ang lunsod?” (18:28). Tinatanong ni Abraham, “Sa katapusa’y sinabi ni Abraham, ‘Ito na po lamang ang itatanong ko: Kung sampu lamang ang matuwid na naroon? Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod dahil sa sampung iyon,’ tugon ni Yahweh” (18:32).

Ang talatang ito ay nagsasabi sa atin ng isang bagay tungkol sa Panginoon. Payag siyang iligtas ang buong lipunan kung makatatagpo lamang siya ng pangkat ng matutuwid na mga tao sa loob nito. Ito ay naglalarawan ng mga tao na hinahanap ang kanyang mukha para sa kapakanan ng bansa.

Ang Diyos ay nagpakalayo pa sa paksang ito higit pa sa ginawa niya kay Abraham. Sa Ezekiel 22, Ang Diyos ay nagpahayag ng paghahanap ng isang mananampalatayang maninindigan: “Humahanap ako ng isang taong makapaglalagay ng pader upang ipagsanggalang ang lunsod sa araw na ibuhos ko ang aking poot, ngunit wala akong makita” (Ezekiel 22:30).

Sa panahon ng hula ni Ezekiel, ang Israel ay espirituwal na marumi. Ang mga propeta ay mga lapastangan, lumalabag kaliwa’t kanan sa batas ng Diyos. Ang mga tao ay api, galit sa lahat ng paligid nila, puno ng makalamang pagnanasa, ninanakawan ang bawat isa. Wala isa mang tao sa kanila ang tumangis sa Panginoon. Wala isa man ang tumayo sa pader upang mamagitan. Gayunman ililigtas sana ng Diyos ang buong bansa para lamang sa isang mamamagitan.

Kung hindi ka man pisikal na makapupunta sa mga bansa, maari kang maging bahagi ng mga tumatangkilik na samahan ng mga namamagitan. At tayo ay tutulong para doon sa mga taong nag-alay ng kanilang sarili upang magtungo sa mga bansang ito. Nang isinulat ni Pablo ang kanyang mga paglalakbay, binanggit niya hindi lamang si Timoteo at Tito bilang kanyang mga katulong, kundi pati na si Lydia at iba pang mga mahalagang kababaihan na tumulong sa kanya. Ang lahat ng mga ito ay mga matapat na lingkod na kung saan ang kanilang tulong ay nakatulong na hipuin ang bansa sa pamamagitan ng ebanghelyo.