Biyernes, Agosto 8, 2008

ANG DIYOS NG ATING MGA DAMBUHALA

Sinabi ng Diyos kay Job, “Ang dambuhalang Behemot isip-isipin mo, isa sa mga nilikha ko dito sa mundo ay parang baka kung kumain ng damo” (Job 40:15). “Mahuhuli ba ang dambuhala sa pamamagitan ng kawil? Ang dila kaya nito’y matatalia’t masusupil” (41:1).

Bakit sisimulan ng Diyos ang kanyang pahayag sa pamamagitan ni Job na isaalang-alang ang dalawang dambuhalang ito? Bakit nais ng Diyos na tingnan ni Job ang mga mukha ng hipopotamo at ng buwaya?

Una, inilatag ng Diyos ang suliraning ito sa kanyang lingkod, “Tingnan mo Job, hinahabol ka ng hipopotamo. Ano ang iyong gagawin? Kaya mo bang makipagbuno sa kanya sa pamamagitan ng iyong sariling lakas? Hindi? Siguro maaari mong siyang kausapin ng malumanay.

“Ngayon, masdan ang pananakot ng buwaya, Paano mo siya haharapin? Ang nilikhang ito ay may pusong bato. Wala siyang kaisipan ng kahabagan.” Ito ay higit pa sa isang simpleng pangangaral tungkol sa kaharian ng hayop. Sa halip, sinasabi ng Diyos kay Job ang tungkol sa buhay ng mga “dambuhala.” Ipinakikita niya sa kanyang lingkod na ang dalawang nakasisindak, mabangis, makagaping nilikhang ito ay naglalarawan ng mga dambuhalang suliranin na nagngangalit sa buhay ni Job.

“Isaalang-alang ang hipopotamo. Niyayapakan niya ang lahat ng nakikita. Lubha siyang malaking suliranin para maharap mo siya, Job. Hindi mo siya kaya kahit ano pa ang gawin mo. Hindi mo siya kayang paamuin kahit ano ang gawin mo. Ako lamang, ang Panginoon, ang may alam kung paano pipigilan ang ganitong dambuhalang nilikha.

“At paano naman ang buwaya, Job? Walang tao ang may kakayahan na labanan ang ganitong uri ng nilikha. At walang sinuman sa kanyang sariling lakas ang may kakayahan na balatan ang makapal na balat nito. Ito ay totoo at katulad ng iyong espirituwal na kaaway. Ako lamang ang may kakayahan na labanan siya.”

Naririnig mo ba ang sinasabi ng Diyos sa kanyang talumpati? Nagwiwika siya hindi lamang kay Job kundi sa lahat ng mananampalataya. At nagpapahayag siya, “harapin mo ang katotohanan tungkol sa dambuhala sa buhay mo. Hindi mo sila kakayanin. Ako lamang ang may kakayahan.”

Sumagot si Job, “Ang Diyos ko ang pinakamakapangyarihan. Kaya niyang gawin ang lahat. At walang balakin niya ang maaring hadlangan. Alam ko na hindi ko kayang harapin ang hipopotamo o ang buwaya. Ngunit walang halaga ito. Sapagkat alam ko na kaya ng Diyos. “Alam kong magagawa mo ang lahat ng bagay, anumang balakin mo’y walang makahahadlang” (Job 42:1-2).