Nagpahayag si Hesus, “Ang aking iglesya ay lugar ng walang kahihiyan, bukas na pagsisisi..” Gayunman, pinatunayan ng apostol na si Pablo: “Malapit sa iyo ang salita, nasa iyong mga labi at nasa iyong puso: ibig sabihi’y ang salitang ipinangangaral namin tungkol sa pananampalataya; kung ipahahayag ng iyong mga labi na si Hesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat nananalig ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayo’y napapawalang-sala; at nagpapahayag sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayo’y naliligtas. Sinasabi ng Kasulatan, Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya” (Roma 10:8-11).
Sa madaling sabi, tayo ay dinala sa kaligtasan sa pamamagjtan ng pangungumpisal ng pagsisisi sa pamamagitan ng labi. Ipinahayag ni Hesus, “Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal” (Mateo 9:13). At sinabi niya, ang pagsisisi ang daan kung paano tayo pinagaling at nanumbalik: “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang may sakit. Naparito ako, hindi upang tawagin ang mga matuwid kundi ang mga makasalanan upang magsisi” (Lucas 5:31-32).
Ito ay magandang balita. Sinasabi ni Hesus sa atin, “Sa aking iglesya, ang lahat ay pinagaling sa pamamagitan ng pagsisisi. Hindi mahalaga kung sino ka---kung ikaw man ay pisikal na may suliranin, may suliranin sa pag-iisip, espirituwal na may sakit. Ang lahat ay dapat lumapit sa akin ng pare-pareho. At ang lahat ay makakatagpo ng kagalingan sa pamamagitan ng pagsisisi.
Ilang mga iglesya ang patuloy na binubuksan ang altar para sa mga may mabigat na pasanin sa puso nila upang lumapit sa altar at magsisi? Ilang mga pastor ang huminto ng magbigay ng paanyaya sa altar sa napakahalagang espirituwal na gawaing ito? Ilang mga mananampalataya ang nawalan na ng damdamin para sa kanilang pangangailangan na ikumpisal ang kanilang kasalanan?
Ano ang nakagitnang mensahe ng Magandang Balitang ito ni Kristo? Ginawa niya itong malinaw sa kabuuan ng apat na ebanghelyo. Sinasabi niya sa atin, “Narito ang ipinangangaral ko sa aking iglesya. Ito ang mensahe ko sa lahat ng mga makasalanan.”
“Si Hesus ay nagtungo sa Galilea at ipinangaral ang Mabuting Balita mula sa Diyos: Dumating na ang takdang panahon, at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito” (Marcos 1:14-15). Ito ang unang mensahe ni Hesus na nakatala. Ipinangaral niya ang pagsisisi.
Para sa ibang mga Kristiyano, maari itong may tunog ng mabigat na pananalita. Maari silang tumugon, “Sige, ngunit gaano katigas ipinangaral ni Hesus ang pagsisisi?” Sinagot ni Lucas ito sa kanyang ebanghelyo. Sinabi ni Hesus sa kanyang mga tagapakinig, “Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat” (Lucas 13:5).