Ang paksa ng pasasalamat ay dumating sa akin kamakailan habang dumaranas ako ng kabigatang pangsarili. Noong panahon na iyon, ang gusali ng aming iglesya ay nangangailangan ng mayor na pag-ayos. Ang mga suliranin ng mga taga Parokya ay nagpapatung-patong na. Lahat ng kilala ko ay mistulang dumaranas ng pagsubok. At nadama ko ang lahat ng dalahin na ito.
Pumasok ako sa aking tanggapan at naupo, nakadama ako ng awa sa sarili ko. Nagsimula akong maghimutok sa Diyos: “Panginoon gaano pa katagal mo akong hahayaan sa apoy na ito? Gaano pa katagal ako mananalangin tungkol sa lahat ng ito bago mo ito gawan ng paraan? Kailan mo ako sasagutin, Diyos ko?
Kaginsa-ginsa’y pumasok ang Espiritu Santo sa akin—at nakaramdam ako ng hiya. Ibinulong ng Espiritu sa aking puso, “Magsimula kang magpasalamat sa akin ngayon din, David. Dalhan mo ako ng sakripisyo ng pasasalamat—para sa lahat ng nagdaang nagawa ko na para sa iyo, at para sa gagawin ko pa sa mga darating na panahon. Bigyan mo ako ng sakripisyo ng pasasalamat—at kaginsa-ginsa’y ang lahat ay magbabago!”
Ang mga salitang iyon ay nanatili sa aking espiritu. Ngunit nag-isip ako: “Ano ang ibig sabihin ng Panginoon, ‘isang sakripisyo ng pasasalamat’?” Tiningnan ko ang talatang ito sa Kasulatan at ako’y namangha sa lahat ng mga pinagbatayan na natagpuan ko:
• “Dapat ding dumulog, na dala ang handog ng pasasalamat, lahat ng ginawa niya’y ibalita, umawit sa galak!” (Awit 107:22).
• “Ako ngayo’y maghahandog ng haing pasasalamat, ang handog kong panalangi’y sa iyo ko ilalagak ang pasasalamat” (Awit 116:17).
• “Pag-ibig n’yang wagas ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway, pagsapit ng gabi ang katapatan n’ya’y ihayag din naman” (Awit 95:2).
• “Pumasok sa kanyang templo puso’y nagdiriwang, umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal; purihin ang ngalan niya at siya’y pasalamatan” (Awit 100:4).
Nabuhay tayo sa isang araw nang ang ating nakatataas na pari, si Hesus, ay naipakita na ang sakripisyo ng sariling dugo sa Ama para sa pagtatakip sa ating mga kasalanan. Hinugasan na ni Kristo ang ating mga pagkakasala, hindi na aalalahanin pang muli laban sa atin. Kaya, para sa atin, ang gawain ng pagtatakip-sala ay tapos na.
Gayunman, katulad ng mga Israelitas, kailangan din nating humarap sa korte ng Panginoon katulad ng sinasabi sa Awit 100—may kasamang pasasalamat at pagpupuri. At kailangan magdala tayo ng dalawang “guya.” Dalhin ninyo ang inyong kahilingan, lumapit kayo kay Yahweh at sabihin ninyo, ‘Patawarin mo na kami. Kami’y iyong kahabagan at tanggapin. Maghahandog kami sa iyo ng pagpupuri” (Oseas 14:2). Ang salitang “guya” dito ay sumasagisag sa ating mga labi, o mga salita. Ang buong kahulugan nito sa Hebreo ay, “Maghahandog kami ng mga guya, maging ng aming mga labi.”
Ang ating handog ng pasasalamat ay kailangan gawin na may kasamang dalawang guya—isang handog ng ating mga labi, ating mga tinig. Sinasabi ng Diyos,”Dalhin mo sa aking harapan ang iyong pananalita ng pasasalamat. Magsalita ka, awitin mo ang iyong mga pagpupuri sa akin!”
Hindi na natin kailangan magdala sa Diyos ng sakripisyo ng dugo o alay na pilak at ginto para sa pagtatakip-sala. Sa halip, kailangan magdala tayo sa kanya ng sakripisyo ng pagpupuri at pasasalamat mula sa ating mga labi: “Kaya’t lagi tayong maghandog ng hain ng pagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ni Hesus—pagpupuring nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan” (Hebreo 13:15). Ang “bunga ng ating mga labi” ay pagkilala sa utang na loob at pasasalamat!